Daily Gospel on DCF

TODAY’S GOSPEL REFLECTIONS on DCF: “Ang Pamumunga ng Masagana sa Salita ng Diyos”


TODAY’S GOSPEL REFLECTIONS on DCF: “Ang Pamumunga ng Masagana sa Salita ng Diyos”

Hulyo 27, 2018. Biyernes. Ika-16 Linggo ng Karaniwang Panahon.

Jer 31: Pumapatnubay na Diyos ay Pastol na Kumukupkop.

Unang Pagbasa: Jeremias 3:14-17

“Magbalik kayo sa akin, kayong mga taksil na anak, sapagkat ako ang inyong Panginoon,” sabi pa ni Yahweh. “Kukuha ako sa inyo ng isa sa bawat bayan at dalawa sa bawat angkan at ibabalik ko kayo sa Bundok ng Zion. Bibigyan ko kayo ng mga pinunong sumusunod sa akin, at pamamahalaan nila kayo nang buong katalinuhan at pagkaunawa. At kung dumami na kayo sa lupaing iyon, hindi na pag-uusapan ng mga tao ang tungkol sa Kaban ng Tipan ni Yahweh.

Hindi na nila ito iisipin o aalalahanin. Hindi na rin nila ito kakailanganin o gagawa ng isa pa. Sa araw na iyon, ang Jerusalem ay tatawaging “Luklukan ni Yahweh”. Lahat ng bansa’y magkakatipon doon upang sambahin ako. Hindi na nila gagawin ang kasamaang kanilang gustong gawin.

Ebanghelyo: Mateo 13:18-23

“Pakinggan ninyo ang kahulugan ng talinhaga tungkol sa manghahasik. Kapag ang isang tao ay dumirinig ng mensahe tungkol sa paghahari ng Diyos ngunit hindi naman niya iyon inuunawa, siya ay katulad ng binhing nalaglag sa daan. Dumarating ang Masama at agad inaalis sa kanyang isip ang mensaheng kanyang napakinggan.

“Ang katulad naman ng binhing nalaglag sa mabatong lupa ay ang taong dumirinig ng mensahe. Kaagad at masaya niya itong tinanggap ngunit hindi tumimo ang mensahe sa kanyang puso. Sandali lamang itong nanatili, at pagdating ng mga kapighatian at pagsubok dahil sa mensahe, agad siyang tumatalikod sa kanyang pananampalataya.

“Ang binhi namang nahulog sa may damuhang matinik na halaman ay naglalarawan ng mga taong dumirinig ng mensahe ngunit dahil sa pagkabalisa sa maraming mga bagay at pagkahumaling sa kayamanan, ang mensahe ay nawalan ng puwang sa kanilang puso at ito ay hindi nagkaroon ng bunga sa taong iyon.

“At ang katulad naman ng binhing napahasik sa matabang lupa ay ang mga taong dumirinig at umuunawang mabuti sa mensahe, kaya’t ito ay namumunga nang sagana, may tigsasandaan, may tig-aanimnapu, at may tigtatatlumpu.”

Pagninilay:

Ang Salita ng Diyos ay inihalintulad ng Panginoong Jesus sa isang binhi. Ang ating mga puso naman ang lupa. Ang ating pakikinig at pagbabasa ng Salita ng Diyos ang siyang nagsisilbing pagtatanim sa ating mga puso. Ang Diyos ang Siyang taga-tanim. Nasa atin ang desisyon kung ano ang ating gagawin, o kung paano ito tatanggapin ang Binhi ng Salita ng Diyos. Bawat isa sa atin ay hindi parepareho ng pagtanggap sa Salita ng ating Panginoon.

Sa Ebangheylo ngayong araw ay mayroong apat na uri ng lupa na inilarawan si Jesus. Isa-isahin natin itong muli at tanungin ang ating mga sarili, “Sa anong uri ng lupa nga kaya maihahalintulad ang aking sarili?”

Ang unang klase ng lupa ay tumutukoy sa mga taong hindi sumeseryoso sa Salita ng Diyos. Alam nilang ito ay Salita ng Panginoon ngunit walang paniniwala. Kulang at ipinagsasawalang bahala. Bago pa man ito bigyan ng halaga at unawain ay may temptasyon na agad sa kanila na isiping ito ay hindi mahalaga sa kanilang buhay at hindi na kailangan pa ng Diyos. Ang pangalawang uri naman ay kung saan, ang mga tao ay mga tila mga lupang tinatanggap lamang kung ano ang kanilang gustong marinig at makuha mula sa ebanghelyo. Kapag tungkol sa kasagaanaan, kaginhawaan at kayamanan, o anumang makakapagsilbi ng kanilang interes, sila ay sumasang-ayon at tuwang tuwa. Ngunit kung tungkol na sa pagsasakrpisyo, paglilingkod, at mga pagsubok na makakapagtibay ng pananampalataya ay agad namang sumusuko at umaatras sa pananampalataya. Bumabalik sa dati. Hindi namumunga o lumalago dahil paikot-ikot lamang ang kanilang takbo ng pananampalataya. Marami din sa kanila ay madaling magtampo at magalit sa Panginoon.

