Bible Catholic Church Daily Gospel on DCF

THE WORD on DCF: “Ang Kasaganaan ng Buhay kay Jesus”


Setyembre 6, 2018. Huwebes. Ika-22 Linggo ng Karaniwang Panahon.

Salmo 24: Ang daigdig, lahat doon, ang may-ari’y ating Poon.

Unang Pagbasa: 1 Corinto 3:18-23

Huwag dayain ninuman ang kanyang sarili. Kung may nag-aakalang siya’y matalino ayon sa sanlibutang ito, aminin niyang siya’y mangmang upang maging tunay na marunong. Sapagkat ang karunungan ng sanlibutang ito ay kamangmangan sa paningin ng Diyos.

Gaya ng nasusulat, “Hinuhuli niya ang marurunong sa kanila na ring katusuhan.”

Gayundin, “Batid ng Panginoon na ang iniisip ng marurunong ay walang kabuluhan.” Kaya’t huwag ipagmalaki ninuman ang nagagawa ng tao. Para sa inyo ang lahat ng ito, si Pablo, si Apolos, at si Pedro, ang sanlibutang ito, ang buhay, ang kamatayan, ang kasalukuyan, at ang hinaharap; lahat ng ito’y para sa inyo. At kayo’y para kay Cristo, at si Cristo nama’y para sa Diyos.

Ebanghelyo: Lucas 5:1-11

Minsan, habang nakatayo si Jesus sa tabi ng Lawa ng Genesaret, nag-uunahan ang napakaraming tao sa paglapit sa kanya upang makinig ng salita ng Diyos. May nakita siyang dalawang bangka sa tabi ng lawa; wala sa mga bangka ang mga mangingisda kundi nasa lawa at naglilinis ng kanilang mga lambat. Sumakay siya sa isa sa mga bangka at hiniling kay Simon, na may-ari ng bangka, na ilayo ito nang kaunti. Naupo siya sa bangka at nangaral sa mga tao.

Pagkatapos niyang mangaral, sinabi niya kay Simon, “Pumalaot kayo at ihulog ang mga lambat upang manghuli.”
Sumagot si Simon, “Guro, magdamag po kaming nagpagod ngunit wala kaming nahuli! Ngunit dahil sa sinabi ninyo, ihuhulog ko ang mga lambat.”

Ganoon nga ang ginawa nila, at nakahuli sila ng maraming isda, kaya’t halos mapunit ang kanilang mga lambat. Kinawayan nila ang kanilang mga kasamahang nasa kabilang bangka upang magpatulong.

Lumapit naman ang mga ito at napuno nila ang dalawang bangka, anupa’t halos lumubog ang mga ito. Nang makita iyon ni Simon Pedro, siya’y lumuhod sa harap ni Jesus at sinabi, “Layuan po ninyo ako, Panginoon, sapagkat ako’y isang makasalanan.”

Nanggilalas siya at ang kanyang mga kasama dahil sa dami ng kanilang huli, gayundin sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo at mga kasosyo ni Simon.

Sinabi ni Jesus kay Simon, “Huwag ka nang matakot. Mula ngayo’y mga tao na, sa halip na mga isda, ang iyong huhulihin.”

Nang maitabi na nila ang mga bangka sa pampang, iniwan nila ang lahat at sumunod kay Jesus.

Pagninilay:

Kung ang isang tao ay puno na ng kahanginan sa kanyang sariling pagkamatalino at kagalingan, maari nitong isipin na hindi na niya kailangan pang matuto. Dito na magsisimula ang kanyang pagbagsak dahil dito na siya maaring mapag-iwanan. Kung tayong mga tao ay nagsisimulang maging mapagmataas sa harapan ng Diyos at ng tao, dito tayo nagsisimulang magtungo pababa.

Ang karunungan ng Diyos ay walang hanggan. Para tayo ay mabahagian nito, kailangan nating laging tanggalin ang ating sariling pagmamarunong. Sa ating ebanghelyo, walang nahuli sina Pedro bagamat magdamag at maghapon silang nakapalaot. Kung naging mapagmataas si Pedro at sinunod niya ang kanyang sariling rason, nanatili sana itong walang huli. Ngunit mas pinili pa rin niyang sundin at maniwala sa sinabi ni Jesus na ibaba ang kanyang lambat, at dito nga halos masira ang lambat dahil sa dami ng kanilang nahuling isda.

