Bible Catholic Church Daily Gospel on DCF

THE WORD on DCF: “Tayong mga Minamahal at Hinirang ng Diyos”


 

Setyembre 11, 2018. Martes. Ika-23 Linggo ng Karaniwang Panahon.

Salmo 149: Panginoo’y nagagalak sa hirang n’yang mga anak.

Unang Pagbasa: 1 Corinto 6:1-11

Kung may reklamo ang sinuman sa inyo laban sa kapwa Cristiano, bakit siya nagsasakdal sa mga hukom na hindi Cristiano, sa halip na ipaubaya sa mga hinirang ng Diyos ang pag-aayos ng usapin nila? Hindi ba ninyo alam na ang mga hinirang ng Diyos ang hahatol sa sanlibutan? Kung kayo ang hahatol sa sanlibutan, hindi ba ninyo kayang hatulan ang ganyang kaliit na bagay?

Hindi ba ninyo alam na hahatulan natin ang mga anghel? Gaano na lang ang mga bagay na may kinalaman sa buhay na ito! Kung may mga usapin kayo, bakit ninyo ito idinudulog sa mga taong hindi kinikilala ng iglesya? Dapat kayong mahiya!

Wala bang isa man lang sa inyo na marunong mag-ayos ng awayan ng magkakapatid? Bakit nagsasakdal kayo sa hukuman, kapatid laban sa kapatid, at sa harap pa naman ng mga hindi mananampalataya?

Ang pagkakaroon ninyo ng usapin laban sa isa’t isa ay isa nang kabiguan sa inyo. Bakit hindi na lang ninyo hayaang gawan kayo ng masama? Bakit hindi na lamang ninyo hayaang madaya kayo?

Subalit kayo mismo ang gumagawa ng masama at nandaraya, kahit na sa mga sarili ninyong mga kapatid sa pananampalataya. Hindi ba ninyo alam na ang mga makasalanan ay walang bahagi sa kaharian ng Diyos? Huwag ninyong dayain ang inyong sarili!

Ang mga nakikiapid, sumasamba sa diyus-diyosan, nangangalunya, nakikipagtalik sa kapwa lalaki o kapwa babae, nagnanakaw, sakim, naglalasing, nanlalait ng kapwa, o nandaraya, ay walang bahagi sa kaharian ng Diyos.

Ganyan ang ilan sa inyo noon. Subalit kayo’y pinatawad na sa inyong mga kasalanan at ginawa na kayong banal ng Diyos. Pinawalang-sala na rin kayo sa pangalan ng Panginoong Jesu-Cristo at sa pamamagitan ng Espiritu ng ating Diyos.

Ebanghelyo: Lucas 6:12-19

Nang panahong iyon, umakyat si Jesus sa isang bundok at magdamag siyang nanalangin sa Diyos. Kinaumagahan, tinawag niya ang kanyang mga alagad, pumili siya sa kanila ng labindalawa, at sila’y tinawag niyang mga apostol.

Sila ay sina Simon, na pinangalanan niyang Pedro, si Andres na kapatid nito, sina Santiago, Juan, Felipe, Bartolome, Mateo, Tomas, Santiagong anak ni Alfeo, si Simon na Makabayan, si Judas na anak ni Santiago, at si Judas Iscariote na naging taksil.

Pagbaba ni Jesus kasama ang mga apostol, nadatnan nila sa isang patag na lugar ang marami sa kanyang mga alagad, kasama ang napakaraming taong buhat sa Judea, Jerusalem, at mga bayan sa baybaying-dagat ng Tiro at Sidon.

Pumaroon sila upang makinig, at mapagaling sa kanilang mga karamdaman. Pinagaling nga sila ni Jesus, pati na rin ang mga pinapahirapan ng masasamang espiritu.

Sinisikap ng lahat ng maysakit na makahawak man lamang sa kanya, sapagkat may kapangyarihan siyang nagpapagaling ng lahat ng karamdaman.

Pagninilay:

Tulad ng apostoles, bawat isa sa atin ay pinili din ng Panginoong Diyos. Bawat isa sa atin ay walang katulad sa mundo. Bawat isa sa atin ay may natatanging papel na gagampanan sa buhay. Bawat isa sa atin mayaman man o mahirap, matanda o bata, lalaki o babae at anupamang estado sa buhay, ay espesyal sa Panginoong Diyos.

Natanong na ba natin ang ating sarili, bakit sa dinami-dami ng maaring maging ako, ay ibinigay sa akin ang buhay na ito? Ginawa akong Katoliko ng Diyos at Pilipino. Ang buhay natin ay hiram sa Diyos, sabi nga sa isang awit. At ang buhay na hiram ay nararapat lamang na ialay at ibalik sa Diyos. Walang ibang nakakaalam ng ating plano sa buhay at misyon kung saan tayo pinakamagiging masaya kung hindi Siya na mismong lumikha sa atin.

