Uncategorized

TODAY’S GOSPEL REFLECTIONS on DCF: “Ang Paghahangad sa Diyos”


Photo Credit: GoodSalt

TODAY’S GOSPEL REFLECTIONS on DCF: “Ang Paghahangad sa Diyos”

Hulyo 25, 2018. Miyerkules. Kapistahan ni Apostol Santiago.

Salmo 126: Ang nagtanim na may luha ay aaning natutuwa.

Unang Pagbasa: 2 Corinto 4:7-15

Ngunit kaming pinagkalooban ng kayamanang espirituwal na ito ay hamak na sisidlan lamang tulad ng mga palayok, upang ipakilalang ang dakilang kapangyarihang ito ay sa Diyos, at hindi sa amin. Kabi-kabilaan ang pagpapahirap sa amin, ngunit di kami nalulupig. Kung minsa’y nababagabag kami, ngunit di nawawalan ng pag-asa.

Inuusig kami, ngunit hindi kami pinababayaan ng Panginoon. Napapabagsak kami, ngunit di tuluyang napapatay. Lagi naming taglay sa aming katawan ang kamatayan ni Jesus, upang sa pamamagitan ng aming katawan ay mahayag ang kanyang buhay. Habang kami’y nabubuhay, lagi kaming nabibingit sa kamatayan alang-alang kay Jesus upang sa aming katawang may kamatayan ay mahayag ang kanyang buhay. At habang kami’y dahan-dahang namamatay, kayo nama’y nagkakaroon ng buhay.

Sinasabi ng kasulatan, “Nagsalita ako sapagkat ako’y sumampalataya.” Sa ganoon ding diwa ng pananampalataya, nagsasalita kami dahil kami’y sumasampalataya. Sapagkat alam naming ang Diyos na muling bumuhay sa Panginoong Jesus ay siya ring bubuhay sa amin kasama si Jesus, at magdadala sa atin sa kanyang piling.

Ang lahat ng pagtitiis ko ay para sa kapakanan ninyo upang sa pagdami ng mga nakakatanggap ng mga kaloob ng Diyos, lalo pang dumami ang magpapasalamat at magpupuri sa kanya.

Ebanghelyo: Mateo 20:20-28

Lumapit kay Jesus ang asawa ni Zebedeo, kasama ang dalawa niyang anak na lalaki. Lumuhod siya sa harapan ni Jesus upang sabihin ang kanyang kahilingan.

“Ano ang gusto mo?” tanong ni Jesus.
Sumagot siya, “Kapag naghahari na po kayo, paupuin ninyo sa inyong tabi ang dalawa kong anak, isa sa kanan at isa sa kaliwa.”

“Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi,” sabi ni Jesus sa kanila. “Maiinuman ba ninyo ang kopa na malapit ko ng inuman?”

“Opo,” tugon nila.

At sinabi ni Jesus, “Daranasin nga ninyo ang hirap na titiisin ko. Ngunit wala sa akin ang pagpapasya kung sino ang mauupo sa aking kanan at sa aking kaliwa. Ang mga upuang iyo’y para sa pinaglalaanan ng aking Ama.”

Nang marinig ito ng sampung alagad, nagalit sila sa magkapatid. Dahil dito, pinalapit sila ni Jesus at sinabi sa kanila, “Alam ninyo na ang mga pinuno ng mga Hentil ang naghahari sa kanila, at ang mga dinadakila ang siyang nasusunod.

Hindi ganyan ang dapat umiral sa inyo. Kung nais ninyong maging dakila, dapat kayong maging lingkod sa iba, at kung sinuman sa inyo ang nagnanais maging una, siya ay dapat maging alipin ninyo. Sapagkat maging ang Anak ng Tao ay naparito, hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ialay ang kanyang buhay sa ikatutubos ng marami.”

Pagninilay:

Hindi maiiwasang sa ating mundo, sa karaniwang panglabas na mata ng tao, ay tingnan ang kapangyarihan bilang isang mataas na posisyon na puro lamang kaluwalhatian at kaginhawaan ang nasa imahe ng isipan. At matapos nga noon ay hangarin ito. Maging ang mga pinakamagiting na apostoles na sina Santiago at Juan at ang kanilang ina, ay hinangad din ang ganitong posisyon sa tabi ni Jesus. Ngunit mabilis naman itong sinagot ng ating Panginoon sa pagiging maling akala ng kanyang mga minamahal na alagad.

