Daily Gospel on DCF

TODAY’S GOSPEL REFLECTIONS on DCF: “Ang Buo at Ganap na Pananalig sa Diyos”


TODAY’S GOSPEL REFLECTIONS on DCF: “Ang Buo at Ganap na Pananalig sa Diyos”

Hulyo 23, 2018. Lunes. Ika-16 na Linggo ng Karaniwang Panahon.

Salmo 50: Ang masunurin sa Diyos ay sasagipin n’yang lubos.

Unang Pagbasa: Mikas 6:1-4, 6-8

Pakinggan ninyo ang paratang ni Yahweh laban sa Israel. Tumayo kayo, O Yahweh, at ilahad ninyo ang inyong paratang. Hayaan ninyong marinig ng mga bundok at ng mga burol ang inyong sasabihin. Mga bundok, mga di natitinag na pundasyon ng daigdig, pakinggan ninyo ang paratang ni Yahweh laban sa Israel na kanyang bayan.

Sinabi niya, “Bayan ko, sagutin ninyo ako. Ano ba ang nagawa ko sa inyo? Paano ba ako naging pabigat sa inyo? Inilabas ko kayo sa lupain ng Egipto at tinubos sa pagkaalipin. Isinugo ko sa inyo sina Moises, Aaron at Miriam upang kayo’y pangunahan.

“Ano ang dapat kong dalhin sa aking pagsamba kay Yahweh, ang Diyos ng kalangitan? Magdadala ba ako ng guyang isang taon ang gulang bilang handog na sinusunog sa kanyang harapan? Malugod kaya siya kung handugan ko ng libu-libong tupa o umaapaw na langis ng olibo? Ihahandog ko ba sa kanya ang aking anak na panganay, ang laman ng aking laman, bilang kabayaran ng aking mga kasalanan?

Itinuro na niya sa iyo, kung ano ang mabuti. Ito ang nais ni Yahweh: Maging makatarungan ka sa lahat ng bagay, patuloy mong mahalin ang iyong kapwa, at buong pagpapakumbabang sumunod ka sa iyong Diyos.

Ebanghelyo: Mateo 12: 38-42

Sinabi naman sa kanya ng ilang tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, “Guro, maaari po bang magpakita kayo sa amin ng isang palatandaan?” Sumagot si Jesus, “Lahing masama at taksil sa Diyos! Naghahanap kayo ng palatandaan ngunit walang ipapakita sa inyo maliban sa himalang nangyari kay Propeta Jonas. Kung paanong si Jonas ay tatlong araw at tatlong gabing nasa tiyan ng dambuhalang isda, ang Anak ng Tao ay tatlong araw at tatlong gabi ring nasa libingan.

Sa Araw ng Paghuhukom, tatayo ang mga taga-Nineve at sasaksi laban sa lahing ito, sapagkat nagsisi sila matapos pangaralan ni Jonas. Ngunit higit pa kay Jonas ang naririto. Sa araw na iyon, sasaksi rin ang Reyna ng Seba laban sa lahing ito. Naglakbay siya mula pa sa dulo ng daigdig upang masaksihan ang karunungan ni Solomon, ngunit higit pa kay Solomon ang naririto ngayon!”

Pagninilay:

Ano pa nga ba ang gusto nating patunay mula sa Panginoon? Upang tayo’y lubusang maniwala sa kanyang awa at pagmamahal sa ating mga tao? Nakakalungkot isipin na mula noon hanggang ngayon, napakaraming taong hindi naniniwala sa Diyos. Ang mga iba naman na naniniwala ay nanlalamig ang mga pananampalataya. Napakaraming mga tanong na hindi nasasagot ng katotohanan at nauuwi sa duda at mga maling paniniwala. Ang ating pananampalataya ay isang kayamanang dapat pag-ingatan dahil ito ang ating susi sa buhay na walang hanggan – ang tunay na kayamanan na nagtatagal. Sabi nga ni Jesus “Sapagkat ano ba ang mapapala ng isang tao makamtan man niya ang buong daigdig, ngunit mapapahamak naman ang kanyang sarili? Ano ba ang maibabayad ng isang tao para mabawi niya ang kanyang buhay?”

Ngunit maging tayong mga Katoliko, tila ba nalilimutan na natin ang halaga ng pagaalay ng buhay ng ating Panginoong Jesu Cristo. Iilan pa ba sa atin ang may puwang sa buhay ang Kanyang mga Salita? Ang Banal na Misa? Ang mga Sakramento? Tunay nga nating pinupuri at pinasasalamatan mula sa puso ang Panginoon? Pinapakinggan nga ba natin siya sa ating kaibuturan ng puso at kaluluwa at pilit isinasabuhay ang ebanghelyo kahit gaano kahirap? O baka naman kulang pa ang ating pananampalataya at tulad ng mga Pariseo ay naghahanap pa rin tayo ng iba pang mga patunay, himala, at bonggang pangyayari tulad ng mga napapanood natin sa patalastas at sa telebisyon?

