Daily Gospel on DCF

TODAY’S GOSPEL REFLECTIONS on DCF: “Karunungang Mula sa Diyos”

Hulyo 18, 2018. Miyerkules. Ika-15 Linggo ng Karaniwang Panahon.

Salmo 94: Ang Poo’y di tatalikod sa kanyang hirang na lingkod.

Unang Pagbasa: Isaias 10:5-7, 13b-16
Ikaw Asiria ang gagamitin kong pamalo— ang tungkod ng aking pagkapoot. Isusugo ko siya laban sa isang bayang walang diyos, isang bayang kinapopootan ko, upang ito’y wasakin at samsaman ng lahat ng yaman at tapakang parang putik sa lansangan.

Ngunit hindi ganito ang binabalak ng hari ng Asiria,
wala nga ito sa isipan niya. Sapagkat ang sabi niya: “Nagawa ko iyan dahil sa taglay kong lakas at karunungan, inalis ko ang hangganan ng mga bansa, at sinamsam ko ang kanilang mga kayamanan; ibinagsak ko sa lupa ang mga nakaupo sa trono. Kinamkam ko ang kayamanan ng mga bansa na parang nasa isang pugad. Tinipon ko ang buong lupa tulad ng pagtipon sa mga itlog na iniwanan, wala man lamang pakpak na nagbalak lumipad, walang bibig na bumubuka o huning narinig.”

Mas magaling pa ba ang palakol kaysa taong may hawak nito?
Mas mahalaga ba ang lagari kaysa taong gumagamit nito?
Ang tungkod pa ba ang bubuhat sa may hawak nito?
Kaya nga padadalhan ni Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon,
ng mapaminsalang sakit ang magigiting niyang mandirigma,
at sa ilalim ng kanilang mga kasuotan, mag-aapoy sa init ang kanilang katawan,
parang sigang maglalagablab nang walang katapusan.

Ebanghelyo: Mateo 11:25-27

Nang panahong iyo’y sinabi ni Jesus, “Ama, Panginoon ng langit at lupa, salamat sa iyo, sapagkat inilihim mo ang mga bagay na ito sa marurunong at matatalino, at inihayag mo naman sa mga may kaloobang tulad ng sa bata. Oo, Ama, sapagkat ganoon ang nais mo.

“Ibinigay na sa akin ng aking Ama ang lahat ng bagay. Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak at ang mga pinili ng Anak na pagpahayagan niya.

Pagninilay:

Ang mga simpleng pag-iisip, puso at kaluluwang mababa ang loob, at walang hinahangad na kahit ano. Isang kalooban na hindi inaangat ang sarili at parang bata na alam niyang lahat ng mayroon siya ay idinudulot ng magulang. Ganito nga ang kalugud-lugod sa Panginoon. Ang Diyos ay ang ating Ama at tayo ay kanyang mga anak sa pamamagitan ni Cristo. Ang katotohanang wala tayong magagagawa, walang lakas, wala kahit buhay kung wala ang Panginoon ay hindi natatanggap ng madali ng mga taong may matigas na kalooban at mapagmataas na puso.

Ngunit sa Diyos, hindi mahalaga ang taas ng ating pinag-aralan o kung saan man, kung itong pagiging matalino, magaling at edukado naman na ito ang siyang magiging paraan upang tayo ay mapapalayo sa Panginoon. Diyos ang pinagmumulan ng lahat ng karunungan. Turuan natin ang ating sarili upang ating matandaan sa puso at isip kung paanong sa Diyos nanggagaling ang lahat ng mabubuting bagay, talento at biyaya na mayroon tayo.

Sa unang pagbasa, ganito ang nangyari sa Asiria, sapagkat hindi nila nakikita ang Panginoon dahil puno sila nang pagpapahalaga sa sarili, akala nila’y sa kanilang sariling lakas at galing nila nagapi ang kalaban. Ngunit ang totoo, si Yahweh ang kanilang naging lakas at sandigan. Kaya noong nawala ang Diyos ay nawala na rin ang kanilang pinagmamayabang na galing. Totoo at minsan pa’y kung kailan tayo walang wala at sobrang hirap na hirap at tila wala nang pag-asa ay doon lamang nalalaman ng ilan ang kapanyarihan ng Panginoon. Minsan o madalas, sa mga pagkakamali lamang tayo natututo.
Ganito nga tayo mga kapatid, sa oras na tayo ay naging mapagmataas at hindi na makita ang ating Panginoon, ngunit ang ating sariling galing na lamang, ito ang magiging simula ng ating pagbagsak. Kahit gaano pa tayo kagaling, katalino, katalentado lahat ito ay limitado. Mayroon at mayroon pa rin tayong kahinaan, kahit ang mga hari at reyna at ang pinakamayayaman sa mga bansa ay mayroon ding kahinaan sapagkat tayo ay tao lamang. Talino, yaman at karangalan din lamang ay nauubos din.

