Bible Catholic Church Catholic Faith Christ Christian Daily Gospel on DCF Faith God Religion

TODAY’S GOSPEL REFLECTIONS on DCF: “Pinapagaling Tayo ng Panginoon”


 

Photo Credit: warrantedbelief

 

Hunyo 30, 2018. Sabado. Ika-12 Linggo ng Karaniwang Panahon.

Salmo 74: Iyong laging gunitain mga lingkod mong butihin.

Unang Pagbasa: Panaghoy 2:2, 10-14, 18-19

Walang awang winasak ni Yahweh ang lahat ng nayon ni Jacob; sinira niya ang matitibay na kuta ng Juda; ang kaharian at mga pinuno nito’y kanyang ibinagsak at inilagay sa kahihiyan.

Tahimik na nakalugmok sa lupa ang pinuno ng Jerusalem;
naglagay sila ng abo sa ulo at nakasuot ng damit-panluksa. Ang mga dalaga sa Jerusalem ay nakaluhod, ang mukha’y halos sayad sa lupa. Namumugto ang mga mata ko sa kaiiyak. Bagbag na bagbag ang aking kalooban. Matindi ang pagdadalamhati ko dahil sa kapahamakang sinapit ng aking bayan; nakahandusay sa mga lansangan ang mga bata at ang mga sanggol.

Nag-iiyakan sila at patuloy na humihingi ng pagkain at inumin. Nanlulupaypay sila na parang mga sugatan sa mga lansangan. Unti-unting nangangapos ang mga hininga sa kandungan ng kanilang mga ina.

Ano ang masasabi ko sa iyo, O Jerusalem, Jerusalem, lunsod na pinakamamahal ko?
Saan kita maitutulad upang ika’y aking maaliw?
Sapagkat sinlawak ng dagat ang iyong kasiraan; tila wala nang pag-asa.

Ang sinasabi ng inyong mga propeta ay pawang kasinungalingan.
Dinadaya nila kayo sa hindi nila paglalantad ng inyong kasamaan.
Pinapaniwala nila kayo na hindi na ninyo kailangang magsisi sa inyong mga kasalanan.

Ebanghelyo: Mateo 8:5-17

Pagpasok ni Jesus sa Capernaum, lumapit sa kanya ang isang opisyal ng hukbong Romano at nakiusap, “Ginoo, ang katulong ko po ay naparalisado. Siya po’y nakaratay sa bahay at lubhang nahihirapan.”

Sinabi ni Jesus, “Pupuntahan ko siya at pagagalingin.” Ngunit sumagot sa kanya ang opisyal, “Ginoo, hindi po ako karapat-dapat na puntahan pa ninyo sa aking bahay. Sabihin lamang po ninyo at gagaling na ang aking katulong.

Ako’y nasa ilalim ng mga nakakataas na pinuno at may nasasakupan ding mga kawal. Kapag inutusan ko ang isa, ‘Pumunta ka roon!’ siya’y pumupunta; at ang isa naman, ‘Halika!’ siya’y lumalapit. Kapag sinabi ko sa aking alipin, ‘Gawin mo ito!’ ginagawa nga niya iyon.”

Namangha si Jesus nang marinig ito at sinabi niya sa mga taong sumusunod sa kanya, “Tandaan ninyo: hindi pa ako nakakita ng ganito kalaking pananampalataya sa buong Israel. Tandaan ninyo: marami ang darating buhat sa silangan at sa kanluran at dudulog sa hapag na kasalo nina Abraham, Isaac at Jacob sa kaharian ng langit. Ngunit ang mga taong dapat sana’y kasama sa kaharian ay itatapon sa kadiliman; mananangis sila doon at magngangalit ang kanilang mga ngipin.” At sinabi ni Jesus sa opisyal, “Umuwi ka na; mangyayari ang hinihiling mo ayon sa iyong pananampalataya.” Sa oras ding iyon ay gumaling ang katulong ng kapitan.

Pumunta si Jesus sa bahay ni Pedro at nakita niya roon ang biyenan nito na nakaratay at nilalagnat. Hinawakan ni Jesus ang kamay ng babae at ito’y gumaling agad, bumangon at nagsimulang maglingkod sa kanya.

Nang gabing iyon, dinala kay Jesus ang maraming sinasapian ng mga demonyo. Sa isang salita lamang ay pinalayas niya ang masasamang espiritu at pinagaling ang lahat ng may karamdaman.

Sa gayon, natupad ang sinabi ni Propeta Isaias,
“Inalis niya ang ating mga kahinaan,
pinagaling ang ating mga karamdaman.”

Pagninilay:

Sa unang pagbasa, ating natunghayan, ang mga panaghoy ng mga taga-Jerusalem nang ibuhos ng Panginoon ang galit sa kanilang mga tumalikod sa Kanyang dakilang pagmamahal. Dito, ating matututunan na ang tinutukoy na Jerusalem ay hindi lamang ang lugar ngunit ang mismong ating mga kaluluwa sa kasalukuyang panahon. Kung ang ating mga puso at kaluluwa at tumigas na at hindi na tuluyang makarinig ng tinig ng Panginoon, dito natin tuluyang isinasara ang ating sarili sa kanyang grasya at presensiya. Kung atin lamang susundin ang ating sarili tila, tayo na rin ang sarili nating Jerusalem na ang patutunguhan ay pagkawasak ng ating sarili. Sapagkat sa Diyos lamang ang kasaganaan, kabutihan, kapayapaan at lakas na hindi nauubos para sa atin na nagmamahal sa kanya.

Kababaang loob ang ating kailangan upang ito ay ating matanggap na wala tayong kakayanan sa ating sarili lamang kung wala ang Panginoon ay tayo ay gaya ng sinabi ng manunulat sa unang pagbasa “tila wala nang pag-asa”.
Ngunit sa mga ganitong pagkakataon na tila madilim at walang pag-asa, lalo na sa mga panahon ng matinding sakit at suliranin, gaya ng ating natunghayan sa ebanghelyo ay mayroon pa rin lunas. Ito nga ay ang presensiya ng Panginoon na ating natunghayan sa ebanghelyo. Pinagaling Niya ang mga may-sakit na nangangailangan sa Kanya sa isang salita lamang, sa isang dampi lamang ng kamay at sa paghawak sa kanila nang may buong pagmamahal. Araw-araw sa ating buhay, ay “pagdampi” ng kamay ng Diyos na nagaganap sa atin. Kaya nga lamang madalas tayong punong abala sa mga bagay sa ating sariling mundo at madaling makalimot sa presensiya ng ating Panginoon.

Maaring manahimik sumandali, magbalik sa tanaw sa mga nangyari sa iyong buhay sa nakaraang linggo at saka tanungin ang sarili, nasaan nga ba ang Diyos sa aking buhay? Saan ko ba siya naramdaman sa mga kaganapan sa aking buhay ng mga nakaraan?

Matapos nito ay pasalamatan natin siya, at humingi ng tawad sa hindi pagpansin sa kanyang dakilang pag-ibig, paggabay at tulong na laging handang pumaloob sa ating buhay at puso kung ating gugustuhin.

Amen. +

Pagpalain nawa tayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen +

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!

Copyright Reflections Written By: Admin. FMM Francesca Maria Margarita

Defend The Catholic Faith
Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.