Bible Catholic Church Catholic Faith Christ Christian Daily Gospel on DCF Faith God Religion

TODAY’S GOSPEL REFLECTIONS on DCF: “Ang Pagsuko sa Plano ng Diyos”


Paggunita sa Kalinis-linisang Puso ng Mahal na Birheng Maria

Hunyo 9, 2018. Ika-9 Linggo ng Karaniwang Panahon

Salmo 71: Patuloy kong isasaysay ang dulot mong kaligtasan.

Unang Pagbasa: 2 Timoteo 4:1-8

Sa harap ng Diyos at ni Cristo Jesus na darating bilang Hari at hahatol sa mga buhay at sa mga patay, inaatasan kitang ipangaral mo ang salita ng Diyos; pagsikapan mong gawin iyan napapanahon man o hindi. Himukin mo at pagsabihan ang mga tao, at palakasin ang kanilang loob sa pamamagitan ng matiyagang pagtuturo. Sapagkat darating ang panahong hindi na sila makikinig sa wastong katuruan; sa halip, susundin nila ang kanilang hilig. Maghahanap sila ng mga tagapagturo na walang ituturo kundi ang ibig lamang nilang marinig. Hindi na sila makikinig sa katotohanan, sa halip ay ibabaling ang kanilang pansin sa mga alamat.

Ngunit ikaw, maging mahinahon ka sa lahat ng oras, magtiis ka sa panahon ng kahirapan, gampanan mo ang tungkulin ng isang mangangaral ng Magandang Balita at pagbutihin mo ang iyong paglilingkod.

Sapagkat dumating na ang panahon ng pagpanaw ko sa buhay na ito. Ako’y mistulang isang handog na ibinubuhos sa dambana. Pinagbuti ko ang aking pakikipaglaban, natapos ko na ang dapat kong takbuhin, at nanatili akong tapat sa pananampalataya. Makakamtan ko na ang koronang nakalaan sa mga matuwid. Sa Araw na iyon, ang Panginoon na siyang makatarungang Hukom, ang siyang magpuputong sa akin ng korona; hindi lamang sa akin, kundi sa lahat ng nananabik sa kanyang pagbabalik.

Ebanghelyo: Lucas 2:41-51

Taun-taon, tuwing Pista ng Paskwa, ang mga magulang ni Jesus ay pumupunta sa Jerusalem. Nang siya’y labindalawang taon na, dumalo sila sa pista, ayon sa kanilang kaugalian. Sila’y umuwi na pagkatapos ng pista. Si Jesus ay nagpaiwan sa Jerusalem ngunit hindi ito napansin ng kanyang mga magulang. Maghapon na silang nakapaglakbay na inaakalang kasama nila ang bata ngunit napansin nilang wala pala siya. Siya ay hinanap nila sa kanilang mga kamag-anak at mga kakilala, ngunit hindi nila natagpuan si Jesus. Kaya’t bumalik sila sa Jerusalem upang doon maghanap.

Pagkalipas ng tatlong araw, si Jesus ay natagpuan nila sa loob ng Templo. Siya’y nakaupong kasama ng mga guro. Nakikinig siya at nagtatanong sa kanila, at ang lahat ng nakakarinig sa kanya ay hangang-hanga sa kanyang katalinuhan. Namangha rin ang kanyang mga magulang nang siya’y makita. Sinabi ng kanyang ina, “Anak, bakit mo naman ginawa ito sa amin? Lubha ang aming pag-aalala ng iyong ama sa paghahanap sa iyo.”

Sumagot si Jesus, “Bakit po ninyo ako hinahanap? Hindi po ba ninyo alam na ako’y dapat mamalagi sa bahay ng aking Ama?” ako’y dapat mamalagi sa bahay ng aking Ama? (o kaya’y dapat kong iukol ang aking panahon sa gawain ng aking Ama?) Ngunit hindi nila naunawaan ang pananalitang ito.

Siya’y sumama sa kanila pauwi sa Nazaret, at siya’y naging masunurin sa kanila. Ang lahat ng bagay na ito ay iningatan ng kanyang ina sa kanyang puso. Patuloy na lumaki si Jesus; lumawak ang kanyang karunungan at lalong naging kalugud-lugod sa Diyos at sa mga tao.

