Bible Catholic Church Catholic Faith Christ Christian Daily Gospel on DCF DCF Apologetics Faith God Religion

TODAY’S GOSPEL REFLECTIONS on DCF: “Ang Pagpapagaling ni Jesus ng ating mga Karamdaman”


Photo Credit: Armen Hareyan

Hulyo 5, 2018. Huwebes. Ika-13 Linggo ng Karaniwang Panahon.

Salmo 18: Matuwid ang kahatulan ng Panginoon ng tanan.

Unang Pagbasa: Amos 7:10-17

Si Amazias na pari sa Bethel ay nagsumbong kay Haring Jeroboam ng Israel. “Kasama ng mga tao, si Amos ay may balak na masama laban sa inyo,” sabi niya. “Dahil sa mga sinasabi niya’y nagugulo ang bayan. Sinasabi niyang, ‘Mamamatay si Jeroboam sa digmaan, at ang Israel ay dadalhing-bihag sa isang malayong lupain.’”

Pagkatapos, hinarap naman ni Amazias si Amos at sinabi, “Tama na iyan, Propeta! Magbalik ka na sa Juda; doon ka mangaral. Hayaan mong sila ang magbayad sa iyo. Huwag ka nang mangaral dito sa Bethel. Narito ang templo ng kaharian at dito sumasamba ang hari.”

Sumagot si Amos, “Hindi ako propeta na nangangaral at hindi rin nagsanay na maging isang propeta upang bayaran. Ako’y pastol at nag-aalaga rin ng mga puno ng sikamoro. Ngunit inalis ako ni Yahweh sa gawaing iyon at inutusang magpahayag sa mga taga-Israel para kay Yahweh.

Kaya pakinggan ninyo ang sinasabi ni Yahweh. Sinabi ninyo,
‘Huwag kang mangaral laban sa Israel, at huwag kang mangaral laban sa sambahayan ni Isaac.’ Sinasabi ni Yahweh, ‘Ang asawa mo’y magiging babaing bayaran, at masasawi naman sa digmaan ang iyong mga anak. Paghahati-hatian ng iba ang iyong lupain at ikaw ay mamamatay. Sa isang bayang hindi kumikilala kay Yahweh, ang mga taga-Israel ay dadalhing-bihag sa isang malayong lupain.’”

Ebanghelyo: Mateo 9: 1-8

Sumakay si Jesus sa bangka, tumawid sa kabilang ibayo at tumuloy sa sarili niyang bayan. Pagdating doon, dinala sa kanya ng ilang tao ang isang paralitikong nakaratay sa higaan. Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko, “Anak, lakasan mo ang iyong loob! Pinapatawad ka na sa iyong mga kasalanan.”

May ilang tagapagturo ng Kautusan na naroon at sinabi nila sa kanilang sarili, “Nilalapastangan niya ang Diyos.” Alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya’t sinabi niya, “Bakit kayo nag-iisip nang ganyan? Ano ba ang mas madali, ang sabihing, ‘pinapatawad na ang iyong mga kasalanan,’ o ang sabihing, ‘tumayo ka at lumakad?’

Ngunit upang malaman ninyo na ang Anak ng Tao ay may
kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan dito sa lupa…” sinabi niya sa paralitiko, “Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka na!”

Tumayo nga ang lalaki at umuwi. Nang makita ito ng mga tao, sila’y natakot at nagpuri sa Diyos na nagbigay ng ganitong kapangyarihan sa mga tao.

Pagninilay:

Kahit sinumang dumaranas ng isang matinding karamdaman ay may temptasyon mapanghinaan ng loob at magduda sa lubos na pagsasapit ng suliraning hindi lamang pangkatawan ngunit pangkalooban. Ngunit ang presensiya ng ating Panginoon ang siyang makakapagtanggal nitong lahat. Ganito nga ang Kapangyariahan ng ating Panginoon na handang pumaloob sa mga taong may lubos na pananampalataya sa Kanya.
Ngayong panahon ay sadyang marami tayong malulubhang karamdaman. Hindi lamang pampisikal at pangkalusugan na karaniwang nagagamot ng doctor at pagpunta sa ospital. Ngunit higit pa rito ay mga karamdaman sa komunidad, sa pamilya, sa gobyerno at pampulitikal. Ang mga kasalanan tulad ng mga pagpatay, pagnanakaw, panganalunya, pagtsismis, paninira ng kapwa, ang mga sakit ng ating lipunan. Mga sakit at karamdaman na dulot ng kasalanan. Ang mga iba ay tinatanggap na ito bilang bahagi ng buhay, nakasanayan na ng iba at tuwang tuwa na gumawa ng kasalanan. Wala nang puwang ang Diyos. Kahindik-hindik ang kahihinatnan ng kaluluwa na may konsensiyang tila puno na ng kalyo at hindi na malaman kung ano ang tama at mali.