Ngunit kung makukuha ngang nating itong lahat at makikita
agad, para saan pang manggaling sa puso natin ang tunay na pagmamahal? Hindi ba sapat ang kabutihan ng Diyos na ipinamalas sa ating lahat? Tingnan ang sarili at subuking hugutin at isa-isahin ang mga bagay na mayroon tayo na nakalimutan nating ipagpasalamat. Maging kung kompleto ang iyong mga daliri at dalawang kamay ay malaking bagay. Pati na rin ang hangin na nalalanghanp upang mabuhay ay biyaya. Ang makilala ang Panginoon ay isa ring regalo mula sa Panginoon, napagnilayan na ba natin ito? Ano pa ang gusto nating patunay na mahal tayo ng Panginoon?

Ano pa ang ating hinahanap sa buhay? Nais Niyang tayo ay magbalik loob sa kanya at magsisi sa kasalanan. Kailan ba tayong huling ibinaba ang sarili upang mahugasan sa ating mga kasalanan sa Banal na Sakramento ng Kumpisal? O baka naman naniwala na lang din tayo sa mga sabi-sabi ng ibang sektang sa tao lang tayo nangungumpisal? Sa pagiging mapagmataas ng ating kalooban, ay lalo tayong hindi matutulungan. Ngunit sa kabukasan ng ating mga puso at isipan, dito tayo pupunuin ng grasya ng Panginoon. Kahit ano pa ang ating naggawa, ay kayang patawarin ng Diyos na Maawain sa lahat. Kung ganito ay lalo Niya tayong kalulugdan at pupunuin ng grasya.

Ang mga ito ay ang ating mga daan tungo sa kanya, upang manatili sa kanya upang tayo ay mamunga ng masagana. Ang mga ito ay ang ating mga magiging lakas upang tayo ay makagawa ng kanyang kalooban. Sa dinarami-rami ng hinahanap ng mga tao sa mundo, sa Diyos lamang ito matatagpuan. Trabaho? Pagkain? Kung may sapat na gawa, at pananampalataya. Hindi sa bisyo, mga masasamang gawain, luho at ano pa man, walang imposible sa Panginoon. Tutulungan Niya tayo at kakaawaan. Ngunit iilan ba ang totoong nanampalataya sa Panginoon? Mga madaling mapanghinaan ng loob. Kaunting suliranin at problema, ang iba ay nawawalan na agad ng pananampalataya. Ayaw na magdasal. Ayaw na magsimba. Ayaw na maniwala sa Diyos.

Ito nga ang ibig sabihin ng Panginoon nang banggitin Niya ang mga propeta, kung saan naniwala ang mga tao at nagsisi sa mga kasalanan. Siya pa kaya na Diyos na Makapangyarihan sa lahat ay hindi pa natin mapaniwalaan? Mayroon Siyang plano para sa ating lahat upang tayo’y sumagana sa ating buhay. Jeremias 29:11 “Sapagkat batid kong lubos ang mga plano ko para sa inyo; mga planong hindi ninyo ikakasama kundi para sa inyong ikabubuti. Ito’y mga planong magdudulot sa inyo ng kinabukasang punung-puno ng pag-asa.”

Ngunit ito ay hindi natin makakamtan kung mayroon tayong pusong hati o biyak sa dalawa. Isa sa duda, isa sa kaunting pagtitiwala. Hindi ito ang tunay na pananampalataya. Hilingin natin sa Panginoong tulungan Niya tayong tanggalin anumang ating duda at hindi paniniwala sa kanya at gawin itong buo. Huwag nating ilagay ang ating pananamapalataya sa kahit sinong tao ngunit sa Diyos lamang. Walang swerte o malas. Walang horoscope, kapalaran o mga manghuhula na taliwas sa ating buong paniniwala sa Panginoon. Hindi sa kahit sino mang tao, o gawa, o ano mang paniniwala o sabi-sabi ngunit sa Diyos lamang mismo. Ganito ang puso ng tunay na Kristiyano. Itatak nawa natin sa ating mga puso na walang sinuman ang nagtiwala
sa kanya ng buong puso ang napahamak.

Panalangin: Panginoon, patawarin mo ako sa aking mga sala, alam kong Malaki ang aking pagkakamali ngunit higit na mas malawak ang iyong pag-ibig. Kaawaan moa ko at alalahanin ang aking pag-ibig hindi ang aking pagkukulang. Gabayan mo kami at patuluyin sa iyong kalooban. Amen. +

Pagpalain nawa tayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen +

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!

Copyright Reflections Written By: Admin. FMM Francesca Maria Margarita

Defend the Catholic Faith
Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.