Bible Catholic Church Catholic Faith Christ Christian Daily Gospel on DCF Faith God Religion

TODAY’S GOSPEL REFLECTIONS on DCF: “Ang Paglaya ng Puso Mula sa Galit at Pighati”


Photo by: Wikipedia

Hunyo 18, 2018. Lunes. Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon.

Salmo 5: Panginoon, ako’y dinggin, pagbigyan sa aking daing.

Unang Pagbasa: 1 Mga Hari 21:1-16

Malapit sa palasyo ni Haring Ahab sa Jezreel, sa Samaria, ay may isang ubasan na pag-aari ni Nabot. Isang araw, sinabi ni Ahab kay Nabot, “Ibigay mo sa akin ang iyong ubasan. Gagawin kong taniman ng gulay sapagkat malapit ito sa aking palasyo. Papalitan ko ito ng mas mainam na ubasan, o kung gusto mo naman babayaran ko na lang ito sa tamang halaga.”

Ngunit ganito ang naging sagot ni Nabot: “Minana ko pa po sa aking mga ninuno ang ubasang ito. Hindi papayagan ni Yahweh na ibigay ko ito sa inyo.”

Umuwi si Ahab na malungkot at masama ang loob dahil sa sagot ni Nabot. Nagkulong siya sa kanyang silid, hindi makausap at ayaw kumain. Nilapitan siya ng asawa niyang si Jezebel at tinanong, “Ano bang problema mo at hindi ka makakain?”

Sumagot ang hari, “Kinausap ko si Nabot na taga-Jezreel, at inalok ko siyang papalitan o babayaran ang kanyang ubasan. Ngunit tinanggihan ako, at ang sabi’y hindi raw niya maaaring ibigay sa akin ang kanyang ubasan.”

Sagot sa kanya ni Jezebel, “Para ka namang hindi hari ng Israel. Halika na! Kumain ka at huwag ka nang malungkot! Ibibigay ko sa iyo ang ubasan ni Nabot.”

Gumawa ang reyna ng ilang sulat sa ngalan ng hari, tinatakan ng pantatak ng hari, at ipinadala sa mga matatandang pinuno at pangunahing mamamayan sa lunsod na tinitirhan ni Nabot. Ganito ang sabi niya sa sulat: “Magpahayag kayo ng isang araw ng pag-aayuno. Tipunin ninyo ang mga tao at parangalan ninyo si Nabot. Kumuha kayo ng dalawang sinungaling na saksi na maghaharap ng ganitong sumbong laban sa kanya: ‘Nilapastangan niya ang Diyos at ang hari.’ Pagkatapos, dalhin ninyo siya sa labas ng lunsod at batuhin hanggang mamatay.”

Tinupad ng matatandang pinuno at ng mga opisyal ng lunsod ang utos ni Jezebel. Nagpahayag sila ng isang araw na pangkalahatang pag-aayuno. Tinipon nila ang mga tao at pinarangalan si Nabot. Lumabas ang dalawang bayarang saksi at siya’y pinaratangan ng ganito: “Nilapastangan ni Nabot ang Diyos at ang hari.” Kaya’t si Nabot ay inilabas sa lunsod at binato hanggang mamatay. Nagpasabi naman agad sila kay Jezebel, “Patay na po si Nabot na taga-Jezreel.”

Pagkatanggap ng ganoong balita, nagpunta si Jezebel kay Ahab at sinabi, “Hayan! Kunin mo na ang ubasang hindi mo mabili kay Nabot. Hindi na siya makakatutol. Patay na siya.”

Nang malaman ni Ahab na patay na si Nabot, pumunta siya sa ubasan upang angkinin iyon.

Ebanghelyo: Mateo 5:38-42

“Narinig ninyong sinabi, ‘Mata sa mata at ngipin sa ngipin.’ Ngunit sinasabi ko sa inyo, huwag ninyong paghihigantihan ang masamang tao. Kung sinampal ka sa kanang pisngi, iharap mo rin sa kanya ang kaliwa. Kung isakdal ka ninuman upang makuha ang iyong damit panloob, ibigay mo ito sa kanya pati ang iyong damit na pangbalabal. Kung pilitin ka ng manlulupig na pasanin ang kanyang dala ng isang milya, pasanin mo iyon ng dalawang milya.
Bigyan mo ang nanghihingi sa iyo at huwag mong tanggihan ang nanghihiram sa iyo.”

Pagninilay:

Sa unang pagbasa ay ating natunghayan kung paanong kinuha sa pamamagitan ng dahas ng mga may kapangyarihan ang pag-aari ng isang ordinaryong mamamayan na si Nabot. Si Nabot ay namumuhay lamang ng tapat at may sariling inaalagaang dangal at pangangari na tunay ngang kanya. Ipinagtanggol lamang niya ang tingin niyang nararapat ngunit sadyang may mga tao na aabusuhin ang awtoridad makuha lamang ang kanilang kagustuhan.
Sa panahon ngayon sa kasalukuyan ay talamak pa rin ang mga ganitong pangyayari. Lalung-lalo na ang pagpatay sa mga pari, mga mahihirap, mga itinuturing ng mga elitista na tila “puwing” o “dumi” ng sosyedad. Oo at ganito tumingin ang mundo, may iba’t ibang klase at uri ng tao. Taliwas sa Diyos na Siyang lubos na nagmamahal sa lahat dahil tayo ay iisang pamilya Niya.