Ang kapangyarihan ng ating Panginoong Diyos dito sa lupa ay hindi basta-basta madaling nakikita. Pagmasdan natin ang Jesus sa altar ng simbahan. Ano ang ating madalas na nakikita? Hindi ba’t ang sugatan at puno ng pighati na Jesus sa Krus? Ano ang ibig sabihin nito? Matatandaan natin na noong unang panahon, ang Krus na ito ay simbolo ng parusa ng mga criminal. Dito rin namatay ang Panginoong Jesus at dahil sa Kanya, ito lamang naging banal at naging simbolo ng ating kaligtasan.
Kung ang ating Hari ay ganito ang dinanas, puno ng pasakit at dusa, upang maging ang mga pinakamababa ay Kanyang maiangat, paano pa kaya tayong mga taga-sunod niya?

Madalas sa ating mga kristiyano, kaunting pagsubok lamang ay lubos na ang pagtatampo sa Diyos. Tandaan natin na kahit kailan, hindi hinangad ng Panginoon na tayo ay magdusa. Hindi Siya mapagparusang Diyos. Kung mayroon mang mga nangyayari sa ating mundo na hindi maganda, ito ay dulot ng sariling pagkamakasalanan ng tao. Dahil ang Panginoon ang lumikha ng lahat maging ang batas na buong kalikasan, sinumang sumuway dito at sa Kanya ay naghuhukay ng kanyang sariling ikasisira hindi man ito makita agad-agad o sa unang pagkakataon. Ginawa tayong Mabuti ng Panginoon. Tayo ang unang nagrebelde at nagkasala sa Kanya. Sa kabila nito, siya pa rin ang bumaba mula sa langit at umako ng kasalanan natin.

Sa gayon, tulad ng Panginoon, tinatawag tayong maging ganito kababa ang kalooban. Habang nandito sa lupa, hindi natin maiiwasan ang mga problema at suliranin ngunit hindi na sila katulad ng dati na tila walang pag-asa kung mananatili tayo sa Panginoon. Sa piling ng Diyos “maging ang dilim ay liwanag”. Lahat ng suliranin, ay lilipas din at may solusyon. Kung may sapat na pananampalataya at pasensiya ay makakayanan natin ang lahat ng daraan na bagyo sa ating buhay. Kahit ano pa yan. Lahat ng mga iniindang sakit ay may kagalingang katumbas. Anumang hinahangad sa buhay na pinakamainam sa atin at sa ating kaligtasan ay ibibigay lahat ng Panginoon sa atin. Kailangan lamang natin magpakababa sa Diyos at lumapit sa Kanya nang inaamin ang pagkakailangan natin sa Kanya. Aminin natin sa kaibuturan ng ating puso na wala tayong kayang gawin nang wala ang Panginoon.

Matuto tayong maging mapagbigay at maunawain sa kapwa. Ang ating mga paghihirap ay dalhin natin nang may buong pagkukumba, dahil hindi lamang tayo ang naghihirap sa mundo. Higit sa lahat ay tandaan nating, napagtagumpayan na itong lahat ni Jesus noong dinanas Niya din itong lahat mismo alang-alang sa atin. Dapat lamang tayong manatili at magpakumbaba sa Kanya.

Kung tayo ay may mababang loob saka lamang tayo makakapagbigay at makakatanggap ng tunay na pagmamahal. Maging ang mga maliliit na bagay, ay magkakaroon ng malaking halaga. Mas makukuntento tayo sa buhay at wala na tayong hahanapin pa kundi ang Panginoon. Wala nang hihigit pa dito. Ang Diyos lamang ay sapat na.

Ngayon, hinilingin natin sa Panginoon na bigyan tayo ng kababaang loob at kalinisan ng puso.

Panalangin: Panginoon, bigyan mo kami ng kababaang loob at matiising puso. Nawa ay ikaw lamang ang aming naisin sa mundo at wala nang iba pa. Pag-alabin mo pa ang aming pananampalataya sa iyo. Kasama na rin ang aking buong pamilya. Gabayan mo po kami at pagkaisahin sa iyong pag-ibig.

Hinihiling naming ito sa iyong Matamis na Ngalan at sa tulong na rin ng panalangin ni Maria, aming Ina ng Awa. Amen. +

Pagpalain nawa tayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen +

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!

Copyright Reflections Written By: Admin. FMM Francesca Maria Margarita

Defend the Catholic Faith
Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.