Bahagi na ng buhay ang maramdaman nating tayo ay tila nawawala. Dumarating at dumarating ang panahon, saan mang bahagi ng buhay na tayo ay nagtatanong, “Para saan nga ba ako nabubuhay?” “Saan tutungo ang aking buhay?” “Ano ang aking kinabukasan?” At ang mga tao’y patuloy na nagtatrabaho upang makaipon para sa kinabukasan. Ngunit tanging Diyos lamang ang may alam ng ating patutunguhan na siyang pinakamainam sa lahat.

Sa mga pagkakataong ito’y pinakawais na patuloy na kumapit sa Kanya sa pamamagitan ng panalangin. Lahat ay marapat na magdasal. Kung si Jesus nga na Anak ng Diyos at tunay na Diyos noong nabubuhay dito sa lupa, ay laging nagdarasal at naglalaan ng oras para makausap ang Diyos Ama sa langit, tayo pa kaya na karaniwang tao at pawang mga makasalanan? Kahit sino sa atin ay dapat na magdasal.

Ang iba naman ay naiinip sa tila walang nangyayari sa kanilang buhay. Magandang pagnilayan ang buhay ng mga apostoles. Bago pa man sila matagpuan ni Jesus, sila ay mayroong kanya-kanyang ordinaryong buhay. Karamihan sa kanila ay mga mangingisda na siyang karaniwang hanap-buhay noon. Maayos din naman ang kanilang buhay noon. Ilan sa mga ito ay sina Pedro, Santiago at Juan. Ngunit iniwan nila itong lahat upang makasama si Jesus. Lahat ng mga ito ay balewala kumpara sa isang buhay na mas makabuluhan kasama ang Diyos.

Sa ating panahon ngayon, hindi man maiwan ng lahat ang hanapbuhay dahil ito nga ay kailangan ng ating pamilya, mayroong ibang klase ng “pag-iiwan” na hindi panglabas ngunit pangkalooban. Ang tanong sa sarili ay “Ano ba ang pinakamahalagang nilalaman ng ating puso?”

Magagawa nating “iwan” ang lahat ng ito at sumunod sa Panginoon tulad ng mga apostoles, kung ating inilalagay muna ang Diyos na una sa lahat ng bagay sa katahimikan ng ating puso at kalooban. Unang una ang Diyos pagmulat ng mata, at magdarasal. Unang una ang Diyos na babasahin ang Kanyang Salita at susundin ito sa lahat ng bagay. Hindi ang sariling kagustuhan ngunit ang kalooban ng Diyos sa lahat ng desisyon sa buhay.

Bago mangyari itong lahat ay malalim na tiwala ang kailangan nating ilagay sa puso ng Diyos upang maggawa natin ang mga ganitong bagay. Ang paniniwala ng mga apostoles na si Jesus ang Mesiyas at Diyos na Banal, ang siyang naging kanilang pinanghahawakan upang makalakbay kasama ni Jesus.

Maging ang mga sakit ay nagsisikap na mahawakan man lamang si Jesus dahil sa kanilang matinding pananampalatayang sila ay gagaling, at nakuha nga nila ang paggaling na kanilang inaasam.

Sa Diyos, dapat tayo ay maging tila isang sanggol na nakadepende sa kanyang nanay para sa gatas nito sa araw-araw. Dapat nating malaman na hindi tayo mabubuhay o makakagawa ng alinmang magandang bagay kung tayo lamang at wala ang Panginoon.

Tayo ba, ano ang ating hakbang na ginagawa upang manatili sa Diyos? O atin lamang iniisip na bahala na at iniisip nating di naman natin kailangan ng Panginoon?

Sana habang may oras pa, huwag nating sayangin ang bawat panahon na dapat sana’y naging maligaya tayo sa piling ng Diyos. Hindi ibig sabihin nito’y walang problemang darating sa buhay ngunit dumating ang anumang bagyo ay kayang kaya itong lagpasan dahil mayroon tayong lakas na nagmumula sa Diyos. Ang ating Butihing Panginoon na handa tayong samahan sa bawat yugto ng lakbay ng ating buhay dahil pinili niya tayo upang mahalin Niya at mahalin din Siya.

Siya ang unang nagmahal sa atin kaya marapat lamang na mahalin natin Siya nang una sa lahat ng bagay, higit pa sa ating mga sarili. Dito natin matatagpuan ang tunay na kaligayahang mula sa langit na tanging nagtatagal at walang makakakuha sa atin nito kahit sino man. Ang makasama si Jesus sa ating buhay ay ang tunay nating kayamanan na higit pa sa lahat ng karangyaan ng mundo. Lahat ay malayang makuha ito kung ating gugustuhin dahil lahat tayo ay mahalaga sa Diyos.

Panalangin: Jesus, pagyamanin mo pa ang aking gumuguhong pananampalataya. Marami akong hindi alam na pagkukulang ko sa iyo at sa kapwa ko. Tulungan mo ako at huwag akong pabayaang mawalay sa iyo ni isang segundo ng aking buhay. Maria, aming ina at ina na awa, ipanalangin mo kami. Amen. +

Pagpalain nawa tayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen +

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!

Copyright Reflections Written By: Admin. FMM Francesca Maria Margarita

Defend The Catholic Faith
Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.