Daily Gospel on DCF

WORD OF GOD SUNDAY on DCF: “Ang Diyos sa Buhay Pamilya”


WORD OF GOD SUNDAY on DCF: “Ang Diyos sa Buhay Pamilya”

Oktubre 7, 2018. Ika-27 Linggo ng Karaniwang Panahon.

Salmo 128: Tayo nawa ay basbasan ng Poon magpakailanman.

Unang Pagbasa: Genesis 2:18-24

Matapos gawin ang lahat ng ito, sinabi ng Panginoong Yahweh, “Hindi mabuti na mag-isa ang tao; bibigyan ko siya ng isang angkop na makakasama at makakatulong.”

Kaya, mula sa lupa ay lumikha ang Panginoong Yahweh ng mga hayop sa parang at mga ibon sa himpapawid, dinala niya ang mga ito sa tao upang ipaubaya rito ang pagbibigay ng pangalan sa mga iyon. Kung ano ang kanyang itinawag, iyon ang naging pangalan ng mga ito.

Ang tao nga ang nagbigay ng pangalan sa lahat ng ibon sa himpapawid at hayop sa parang. Ngunit wala isa man sa mga ito ang nababagay na makasama at makatulong niya.

Kaya’t pinatulog ng Panginoong Yahweh ang tao. Samantalang nahihimbing, kinuha niya ang isang tadyang nito at pinaghilom ang laman sa tapat niyon. Ang tadyang na iyo’y ginawa niyang isang babae, at dinala niya ito sa lalaki.

Sinabi ng lalaki, “Sa wakas, narito ang isang tulad ko, laman ng aking laman, buto ng aking buto; babae ang itatawag sa kanya, sapagkat sa lalaki siya’y kinuha.”

Ito ang dahilan kaya iniiwan ng lalaki ang kanyang ama’t ina, nagsasama sila ng kanyang asawa, at sila’y nagiging isa. Kapwa hubad noon ang lalaki at ang babae, ngunit hindi sila nahihiya.

Ikalawang Pagbasa: Hebreo 2:9-11

Subalit alam nating si Jesus, kahit na sa kaunting panaho’y ginawang mas mababa kaysa mga anghel, ay binigyan ng karangalan at kaluwalhatian dahil sa kanyang kamatayan. Dahil sa kagandahang-loob ng Diyos sa atin, niloob niyang si Jesus ay mamatay para sa ating lahat.

Sa pamamagitan ng mga pagtitiis, siya’y ginawang ganap ng Diyos at nang sa gayon ay makapagdala siya ng maraming tao patungo sa kaluwalhatian. Ito’y dapat lamang gawin ng Diyos na lumikha at nangangalaga sa lahat ng bagay, sapagkat si Jesus ang tagapanguna ng kanilang kaligtasan.

Si Jesus ang nagpapabanal sa mga tao. Ang kanyang Ama at ang Ama ng mga taong ito ay iisa, kaya’t hindi niya ikinahihiyang tawagin silang mga kapatid.

Ebanghelyo: Marcos 10:2-16

May ilang Pariseong gustong subukin si Jesus; kaya’t lumapit sila at nagtanong, “Naaayon po ba sa Kautusan na palayasin at hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa?”

Sumagot siya, “Ano ba ang utos ni Moises sa inyo?”

Sumagot naman sila, “Ipinahintulot po ni Moises na ang lalaki ay gumawa ng kasulatan ng paghihiwalay bago niya palayasin at hiwalayan ang kanyang asawa.”

Ngunit sinabi ni Jesus, “Ginawa ni Moises ang utos na iyon dahil sa katigasan ng inyong ulo. Subalit simula pa nang likhain ng Diyos ang sanlibutan, nilalang na niya ang tao na lalaki at babae. ‘Dahil dito’y iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina, magsasama sila ng kanyang asawa at ang dalawa’y magiging isa.’ Hindi na sila dalawa kundi isa. Ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinuman.”

Pagdating sa bahay, ang mga alagad naman ang nagtanong kay Jesus tungkol sa bagay na ito. Sinabi niya sa kanila, “Kapag pinalayas at hiniwalayan ng isang lalaki ang kanyang asawa at mag-asawa ng iba, siya ay nagkakasala ng pangangalunya sa kanyang asawa.

Gayon din naman, ang babaing magpalayas at humiwalay sa kanyang asawa, at mag-asawa ng iba ay nagkakasala rin ng pangangalunya.”