Ang mga ito ang nagdadala ng ating karamdaman, sa puso, sa isip, sa salita at sa gawa. Hindi natin namamalayan na higit na mas matindi pa ito kumpara sa mga karamdamang karaniwang nararamdamang pampisikal. Mas higit na matindi ang pagkakasakit na dulot ng mga sugat na pang-emosyonal at sa puso nananalaytay. Ang mga ito ay mareremedyohan lang ng walang hanggang awa ng Panginoon. Pagpapatawd ang Siyang magdadala ng hilom. Ngunit hindi madali magpatawad. Isa itong proseso na kailangang pagdaanan nating lahat, mula sa halimbawa ng Panginoong Jesu Cristo bagamat tayong lahat ay lubos na nagkasala, Siya ay nagpapatawad pa rin nang walang hanggan. Sa ngayon, ano pa nga ba ang solusyon sa mga kaguluhan na dinaranas natin sa ating bansa sa ngayon mula sa malalaking grupo hanggang sa pinakamaliliit, hanggang sa ating sarili?

Kababang loob, pagaamin ng ating mga kasalanan at kahinaan sa Panginoon at sa kapwa. Humingi tayo ng tawad sa Diyos sa ating mga naggawang sala at patatawarin Niya tayo at kakaawaan. Kung tayo ay nagpapatawad, tayo rin ay patatawarin. Ito ang kailangan na paghihilom saan man, na tila para sa iba ay ipagdaramot dahil nakakalungkot na mas pinanghahawakan nila ang sarili nilang mga sugat. Ialay natin itong lahat sa Panginoon, na kung titingnan natin sa Krus ay Siyang pinakasugatan sa lahat. Hindi tayo nag-iisa sa kahit ano mang ating danasin. Kasama natin ang Panginoon sa hirap man o sa ginhawa.

Kailan tayo huling tunay na nagsisi sa ating mga kasalanan? O baka naman ay lagi tayong nakatuon sa ating kapwa at kung paano sisisihin ang ibang tao, ang simbahan, ang pamahalaan at kung sino pa ang ating sisihin? Naitanong na ba ang sarili kung ano nga ba ang aking naitutulong sa pamayanang ating kinabibilangan?

Nakakatulong ba ako o nakakadagdag sa problema?

IIlan na lamang ba ang naniniwala sa Banal na Sakramento ng Pangungumpisal? Baka nakakaligtaan natin na sa mga alagad ng Diyos sa katauhan ng pari ibinigay ang awtoridad upang makapagpatawad na kasalanan na mayroon si Jesus sa ebanghelyo ngayong araw. Habang may panahon pa ay gamitin sana natin ito sa pangangalaga ng pananampalataya na siya lamang makakapagsalba sa ating mga kaluluwa.

Nawa, suriin natin ang ating mga sarili at magsisi sa ating sariling kasalanan at kahinaan. Maging tulad din nawa tayo ng Panginoon sa pakikitungo sa kapwa, na kung makakita ng isang taong may dinaramdam, hindi lang sa katawan, ngunit sa puso, isip at sa buong kalooban, ay sabihin nawa natin “Lakasan mo ang iyong loob!”. Maging tinig nawa tayo ng pag-asa, pagbabago at kapayapaan hindi ng hidwaan at kaguluhan. Dito sa paraang ito tayo maging matapang. Kung wala nang gagawa ng mabuti, tayo ang unang gumawa at nang unti-unti mabago natin ang ating sosyedad na naghihingalo na sa kasalukuyan.

Panalangin: Panginoong Jesus, patawarin mo kami sa aming mga sala. Patawarin mo kami at mga taong hindi naniniwala sa iyong walang hanggang awa.

Kaisa mo kami sa iyong paghihirap, aming Minamahal na Jesus. Kalooban mo ang aming nababagabag na puso ng iyong grasya ng kababaang loob at pagpapatawad mula sa iyong Kabanal-banalang Puso.

Hilumin mo ang aming sugat ng puso, isip at kaluluwa. Kasama na rin ng aming buong bansa at buong pamilya. Hinihiling namin ito sa Iyong Matamis na Ngalan at sa tulong ng panalangin ni Maria, Ina ng Awa. Amen. +

Pagpalain nawa tayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen +

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!

Copyright Reflections Written By: Admin. FMM Francesca Maria Margarita 

Defend The Catholic Faith
Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.