Bible Catholic Church Daily Gospel on DCF

TODAY’S GOSPEL REFLECTIONS on DCF: “Paano Nga Ba Magpatawad?”


Jesus-heals-a-withered-hand.jpg

Agosto 16, 2018. Huwebes. Ika-19 Linggo ng Karaniwang Panahon.

Salmo 78: Hindi nila malilimot ang dakilang gawa ng D’yos.

Unang Pagbasa: Ezekiel 12:1-12

Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, nasa gitna ka ng isang mapaghimagsik na bayan. May mga mata sila ngunit hindi nakakakita; may mga tainga ngunit hindi naman nakakarinig sapagkat sila’y mapaghimagsik.

Kaya nga, magbalot ka ng kailangan mo sa paglalakbay bilang isang bihag. Bago dumating ang gabi, maglalakad ka sa lansangan nang nakikita nila at baka sakaling makaunawa sila sa kabila ng pagiging mapaghimagsik na lahi.

Samantalang maliwanag pa, maghanda ka ng iyong dala-dalahan nang nakikita nila at kinagabihan ay maglalakad kang parang manlalakbay. Pagkatapos, bumutas ka sa pader at doon ka magdaan. Pasanin mo ang iyong dala-dalahan at lumakad kang nakikita nila. Magtakip ka ng mukha para hindi mo makita ang lupain pag-alis mo pagkat ikaw ang gagawin kong pinakababala sa mga Israelita.”

At ginawa ko ang lahat ayon sa utos sa akin. (…)

Ebanghelyo: Mateo 18:21-19:1

Lumapit si Pedro at nagtanong kay Jesus, “Panginoon, ilang beses ko po bang patatawarin ang kapatid kong paulit-ulit na nagkakasala sa akin? Pitong beses po ba?”

Sinagot siya ni Jesus, “Hindi ko sinasabing pitong beses, kundi pitumpung ulit na pito. Sapagkat ang kaharian ng langit ay katulad nito: ipinasya ng isang hari na hingan ng ulat ang kanyang mga alipin tungkol sa kanilang mga utang.

Unang dinala sa kanya ang aliping may utang na milyun-milyong piso. Dahil sa siya’y walang maibayad, iniutos ng hari na ipagbili siya, pati ang kanyang asawa, mga anak, at lahat ng kanyang ari-arian, upang siya’y makabayad.

Lumuhod ang taong ito sa harapan ng hari at nagmakaawa, ‘Bigyan pa po ninyo ako ng panahon at babayaran ko sa inyo ang lahat.’ Naawa sa kanya ang hari kaya’t pinatawad siya sa kanyang pagkakautang at pinalaya.

“Ngunit pagkaalis roon ay nakatagpo niya ang isa niyang kamanggagawa na may utang na ilang daang piso sa kanya. Sinunggaban niya ito sa leeg, sabay sigaw, ‘Magbayad ka ng utang mo!’ Lumuhod ito at nagmakaawa sa kanya, ‘Bigyan mo pa ako ng panahon at babayaran kita.’

Ngunit hindi siya pumayag. Sa halip, ito’y ipinabilanggo niya hanggang sa makabayad. “Labis na nagdamdam ang ibang mga tauhan ng hari nang malaman iyon, kaya’t pumunta sila sa hari at isinumbong ang buong pangyayari. Ipinatawag ng hari ang malupit na lingkod. ‘Napakasama mo!’ sabi niya. ‘Pinatawad kita sa utang mo sapagkat nagmakaawa ka sa akin. Naawa ako sa iyo. Hindi ba’t dapat ka rin sanang nahabag sa kapwa mo?’

At sa galit ng hari, siya’y ipinabilanggo hanggang sa mabayaran ang lahat ng kanyang utang. Gayundin ang gagawin sa inyo ng aking Ama na nasa langit kung hindi ninyo patatawarin nang buong puso ang inyong mga kapatid.”

Pagkatapos niyang ipangaral ang mga bagay na ito, umalis si Jesus sa Galilea at nagtungo sa lupain ng Judea, sa kabila ng Ilog Jordan.

Pagninilay:

Ang ating Diyos ng Awa at Walang Hanggang Pag-ibig ay laging handang magpatawad sa ating lahat. Lahat ng ating kasalanan kahit gaano kalala ay kanyang patatawarin agad-agad. Kahit pa tayo ay makasalanan at wala halos pakialam sa kanya, tayo ay kinasasabikan niyang dumulog sa kanya. Laging may nakahandang biyaya para sa mga taong may tunay na pagsisisi sa kanilang kasalanan. Wala tayong ari-arian o kahit anong maipagmamayabang sa Panginoon. Isang pusong malinis lamang ang ating maaring pinakamagandang handog sa kanya. Sa gayon, hindi lang niya tayo pinapatawad sa ating mga kasalanan sa Sakramento ng Pangungumpisal. Bagkus, kinakalimutan pa niya ang lahat ng ating naggawa kung tayo ay tuluyang magbabalik sa kanya.