Pagninilay:

Kahit sinong ina ay lubos na mag-aalala kung ang kanilang anak ay bigla na lamang mawala at hindi na malaman kung nasaan. Si Maria, bagamat pinanganak ng walang bahid ng kasalanan ay nakakaramdam din ng paghihinagpis at poot sa dibdib. Ito nga ang ating natunghayan sa ebanghelyo ngayong araw noong nawala si Jesus at nakita sa templo kasama ng mga matatanda. Hindi natin lubos maisip ang hinagpis nina Maria at Jose noong malaman na ang ipinagkatiwala sa kanila na Anak ng Diyos, tagapagligtas ng lahat, at lubos nilang iniingat-ingatan mula pa noong una ay mawawala sa kanilang piling. Tila ba ang tatlong araw ay napakatagal dahil punong puno ito ng pighati sa pagkawala ni Jesus. Ang tatlong araw na pagkawala ni Jesus ay tila maihahalintulad sa tatlong taon na pagmiministeryo ng ating Panginoon, at itong mga panahon na malayo si Jesus sa Kanyang pinakamamahal na Ina. Hanggang ito nga ay magpakasakit at mamatay sa Krus. Ngunit mula noong pagkapanganak ni Jesus hanggang sa anuman ang danasin Niya sa Krus, namatay, inilibing at nabuhay muli ay hindi kailanman nawala si Maria na lagi lamang naghihintay sa Kanyang anak.

Ngayong araw na paggunita sa kalinis-linisang puso ng Mahal na Birheng Maria, maganda ring pagnilayan ang puso ng pagiging ina ni Maria. Kung ang mga ina dito sa lupa ay lubos na dakila at mga mapagmahal paano pa kaya si Maria na walang bahid ng kasalanan ngunit kinailangang magdusa kasama ni Jesus? Ito nga ay para sa plano ng Diyos na kaligtasan para sa ating lahat. Ibinigay ng Diyos si Jesus kay Maria, pinili siyang ina ng Diyos, ngunit ang kaakibat ng tungkuling ito ay pagiging handa at pagtanggap sa anumang plano ng Diyos para sa kay Jesus, at sa buong Banal na Pamilya. Kahit ano pa ito, at kahit gaano pa kahirap. Ang tiwala ng Diyos ang nanaig sa kanila upang magampanan ng mabuti ang tungkulin ng Panginoon.

Bagamat si Jesus ay kaloob ng Diyos sa kanila at Siya ring Diyos. Siya ay hindi para sa kanilang pamilya lamang ngunit para sa lahat. Upang makaganap si Jesus bilang kaisa sa atin na ipinanganak din sa pamilya. Siyang ipinlano ng Diyos na kaabikat ng tungkulin bilang tagapagligtas ng sanlibutan. Ito ay isa ring aral na ating madadala sa ating kanya-kanyang buhay. Madalas nating isipin na ang mga kaloob ng Diyos sa atin ay para sa atin lamang. Ngunit tulad ni Maria, at ng kanyang pusong walang ibang hinahangad kundi ang gawin ang kaloob ng Panginoon, tinatawag din tayong ialay at isuko ang lahat ng ating minimithi, pangarap, mga kahilingan, suliranin, at mga alalahanin sa buhay sa Panginoon. Ang tiwala, pagmamahal at pananampalataya ni Maria sa ating DIyos ang siyang naging mahalagang daan upang matupad din ni Jesus ang Kanyang misyon na pagliligtas ng sanlibutan. Kasa-kasama Niya rito ang kanyang inang si Maria sa tulong na rin ni Jose ang kanyang kalinis-linisang esposo. Ganito ang gantimpala ng mga taong nagtitiwala sa Diyos hanggang huli. Malalaman nating lahat ng ating bitawan sa Kanyang mga kamay ay Siyang kanyang gagawing mas makabuluhan, mas pagiigtingin, mas pagagandahin at mas lalalim pa. Higit na mas makapangyarihan at mas maganda ang plano ng Diyos para sa atin. Kailangan lamang natin kumapit at magtiwala hanggang huli, anuman ang ating danasing hirap ay magiging daan upang palakasin ang ating pag-ibig at pananampalataya sa Diyos.

Panalangin: O Panginoon, tulungan mo akong kumapit sa iyo ng buong pagtitiwala at pagmamahal anuman ang aking danasin sa aking buhay. Alam kong kasama kita sa lahat ng oras at wala akong dapat ikatakot. Palakasin mo ang aking loob upang harapin ko ng buong tapang ang bawat hamon at pagsubok sa pang-araw araw. Hinihiling namin ito sa iyong Matamis na Ngalan at sa tulong ng panalangin ng Kalinis-linisang puso ni Maria aming Ina. Amen. +

Pagpalain nawa tayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen +

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!

Copyright Reflections Written By: Admin. FMM Francesca Maria Margarita

Defend The Catholic Faith
Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

Leave a Reply