Ang pangatlo naman ay kinakaharap na maraming balakid. Punong-puno ang kanilang sarili ng mga makamundong bagay tulad na lamang ng pagiging abala ng lubos sa pagiging magaling sa trabaho, kayamanan, pagpapaganda, pagpapabango ng pangalan, edukasyon, ari-arian at ano pa man. Walang lugar at puwang ang Panginoon sapagkat bago pa man makarating ang Salita ng Diyos sa puso ay nawawala na agad ito. Iba na ang laman ng kanilang puso na hindi akma sa Salita ng Panginoon ukol sa pagmamahal at pagkakawang-gawa.

Sa lahat ng mga lupang ito ay pare-pareho lamang. Walang nabubuhay sa alinmang mga lupa na ito. Sapagkat lahat sila ay nakatuon sa sarili lamang na interes. Kung mayroon mang paghahanga at pagnanais sa Diyos, sila’y nakakaramdam ng tila bitag na hindi sila makaalis-alis.

Ano ang kailangan? Tiwala upang paniwalaan ang Salita. Tiwala ulit upang gawin ang mga turo ng Panginoon. Oo at mahirap o minsan ay napupuno tayo ng takot at pagkabahala. Sa pagsunod sa Panginoon ay walang kasiguraduhan ngunit kung may sapat na tiwala sa puso ay matututo tayong maghintay. Maghintay na sa pagsunod ng kanyang utos at tugon, ay mayroong kapalit na ligaya at gantimpalang hindi nauubos mula sa Panginoon.

Ang pinakahuling uri ng lupa ay ang tawag sa ating lahat na sikapin nawa nating maging. Ito nga ang mabuti at matabang lupa. Kung ang lupa ng ating mga puso ay mataba at handa ang Salita upang mamunga, sa una pa lamang ay diriniggin nating mabuti ang Salita ng Diyos. Hahayaan natin itong manatili sa ating puso at kaisipan. Hinahayaan natin ang Panginoon na pukawin ang ating puso ng Kanyang mga Salita.

Isang pamamaraan na maari nating gawin at sanayin ay sa pakikinig natin ng Salita o pagbabasa, maaring pumili tayo ng isang salita o isang pangungusap mula sa mga berso na tila ba nakaantig sa atin. Sa buong araw o buong gabi, mula sa ating pagbabasa at pananalangin, ito’y ating damhin at itanim sa isip. Kailangan ng katahimikan ng ating kalooban upang mauunawaan ito ng lubos.

Madalas kasi sa ating buhay, laging maingay. Maingay na nga sa ating paligid ay maingay pa din ang loob ng ating puso at damdamin. Sa labas, may ingay ang mga sasakyan, telebisyon, mga gadgets, sa balita, sa “social media” ay masyado tayong abala. Tandaan natin sa katahimikan lamang natin mapapalago ang Salita ng Diyos sa ating kaluluwa. Ito lamang ang tanging paraan upang mabigyan natin ng puwang ang ating Panginoon na mangusap sa ating mga puso. Tutulungan din naman tayo ng Panginoon sa ating mga ginagawa. Hanggang sa maging Siya na ang sentro ng ating pamumuhay.

Kapag ang Salita ng Diyos ay ating pinanatili sa ating buong puso at pagkatao, kusa na itong magiging bahagi ng ating sarili. Maisasabuhay natin ang Salita sa pang-araw araw. Hindi na natin iisipin pang ito’y mahirap o hindi kaya dahil ang Diyos mismo ay sumasaatin.

Kailangan lamang natin simulan sa pagtitiwala at pagbabago ng ating sarili.
Buksan natin ang ating mga puso sa Panginoon, at hayaan nating Diyos ang gumawa ng Kanyang pagtatanim at paglilinang sa atin.

Hayaan nating sa mga balakid sa ating buhay, unti-unti niya tayong linisin.

Hayaan natin na magsalita ang Panginoon sa atin, bigyan natin ng sapat na oras at panahon. Huwag nating ipagsawalang bahala.

Hayaan natin na tayo’y masubok sa pagsasakrpisyo kasama Niya kahit walang kasiguraduhan at matutunghayan din nating tayo’y makakasama Niya habang buhay.

Anuman ang ating danasin ay kapiling ang Panginoon at ang Kanyang Salita ang ating magiging liwanag sa lahat ng panahon.
Amen. +

Panalangin: Magnilay sa katahimikan at manalangin sa Panginoon na gawin tayong Mabuti at matabang lupa. Nang sa gayon tayo ay makasama niya at mamunga tayo ng masagana para sa Diyos, sa ating kapwa at sa ating kapayapaan.

Amen. +

Pagpalain nawa tayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen +

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!

Copyright Reflections Written By: Admin. FMM Francesca Maria Margarita

Defend the Catholic Faith
Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.