Gayon nga rin ang Hari sa ebanghelyo ngayong araw na tumutukoy sa Diyos Ama natin sa langit. Ang problema’y alam nating lahat na para sa karamihan ng tao ang pagpapatawad ay hindi madali. Malimit sa mga tao ay iba ang puso kaysa sa ating Diyos. Dahil lang hindi natin maggawang bitawan ang ating mga pinaghahawakan sa kanya nang may buong tiwala. Siya ang Hari na nahabag at naging mapagbigay nang lubos sa kanyang pagpapatawad. Siya ang Awa. Siya rin ang Hustisya.

Marami sa atin ang tulad ng alipin ay naging matigas ang puso at madamot. Nakalimutan agad kung paano siya pinatawad. Naging mapagmataas ito at gahaman kaya naman noong siya na ang magpapatawad ay hindi niya naggawa. Kaya ito ay lubos na ikinagalit ng Hari. Tulad ng Diyos na walang ibang kondisyon kundi ang gusto niya na tayo rin ay magpatawad. Hindi lamang para sa iba, ngunit para din sa ating sarili.

Para sa ating mga taong may marupok na damdamin ay talagang hindi madaling magpatawad ngunit ito ay posible kung ating gugustuhin. Bakit nga ba kailangang magpatawad? Mas madali bang panghawakan ang galit, poot at sama ng loob? Oo at ang mga sugat ay kailangan ng panahon upang mahilom. Minsan kailangan ng oras o kailangang lumayo ngunit ang magtago ng sama ng loob at kimkimin ito habang buhay o nang matagal na panahon ay ang hindi na tama. Maraming mga taong may maling akala na hindi makabitaw sa mga galit sa puso, ay ilang taon o dekada nang hindi makakain o makatulog ng maayos kakaisip. Imbes na sa Diyos itaas ang lahat. Siyang may hawak ng hustisya at pati awa.

Kung ganito nga tayo sa tulad ng nabanggit, tandaan natin na ang unang-una nating nasasaktan ay ang sarili natin. Tila tayo ay kumuha ng mabibigat na bato sa ating dibdib dahil akala natin ito ay makatutulong, ngunit lalo tayong nahirapan dalhin ang bigat nito.

Kailangan laman ng panahon upang ang sugat ay lumipas ngunit huwag sana nating isara ang ating mga puso. Magtiwala tayong nakikita ng Diyos ang lahat at mayroon siyang hustisya. Walang sinuman ang makaliligtas nito. Sa buhay, lagi tayong may bagong araw upang magsimulang muli. Unti-unti.

Hayaan natin maghilom ang sugat at tayo ay makakapagpatawad muli. Tandaan natin na ang pagpapatawad ay pagpapalaya. Gusto ng Diyos na tayo rin ay lumaya dahil Siya ang Diyos ng Pag-ibig. Ang Pag-ibig na laging nagpapatawad. Pansinin ninyo ang mga pangmatagalang relasyon at ugnayan. Lalo na lamang sa mga mag-asawa.

Ang sikreto at basehan ng mga relasyong tunay na nagtatagal ay hindi karangyaan, kayamanan, hindi kagwapuhan o kagandahan. Lahat ng ito ay lumilipas lamang. Ngunit mayroong isang katotohanan na hindi mawawaglit. Ang katotohanang lahat tayo ay nagkakamali. Lahat tayo ay may kahinaan. Lahat tayo ay napapagod. Lahat tayo, kahit mayayaman, mga maharlika president at mga artista sa buong mundo. Pare-pareho tayong lahat. Ang siyang natatanging nagbubuklod sa mga panghabambuhay na pagsasama ay pagpapatawad.

Pagtingin ng may awa, pang-unawa. Hindi panunumbat, hindi pagbabalik-balik sa nakaraan, ngunit tunay na pagbabago rin kasabay ng banayad na pagpapatawad at paghingi ng tawad. Ating itanim sa isip na hindi natin mababago ang nakaraan na. Kahit ang mga pinakamayaman sa mundo at pinakamakapangyarihan ay walang kakayanang baguhin ang nakalipas. Ngunit lahat tayo ay may kakayanang baguhin ang ating buhay. May kapangyarihan tayong magdesisyon kung ano ang gusto nating buhay at ito ay nagsisimula sa ating sariling puso at paniniwala.

Tayo ay pinalaya ng Panginoon, tayo rin sana ay palayain ang ating mga sarili sa mga sama ng loob, galit at poot, nang sa gayon, makakapagpalaya rin tayo ng iba at mabuhay ng masagana at tiwasay na siya namang inaasam ng lahat. Hindi madali ngunit unti-unti at sa tulong ng Diyos, lahat ay posible.

Panalangin: Diyos na Mahabagin, kaawaan mo ako at tulungan sa aking kinakaharap ngayon sa aking buhay. Maraming bumabagabag sa aking isip at tila minsan ay hindi ko na kaya. Ako ay iyong tulungan, patawarin sa aking mga kasalanan para nang pagpapatawad namin sa nagkakasala sa amin. Amen. +

Pagpalain nawa tayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen +

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Copyright Reflections Written By: Admin. FMM Francesca Maria Margarita

Defend The Catholic Faith
Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.