Bible Catholic Church Daily Gospel on DCF

TODAY’S GOSPEL REFLECTIONS on DCF: “Ang Paghihintay sa Diyos”


Agosto 31, 2018. Biyernes. Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon. 

Salmo 33: Awa’t pag-ibig ng Diyos sa sangkalupaa’y lubos.

Unang Pagbasa: 1 Taga-Corinto 1:17-25

Sapagkat isinugo ako ni Cristo, hindi upang magbautismo kundi upang mangaral ng Magandang Balita. Ipinangaral ko nga ito, ngunit hindi sa pamamagitan ng mahusay na pagtatalumpati at karunungan ng tao, nang sa gayon ay hindi mawalan ng kabuluhan ang pagkamatay ni Cristo sa krus.

Ang mensahe tungkol sa pagkamatay ni Cristo sa krus ay kahangalan para sa mga taong naliligaw ng landas, ngunit ito’y kapangyarihan ng Diyos para sa ating mga naliligtas. Sapagkat nasusulat, “Sisirain ko ang karunungan ng marurunong at gagawin kong walang saysay ang katalinuhan ng matatalino.”

Ano ngayon ang kabuluhan ng marurunong, ng mga tagapagturo ng Kautusan, ng mahuhusay na debatista sa kapanahunang ito? Ipinapakita ng Diyos na ang karunungan ng sanlibutang ito ay pawang kahangalan lamang.

Sapagkat ayon sa karunungan ng Diyos, hindi niya pinahintulutang siya’y makilala ng tao sa pamamagitan ng kanilang karunungan. Sa halip, minarapat niyang iligtas ang mga nagpapasakop sa kanya sa pamamagitan ng Magandang Balita na aming ipinapangaral, na sa tingin ng iba’y isang kahangalan.

Ang mga Judio’y humihingi ng himala bilang katunayan. Karunungan naman ang hinahanap ng mga Griyego. Ngunit ang ipinapangaral namin ay si Cristo na ipinako sa krus, na para sa mga Judio ay isang katitisuran at para sa mga Hentil ay isang kahangalan.

Subalit sa mga tinawag ng Diyos, maging Judio o maging Griyego, si Cristo ang kapangyarihan at karunungan ng Diyos. Sapagkat ang inaakala nilang kahangalan ng Diyos ay karunungang higit pa sa karunungan ng tao, at ang inaakala nilang kahinaan ng Diyos ay kalakasang higit pa sa kalakasan ng tao.

Ebanghelyo: Mateo 25:1-13

“Ang kaharian ng langit ay maitutulad dito. May sampung dalagang lumabas upang sumalubong sa lalaking ikakasal. Bawat isa’y may dalang ilawan. Ang lima sa kanila’y hangal at ang lima nama’y matatalino. Ang mga hangal ay nagdala ng kanilang mga ilawan ngunit hindi nagbaon ng langis. Ang matatalino nama’y nagbaon ng langis, bukod pa sa nasa kanilang mga ilawan.

Naantala ang pagdating ng lalaking ikakasal kaya’t inantok at nakatulog sila sa paghihintay. “Ngunit nang hatinggabi na’y may sumigaw, ‘Narito na ang lalaking ikakasal! Lumabas na kayo upang salubungin siya!’ Agad bumangon ang sampung dalaga at inayos ang kanilang ilawan.

Sinabi ng mga hangal sa matatalino, ‘Bigyan naman ninyo kami kahit kaunting langis. Aandap-andap na ang aming mga ilawan.’

‘Baka hindi ito magkasya sa ating lahat. Mabuti pa’y pumunta muna kayo sa tindahan at bumili ng para sa inyo,’ tugon naman ng matatalino. Kaya’t lumakad ang limang hangal na dalaga.

Habang bumibili sila, dumating ang lalaking ikakasal. Ang limang nakahanda ay kasama niyang pumasok sa kasalan, at isinara ang pinto.

“Pagkatapos, dumating naman ang limang hangal na dalaga. ‘Panginoon, panginoon, papasukin po ninyo kami!’ sigaw nila.

“Ngunit tumugon siya, ‘Tandaan ninyo, hindi ko kayo nakikilala.’”

Pagkatapos nito’y sinabi ni Jesus, “Kaya’t magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo alam ang araw o ang oras man.”

Pagninilay:

Paano ba maging handa at alerto sa buhay? Kapag ka may baha at may sakuna, ito ay pinaghahandaan. Bumibili ng pagkain, nagliligpit ng mga gamit at damit upang lumikas ang ilan. Lahat ay nakatatutok sa balita at inaalam natin kung ano ang maaring mangyayari upang maisalba natin ang ating mga buhay.

Sa ating pamumuhay, sa espiritwal at dito sa mundong ito, sa ganito ring paraan, ay hindi natin alam kung hanggang kailan tayo dito sa mundo. Hindi natin alam kung kailan tayo dadalawin ng kamatayan o kung kailan ang inaabangan natin na nakalagay sa Credo – ang pagbabalik na muli ni Cristo.
Kung gusto nating mabuhay ng masaya at sagana dito sa lupa, nang may buong Kalayaan, may kasabihan “Live today as if it’s the last”. Ngunit ang maraming pagkakamali ng karamihan ay ang isipin na hawak natin ang hinaharap.