Sa anumang dahilan o pakay ng mga mamamatay tao ay hindi tamang ilagay sa mga kamay ang buhay ng kahit sinuman para lamang maserbisyuhan ang pangsariling interes. Ngayon, sa atin bilang mamamayan na namumuhay araw-araw, hindi man natin naiisip na makapatay o kumitil ng buhay, matututunan natin dito, ang mga binabanggit sa nakaraang ebanghelyo – ang katapatan at kalinisan ng buhay sa ating pang-araw araw na buhay. May mga maliliit o malalaking kasinungalingang nakakabahala at hindi natin alam na lubos na nakakasama, kung ito ay magagamit upang makuha ang sarili nating interes at pangangailangan. Ang tao man ay hindi malaman kung kailan naglihim o nagtago sa kanila, ang Diyos naman ay nakakakita ng lahat. Bagamat hindi mapagparusa ang Diyos, Siya ang gumawa ng langit at lupa at lahat ng naririto. Siya ang pinaka-alam ng lahat kung paano gumagalaw at bawat ikot ng mundo ay sa Diyos lamang ang perpektong kaalaman.

Bawat aksyon nating mga tao, ay may kaakibat na resulta. Kung ano man ang desisyon natin na taliwas sa Batas ng Diyos ay pinili natin, at tayo mismo ang nagdurusa ng kahihinatnan. Sinabi ni Jesus, na anuman ang masama na ating maranasan ay huwag natin suklian ng masama. Bakit? Hindi ba’t ang daling manggigil at magpadala sa emosyon tuwing may umaaway at umuusig sa atin? Ngunit hindi ba natin naisip na kung tayo ay gaganti tayo ay magiging katulad ng mismong taong ating kinamumuhian? Ganoon nga ang resulta ng paghihiganti. Nagiging tulad tayo ng ating mga kaaway, imbes na tayo ay maging instrumento ng kapayapaan. Tulad ng Panginoon, na kahit kailan ay hindi lumaban sa kanyang mga kalaban ng may dahas. Kahit hanggang sa Siya ay patayin na at ipako sa Krus ay walang narinig ni isang salita mula sa kanya ang kanyang mga kaaway. Dahil alam ni Jesus na lahat ng mga tao at bagay ay may sariling oras, at ang natural na batas ng kanyang nilikha ay nakadisenyo sa paraang kung tayo ay “nagtatanim ng masama, masama rin ang aanihin”. Ganoon din sa paggawa ng mabuti. Hindi man makita ngayon agad-agad ngunit tulad ng halaman, ito ay darating at lalago pagdating ng araw sa kanyang sariling panahon.

Kaya hindi natin kailangang gumanti o lumaban ng parehong kasamaan. Ang mabubuting isusukli natin, ay tayo rin ang magtatamasa. Masarap sa pakiramdam ng ating pusong walang binibitbit na galit o sama ng loob. Kung may galit man, ay walang bahid ng kasalanan sa aksyon at kilos, maging sa pag-iisip, bagkus nagmumula sa poot at paghihirap mula sa pagmamahal. Bagkus, ito sana ang magtulak pa sa atin upang mas gumawa ng tama at mabuti.
Mas maginhawa sa ating kalooban na isiping ang Diyos ang bahala sa sinumang umaway at umapi sa atin at wala tayong dapat gawin kundi ituloy ang buhay at paggawa ng tama. Kung tayo ay payapa sa ating kalooban, higit pa ang ating kayamanan sa sinumang may yaman sa lupa ngunit hindi naman payapa ang kalooban.

Kung ikaw, anong iyong pipiliin? Ang daan ng tao, o ang daan ng Diyos?

Panalangin: Panginoon, maraming bagay dito sa mundo ang hindi namin lubos maiintindihan. Ipaunawa mo sa aming hindi namin kailangang malaman ang lahat ng bagay. Tiwala lamang sayo nang lubos ay sapat na upang makayanan ang lahat ng bagay. Tulungan mo kami at gabayan na patuloy na gumawa ng mabuti kahit pa kami ay inuusig. Gaya na lamang ng iyong halimbawa sa iyong pagmamahal sa amin.

Bigyan mo kami ng kapayapaan ng kalooban upang malaman namin na kami ay nasa iyong landas na pinili para sa amin. Naniniwala kaming kasama mo, ang lahat ng balakid ay malalagpasan at kakayanin. Amen. +
Pagpalain nawa tayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen +

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!

Copyright Reflections Written By: Admin. FMM Francesca Maria Margarita

Defend The Catholic Faith
Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.