Bible Catholic Church Daily Gospel on DCF

TODAY’S GOSPEL REFLECTIONS on DCF: “Ang Bukal ng Biyaya at Awa ng Diyos”


 

Agosto 10, 2018. Biyernes. Ika-18 Linggo ng Karaniwang Panahon.

Salmo 112: Ang taong tunay na mat’wid ay mahabagi’t mabait. 

Unang Pagbasa: 2 Corinto 9:6-10

Tandaan ninyo ito: ang nagtatanim ng kakaunti ay aani ng kakaunti, at ang nagtatanim naman ng marami ay aani ng marami. Ang bawat isa’y dapat magbigay ayon sa sariling pasya, maluwag sa loob at di napipilitan lamang, sapagkat iniibig ng Diyos ang kusang nagbibigay nang may kagalakan.

Magagawa ng Diyos na pasaganain kayo sa lahat ng bagay, at higit pa sa inyong pangangailangan, upang may magamit kayo sa pagkakawanggawa. Tulad ng nasusulat,

“Siya’y nagbibigay nang libre sa mga dukha;
ang kanyang katuwiran ay walang hanggan.”

Ang Diyos na nagbibigay ng binhing itatanim at tinapay na makakain, ang siya ring magbibigay sa inyo ng binhi, at magpapalago nito upang magbunga nang sagana ang inyong kabutihang-loob.

Ebanghelyo: Juan 12:24-26

Pakatandaan ninyo: hangga’t hindi nahuhulog sa lupa ang butil ng trigo at mamatay, mananatili itong nag-iisa. Ngunit kung ito’y mamatay, mamumunga ito nang sagana.
Ang taong nagpapahalaga sa kanyang sarili lamang ay siyang mawawalan nito, ngunit ang taong hindi nagpapahalaga sa kanyang buhay sa daigdig na ito ay siyang magkakaroon ng buhay na walang hanggan.

Ang naghahangad na maglingkod sa akin ay dapat sumunod sa akin, at saanman ako naroroon ay pumaparoon din siya. Pararangalan ng Ama ang sinumang naglilingkod sa akin.”

Pagninilay:

Akala natin kung tayo ay magbibigay tayo ay mawawalan. Akala natin mababawasan ang mayroon tayo. Ngunit nakakalimutan natin ang Diyos na siyang ating pinagbibigyan kung tayo ay tumutulong sa kapwa. Diyos din ang magbabalik ng ating iniaalay sa kanya. Ngunit hindi naman din maaring ating isipin agad na kaya tayo ay magbibigay upang dumami ang ating biyaya. Magbigay tayo dahil tayo ay nagmamahal at nagmamalasakit sa kapwa. Kung alam natin ang pakiramdam ng mawalan, magkakaroon tayo ng habag sa parehong dumaranas ng paghihirap na atin ding napagdaanan. Huwag natin kalimutan ang Diyos na nagligtas sa atin sa ating kasadlakan.

Mula sa pagmamahal at pagmamalasakit na ito na nagmumula sa ating puso, ang ating pagtulong ay atin ding ginugusto at bumubukal sa kalooban. Nakikita ng Panginoon ang lahat ng bagay at pati ang mga bagay na nakatago sa puso. Akala nating mga tao, ang Diyos ay tumitingin at sinusukat base sa pagkabongga ng ating gawain. Ngunit ito ay ang husgang pangtao lamang. Ang mahalaga ay ang nilalaman ng ating puso anuman ang ating ihandog at gawin para sa iba o maging sa pamilya.

Kumpara sa pagtutulong sa kapwa ng bongga at napakarami ngunit wala naman ang puso doon, ito ay balewala, kaysa sa pagtutulong ng kakaunti. Kahit kaunting limos o barya o kapirasong pagkain kung sinamahan natin ng pagmamahal at pagmamalasakit nang tunay sa kapwa, ito ay mas higit pa kaysa sa pagbibigay ng marami dahil napilitan o kaya naman ay dahil lamang sa obligasyon o nakikita ng iba at gustong mapuri. Tinitingnan ng Diyos ang nasa kaibuturan ng puso na siyang hindi madaling nakikita ng tao. Dito rin niya pagbabasehan ang iggantimpala niya sa atin. Nawa ang ating sikaping makamtan ay ang papuri ng Diyos at hindi ng tao kung tayo man ay tutulong sa kapwa.

Ang ating pagbibigay at pamamahagi ng ating sarili o ari-arian ay ang sinisimbulo ng pagkamatay ng butil sa ilalim ng lupa. Ngunit hindi lamang dito nagtatapos. Uusbong at lilitaw ito upang maging bago ulit. Ganito ang nangyayari sa lahat ng aspeto at bagay sa ating buhay na inihabilin sa Diyos. Siya ay Diyos na Buhay at ng Diyos ng mga Buhay. Hindi niya tayo hahayaang walang wala o sagad kung tayo ay matapat sa kanya. Lagi siyang mayroong plano para sa atin. Marami siyang paraan na lingid sa ating kaalaman upang ibigay sa atin ang hinihiling. Kailangan lamang natin magtiwala, humiling nang buong pananampalataya at ibibigay niya sa atin ang ating hiling.

Isa sa mga balakid sa pagtulong ay ang pagiging mapagmataas ng ating sarili. Tandaan natin na sa Diyos nagmumula ang lahat ng bagay. Kaya marapat na lamang na mas pahalagahan natin ang nagbibigay kaysa sa mga binibigay. Tanungin ang ating sarili, masyado na ba tayong naging bilib sa ating sarili at hindi sa Diyos? Kanino ba tayo nagtitiwala? Mabilis maubos ang kayamanan. Kaunting sakit na malubha, ubos agad ito. Magkaroon ng aksidente, ubos din agad. Kung ang buhay man ang bawiin ng May-Kapal. Wala tayong magagawa at maiiwan din natin ang lahat ng mayroon tayo sa lupa.

Pagnilayan natin ito. Ito nawa ay ating tandaan at magsilbing aral. Lahat ng mayroon tayo ay hiram sa Diyos. Hindi ito sa atin. At ang tunay na kaligayahan na akala nating makakamtan natin sa pagpupundar ng napakaraming bagay para lamang sumikat o maging komportable ang buhay ay hindi natin matatagpuan sa kasaganaang makamundo, ngunit sa pagiging masagana ng ating puso.

Ang tunay na ligaya at kayamanan ay nagmumula sa pusong mapagmalasakit na nagbibigay buhay sa kapwa, dahil sa pagiging bukas palad, nagiging instrumento ng Diyos upang mapagbago buhay ng iba. Ito ang kayamanang hindi nauubos at ang tanging kayamanang dapat nating ipunin, dahil ito lamang ang tanging kayamanang ating madadala natin sa langit – ang pusong marunong magmahal dahil ito’y hindi makasarili kundi makaDiyos at malapit sa kapwa.

Maging tulad nawa tayo ng Diyos na Mapagbigay at Maawain sa lahat. Amen. +

Panalangin: Jesus, kami ay nananalig sa iyo. Amen. +

Pagpalain nawa tayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen +

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!

Copyright Reflections Written By: Admin. FMM Francesca Maria Margarita

 

Defend The Catholic Faith
Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.