Walang nakakaalam kahit pa ang presidente, hari at reyna ng mga makapangyarihang bansa kung ano ang mangyayari bukas at sa mga darating na araw. Tanging Diyos lamang ang nakakaalam nito.

Ngayon, ano ang dapat nating gawin? Kung alam natin at naniniwala tayo sa katuruan ng ating simbahang ang tunay nating tahananan ay ang langit, ito ay magandang batayan sa kung paano nating gustong mamuhay sa kasalukuyan. Habang nandito sa lupa, kailangan nating maghintay, gumawa ng mabuti at magmahalan habang naghihintay. Ito ang utos ng Diyos upang tayo ay makaranas ng totoong ligaya na hindi lumilipas. Dahil lahat ng bagay dito sa mundo ay lumilipas pero Diyos ay nanatili. Ito nga ang sabi ng isang tanyag na banal na si Santa Teresa ng Avila. Hindi ba’t ang tunay na karunungan ay ang mag-ipon ng kayamanan upang makarating sa ating tunay na tahanan?

Maraming tao ang hindi maintindihan nito, kung bakit mayroong mga taong pinipiling maging dukha upang magkaroon ng ibibigay para sa mga ibang nangangailangan. O kung bakit ang mga tao ay nagpupunta pa sa simbahan upang magdasal. Para sa iba, ito ay hindi kailangan, ngunit para sa mga naniniwala, alam nilang ito ang pinagmumulan ng buhay – ang buhay na walang hanggan.

Tulad ng limang dalagang wais, alam nila kung ano ang katotohanan. Nakita nila at naisip nila na kailangan nilang maghanda ng kailangan kahit pa sumobra ang kanilang langis, dahil hindi nila alam kung kailan darating ang Panginoon. Mas mabuti nang sumobra kaysa kulang. Dahil kapag nagkulang wala na tayong magagawa pa.
Isa tong magandang salamin para sa mga ibang katolikong nanlalamig na ang pananampalataya. Maraming nabubuhay sa isang kasinungalingang, “Pwede na iyan”. Hindi na kailangang magsimba, o magdasal o gumawa ng mabuti dahil pasok na naman ako sa langit. O kaya yung mga kuntento na sa “paminsan-minsan”. Ito ay isang malaking kasinungalingan at pawang rason ng isang taong madaling madala ng katamaran, o ng agos ng buhay na nakalulunod sa kanya. O baka naman masyado nang naging mataas ang tingin sa sarili at naisip ng iba na na hindi na nila kailangan mamuhay ng may Diyos.

May mga iba naman sa sa hulihan na ng buhay naiintindihan kung ano ang halaga ng buhay. “Kung sana…” yan ang palagi nilang sambit. Ngunit ngayon, sa panahon na ito, habang nababasa pa natin ang mga salitang ito. Habang nabubuhay pa tayo, malakas pa, at makakapunta sa simbahan. Makakapagdasal pa. Kailan natin gustuhin, bakit hindi natin gawin? Bakit tutularan pa ang ibang tao na kung kailan mamamataya na ay saka pa lamang magsisisi kung maari namang magsisi at gawin lahat ngayon din?

Malinaw ang kautusan ng simbahan. Habang ang mga tunay na naniniwala at naghihintay sa Panginoon, ay nagsusumikap maghanda, at may takot sa DIyos, ang mga iba naman ay pinagsasawalang bahala ang mga ito.

Bagamat pinapatawad tayo ng Diyos, sa kahuli-hulian, sayang ang mga panahon na sana naging masaya tayo sa pagtitiwala sa Diyos. Naging maluwag sana nang mas maaga ang ating puso sa pagpapatawad. Sayang. Sana. Kung. Dito nagmumula ang sinasambit ng karamihan na nagsisisi.

Kaya sana habang may panahon pa, gawin natin ang ating makakaya. Huwag tayong pakasisigurado sa paghuhusga ng ating mga sarili dahil Diyos lang ang may alam ng lahat at kung saan tayo tutungo. Ibaba natin ang ating sarili sa Kanya nang sa gayon ay Siya mismo ang magtaas sa atin. Amen. +

Panalangin: Panginoon, bigyan mo ako ng iyong karunungan upang makita ko ang mga bagay na aking dapat pahalagahan sa mundong ito. Ayaw kong aksayahin ang aking oras at buhay sa mga bagay na lumilipas lamang at madaling mawala. Turuan mo akong maghanda sa iyong pagdating at nang maranasan ko ang buhay na masagana kasama mo at sa pamamagitan ng pag-ibig mong tinatanggap ko sa aking puso. Amen. +

Pagpalain nawa tayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen +

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!

Copyright Reflections Written By: Admin. FMM Francesca Maria Margarita

Defend The Catholic Faith
Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.