Sa mga pagkakataong tila walang wala tayo, dito tayo pupunuin ng Diyos higit pa sa ating inaasahan. Mapapasaatin ito, kung magtitiwala lamang tayo sa Kanya at hindi sa ating sariling pagkakaintindi. Dahil kung tingin natin ay alam nating lahat, ano pa ang papasok sa ating kaisipan upang matuto tayo? Ngunit ang ating buhay sa mundo, ay isang buhay na puno ng aral. Kung sino man ang nananatiling mababa at inaamin ang ating kahinaan at walang kaalaman, dito tayo mas natututo at matutulungan pa ng ating Panginoong Diyos. Ang Diyos na mahabagin ay palaging nagbibigay ng higit pa sa ating inaakala. Hindi kulang ngunit laging labis.

Magandang pagnilayan at ibaon sa ating puso ang pagbababa natin ng ang ating kanya-kanyang mga lambat. Kailangan ito upang lulalim ang ating pag-unawa sa Diyos. Dahil kung mananatili tayong malabo, malayo at mababaw, ay ating malalagpasan ang mahalagang kahulugan at kasagaan ng buhay na matatagpuan natin sa Diyos.

Kaya naman ang iba ay tila mga nawawala ng direksyon sa buhay at hanggang ngayon ay hindi pa rin ibig malaman kung para saan ang kanilang buhay. Ang mga taong ito ay madalas may takot na humakbang, o manampalataya, o magsaliksik. Mas gusto lamang manatili sa iisang lugar matapos ay doon mabuburyo at magtatanong kung ano ba talaga at para saan ang buhay. Huwag sana tayong paalipin sa ating mga takot at sa ating sariling kulungan o limitasyon. Dahil ang Diyos na ating pinagdarasalan at pinaghihilingan ay walang hindi kayang gawin para sa atin.

Tanungin ang sarili, “Ano ba ang uri ng buhay na aking gustong makamit?” “Ako ba ay nabubuhay ayon sa Diyos at sa ayon sa gusto ng aking puso?” “O kaya naman ay marami pa ring nakakaalipin sa akin ngayon?” Hilingin nating tayo ay maging malaya at masagana sa Diyos sa pamamagitan ng pagpapakababa sa kanya at pag-amin ng ating mga kasalanan at kahinaan tulad ni Pedro.

Magkaiba ang sakripisyo para sa nakabubuti kaysa sa paghihirap ng walang kabuluhan. Minsan, kaya wala sa ating buhay, tila wala tayong mahuling isda, o parang tila walang nangyayari ay hindi naman pala tayo gusto ng Diyos doon, at naging alipin lamang tayo ng mga bagay na tayo rin ang nagpataw para sa ating sarili.

Tandaan natin na gusto ng Diyos na magkaroon tayo ng buhay na sagana. Gusto Niya na magkaroon tayo ng maraming huli. Ngunit kailangan nating ibaba ang ating mga lambat at ibaba ang ating sarili sa kanya. Kailangan nating magsaliksik, sumubok kahit walang kasiguraduhan ngunit may pinanghahawakang tiwala sa Panginoon. Tiyak ang buhay na ating gusto ay atin ding makakamit kung uunahin nating matuto sa ating libro ng buhay kung saan Diyos mismo at ang Kanyang walang kapantay na karunungan ang magtuturo sa atin.

Panalangin: Panginoon, kaawaan mo ako at patawarin sa ilang beses kong pagmamataas sa aking sarili. Turuan mo ako mula ngayon ng iyong karunungan. Ibinababa ko ang aking sarili sa iyo nang may pag-asang ikaw ang magpupuno sa akin at wala na akong kakailanganin pa, dahil ikaw na ang bahala sa lahat.

Gagawin ko ang iyong kalooban na patungo sa pagmamahalan at kabutihan, hindi sa kasamaan.

Gabayan mo nawa ako at ang aking buong pamilya.

Maria, aming mahabaging ina, ipanalangin mo kami kay Jesus. Amen. +

Pagpalain nawa tayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen +

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!

Copyright Reflections Written By: Admin. FMM Francesca Maria Margarita

Defend The Catholic Faith
Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.