Hunyo 28, 2018. Huwebes. Ika-12 Linggo ng Karaniwang Panahon.
Salmo 79: Dahil sa ngalan mo, Poon, iligtas mo kami ngayon.
Unang Pagbasa: 2 Mga Hari 24:8-17
Si Jehoiakin ay labing-walong taóng gulang nang maghari sa Jerusalem at ito’y tumagal nang tatlong buwan. Ang kanyang ina ay si Nehusta na anak ni Elnatan na taga-Jerusalem. Tulad ng kanyang ama, ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh.
Nang panahong iyon, ang Jerusalem ay kinubkob ng mga kawal ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia. Habang ang mga kawal ng Babilonia ay nakapaligid sa lunsod, dumating si Haring Nebucadnezar. At sumuko sa kanya si Haring Jehoiakin, pati ang ina nito, mga katulong, mga pinuno at lahat ng tauhan sa palasyo. Binihag sila ni Nebucadnezar noong ikawalong taon ng paghahari nito. Sinamsam pa niyang lahat ang kayamanan sa palasyo at sa Templo. At tulad ng babala ni Yahweh, sinira ni Nebucadnezar ang mga kagamitang ginto na ipinagawa ni Solomon para sa Templo. Dinala niyang bihag ang lahat ng taga-Jerusalem: ang mga pinuno, mga kawal, mga dalubhasa at mga panday. Lahat-lahat ay umabot sa sampung libo. Wala silang itinira liban sa mga dukha.
Tinangay nga ni Nebucadnezar sa Babilonia si Jehoiakin, ang ina nito, mga asawa, mga pinuno at lahat ng pangunahing mamamayan sa Jerusalem. Dinala rin niya sa Babilonia ang may pitong libong kawal at ang sanlibong mahuhusay na manggagawa at panday na pawang malalakas ang katawan at angkop maging mga kawal. Si Matanias na tiyuhin ni Jehoiakin ang ipinalit ni Nebucadnezar dito bilang hari ng Juda at pinalitan niya ng Zedekias ang pangalan nito.
Ebanghelyo: Mateo 7: 21-29
“Hindi lahat ng tumatawag sa akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng langit, kundi ang mga tao lamang na sumusunod sa kalooban ng aking Ama na nasa langit. Sa Araw ng Paghuhukom marami ang magsasabi sa akin, ‘Panginoon, hindi po ba kami ay nagpahayag ng mensahe mula sa Diyos, nagpalayas ng mga demonyo at gumawa ng mga himala sa iyong pangalan?’ Ngunit sasabihin ko sa kanila, ‘Hindi ko kayo nakikilala. Lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng kasamaan.’”
“Kaya’t ang bawat nakikinig at nagsasagawa ng mga salita kong ito ay maitutulad sa isang taong matalino na nagtayo ng kanyang bahay na ang pundasyon ay bato. Umulan nang malakas, bumaha, at binayo ng malakas na hangin ang bahay na iyon, ngunit hindi nagiba sapagkat nakatayo iyon sa bato.
Ang bawat nakikinig ng aking salita ngunit hindi naman nagsasagawa ng mga aral na ito ay maitutulad naman sa isang taong hangal na nagtayo ng kanyang bahay sa may buhanginan. Umulan nang malakas, bumaha at binayo ng malakas na hangin ang bahay. Ito ay bumagsak at lubusang nawasak.”
Namangha kay Jesus ang mga tao nang kanilang marinig ang mga katuruang ito sapagkat nagturo siya nang may kapangyarihan, hindi tulad ng mga tagapagturo ng Kautusan.
Pagninilay:
Kanino ka ba kumakapit kapag may unos sa buhay at suliranin? Maraming tao sa panahon natin ngayon ay nagtitiwala sa kanilang sariling yaman, pera, ari-arian, angking talino at galing para sa seguridad ng kanilang buhay. Ngunit ang kaugaliang ito ang isa sa mga tinutukoy ni Jesus na pagtatayo ng bahay sa buhanginan. Ang mga materyal at panglabas na bagay at katangian na ito ay madaling nawawala at nauubos kaya ang sinuman na sa mga ito nakalagay ang puso ay siguradong bigo ang mararanasan. Hindi mahalaga sa Diyos kung ano ang ating naggawa, kung anong titulo natin dito sa lupa, o kung magkano ang ating kinikita buwan-buwan. Ang mga ito ay para sa mata ng tao hindi ng Diyos. Ang pinakamahalaga sa Panginoon ay ang ating puso na nagmamahal. Isang pusong handang maglingkod sa Diyos at sa kapwa at hindi puro sarili ang iniisip. Maaring pagnilayan sa iyong panalangin, “Ano ang laman ng aking puso?”
Ang mga bagay na panglabas at yamang paglupa, ito ang mga diyus-diyosan sa ating mga puso na hindi nakakarinig o nakakakita. Sa panahon ng problema kapag ang mga ito ay naubos na ay tiyak masasadlak tayo sa tinatawag na “dead end”. Darating at darating ang oras na hindi na tayo matutulungan ng ating pera, ganda at yaman. Kahit ano pa yan. Taliwas sa Diyos na ang kakayanan, kung ating kakapitan, ay wlaang hanggan. Kaya naman, ang sinumang patuloy na manalangin, kumapit at manampalataya sa Panginoon ang siyang tunay na wais at matalino. Ang katotohanan na sa Panginoon lamang nagmumula ang lahat ng lakas at kapangyarihan na hindi nauubos at hindi natatapos.
Sa panahon ng ating suliranin bagamat puno ng alalahanin at dusa, ay hindi Siya mauubusan ng paraan at sorpresa sa mga tunay na nagmamahal at nagtitiwala sa kanya, upang mailigtas sa mga kinasasadlakan. Gumuho at mawala man ang lahat sa buhay ay mayroong Diyos na kakapitan kahit tayo mismo ay piliing Siya ay talikdan. Maghina man ang puso natin sa tiwala sa Kanya ay handa pa rin siyang tumulong sa atin anumang oras. Galing na mismo sa mga Banal na Labi ni Jesus, “Umulan nang malakas, bumaha, at binayo ng malakas na hangin ang bahay na iyon, ngunit hindi nagiba sapagkat nakatayo iyon sa bato.”
Kung ang ibang tao nga ay ating napaniniwalaan tulad ng mga artista sa telebisyon, paano pa kaya ang salita ng ating Diyos na Perpekto, Ganap, Mapagmahal at Makapangyarihan sa lahat? Hindi ba tayo naniniwalang kaya niyang gawin ang lahat ng kanyang naisin para sa atin?
Wala sa Diyos ang problema ngunit nasa ating mga puso kakarampot ang pananamapalataya sa Kanya. Pagnilayan natin at pagsisihan ang ating kawalan at kakulangan ng pananalig sa Diyos at hilingin nating punuan niya ang ating puso ng ganap na pananampalataya. Nang sa gayon, sa anumang bagyo at baha ng ating buhay ay patuloy tayong mananatiling masigasig sa pananampalataya, puno ng kapayapaan at pag-ibig sa Diyos at kapwa. Lahat ito ay posible sa isang pusong nagtitiwala sa Diyos sa hirap man o sa ginhawa. Amen. +
Pagpalain nawa tayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen +
Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!
Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!
Copyright Reflections Written By: Admin. FMM Francesca Maria Margarita