Kung talagang tayong mga Katoliko ay naniniwala sa Diyos at bininyagan sa kanyang Ngalan ay itinuturing na Anak ng Diyos. Dapat nating itatak sa ating isip na kung tayo ay nagpapakumbaba, pinakamalapit sa atin ang Panginoon. Bilang Ama ng isang malaking pamilya at sambahayan ng Panginoon, lubos na ikalulugod ng Diyos ang lahat ng lumalapit sa Kanya at isinusuko sa Kanya ang ating mga kahinaan. Isuko natin sa kanya ang lahat ng ating kahinaan at hindi na kaya. Kung buong puso at ganap na paniniwala natin itong sambitin, tiyak makakakita at makararanas tayo ng himala. Sapagkat maraming paraan ang Diyos para sa anumang suliranin at problema ng mundo. Masyado lamang tayong bulag at pipi, na akala natin ay kaya natin lahat kahit walang Diyos ngunit isa itong kasinungalingan. Tumalima tayo sa Panginoon nang walang humpay pagkat tayo’y kabilang sa kanyang pamilya.
Ang tunay na karunungan, kagalingan ay ang hindi alam ng mundo. Sapagkat madalas ang mga tao ay nakatuon sa bagay na nakikita lamang sa panglabas ngunit hindi ganito ang paghuhusga ng Panginoon. Ang sikreto ng lahat ng lakas at tagumpay na hindi kumukupas ay ang pananatili sa presensiya at gabay ng Panginoon nang may buong tiwala. Wala nang hihigit pa rito.

Bagamat hindi nakikita ng mga tao ang pananampalataya, ito ang ating pinakamagiging sandigan sa lahat ng bagay. Umulan man o bumagyo, sa kasagaanan man o sa hirap, sa tagumpay o sa pagkatalo at maging sa pagdurusa, tayo ay makakaasa sa Panginoon dahil naniniwala tayong mayroon tayong walang hanggang pinagmumulan ng lakas at kapayapaan, at ito ay walang iba kundi ang Panginoon.

Patuloy tayong manalig sa Kanya dahil higit Niyang alam ang lahat ng bagay kaysa kanino mang tao. Ialay natin ang ating sarili pati ang ating sariling pang-unawa at tiyak ay ilalahad Niya ang kanyang plano para sa atin sa sarili Niyang panahon at oras. Mula dito ay hindi na tayo magkukulang kailanman.
Ang siyang kumapit sa sariling lakas ay tiyak mabubuwal at hindi magtatagal, ngunit ang kumapit sa Panginoon na parang bata ay itataas mismo ng Panginoon at bibigyan niya ng ibayong lakas at biyaya.

Panalangin: Panginoon, iniaalay ko sa iyo ang aking pang-unawa at kababaang loob. Tulungan mo akong makita ka sa lahat ng bagay at purihin ka sa bawat oras. Palitan mo ang aking kahinaan ng iyong lakas na hindi nauubos o lumilipas. Hinihiling namin ito sa Matamis na Ngalan ni Jesus. Amen. +

Pagpalain nawa tayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen +

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!

Copyright Reflections Written By: Admin. FMM Francesca Maria Margarita

Defend the Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Daily Gospel on DCF

SUNDAY’S GOSPEL REFLECTIONS: “Ang Pagpapakasakit ng Panginoon”

Marso 25, 2018. Linggo ng Palaspas (Palm Sunday). Salmo 22: “D’yos ko! D’yos ko! Bakit naman ako’y yong pinabayaan. Ebanghelyo:
Bible Catholic Church Catholic Faith Christ Christian Daily Gospel on DCF God Religion

TODAY’S GOSPEL REFLECTIONS on DCF: “Ang Pagtanggap Kay Jesus sa Bethania”

Marso 26, 2018. Lunes Santo. Salmo 27: Panginoo’y aking tanglaw, siya’y aking kaligtasan.  Ebanghelyo: Juan 12:1-11. Binuhusan ng Pabango ang