May mga taong nagdala ng mga bata kay Jesus upang hilinging ipatong niya sa mga ito ang kanyang kamay, ngunit pinagalitan sila ng mga alagad. 14Nagalit si Jesus nang makita ito at sinabi sa kanila, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata, at huwag ninyo silang pagbawalan, sapagkat ang mga katulad nila ang mapapabilang sa kaharian ng Diyos. 15Tandaan ninyo: ang sinumang hindi kumikilala sa paghahari ng Diyos, tulad sa pagkilala ng isang maliit na bata, ay hinding-hindi paghaharian ng Diyos.” 16Kinalong ni Jesus ang mga bata, ipinatong ang kanyang mga kamay sa kanila at binasbasan sila.

Pagninilay:

Simula noong una, napakaganda ng disenyo ng Panginoon sa sangkatauhan. Ang lalaki at babae ay napagiisa ng tunay na pag-ibig. Ngunit ano nga ba ang ibig sabihin ng pagiging isa? Sa panahon ngayon, pakaunti na nang pakaunti ang mga taong halos hindi na naniniwala sa “walang hanggan” o sa tinatawag nilang “poreber”. Pangarap na lamang ba ito ng ilan? O katotohanan pa rin sa ating Diyos na Buhay?

Madalas kasi sa panahon ngayon na nagsisimula pa lamang magligawan ay madaling makuha ang relasyon, madali ring isuko. Kapag pagod na, hiwalayan na. Ayaw nang magtiyaga, ayaw nang magsakripisyo. Ayaw nang magpatawad. Hindi na rin kinikilala ng mabuti bagkus ay nagpapadala sa emosyon at sa ibang rasong hindi sapat upang suriin ang dapat sa isang taong makakasama mo habang buhay.

Lahat ito’y hindi gawa ng Diyos kung hindi tao. Ngunit ang tao dahil sa katigasan ng puso ay hindi na nakakasunod sa Diyos, ngunit sa bugso na lamang ng sariling damdamin. Ilang mag-asawa ba ang naghihiwalay dahil sa galit? Pagiging iresponsable o pangangalunya? Kaya’t nakakalungkot kung paanong, nakakalimutan na ng ating pamayanan ang kahalagahan ng pamilya – isang buo at maayos na pamilyang nagsisimula sa magandang samahan ng mag-asawa.

Kung alam lang ng ilan ang gantimpala ng kung sino mang nananatili sa isa’t isa hanggang huli, eh di sana magtitiis, magpapatawad, at gagawin nilang lahat upang manatili sa isa’t isa. Kung may mali, dapat ay buong pusong humingi ng tawad. Hindi tatakasan ang problema, bagkus haharapin ito nang buong lakas. Dahil kasama ang Diyos.

Sapagkat ang tunay na pag-ibig ay mapagpursigi. Tingnan natin ang Diyos na nagmamahal sa atin. Siya ang dapat nating ilaw at tanglaw sa lahat ng ating taong minamahal, siya dapat ang nasa sentro ng ating pagmamahalan. Tao man ay nagkakasala, nagkakamali at may kahinaan, Diyos ang magpupuno nitong lahat at makakayanan ang anumang pagsubok.

Sino ba naman ang taong gustong mag-isa? Sino ang taong gustong malungkot? Wala naman pumili nito. Simula noong una, dalawa ang taong nilikha ng Diyos. Babae at lalaki. Magkapareho. Magkatuwang. Iisa at hindi magkaiba. May iisang layunin, pakay, pag-ibig, puso at katawan. Ngunit ating kailangang ibalik ang Diyos sa sentro ng relasyon. Hindi ang pera. Hindi ang bisyo. Hindi ang ibang tao o ibang bagay. Diyos muna bago ang lahat, matapos ay ang pagiging mapagbigay sa isa’t isa. Ganito nga ang disenyo ng Diyos. Nagkakaroon ng hidwaan sa sandaling, nalabuan na sa papel na gampanan ng isa’t isa. Kapag ka ayaw nang pagsikapan ang relasyon at wala na ring paglilingkod o pagpaparaya. Nakakalungkot dahil makatakas man tayo ng panandalian sa mga kinakaharap sa pamilya, ay hindi natin maittanggi ang ating responsibilidad sa kanila sa harap ng Diyos. Dahil ang pamilya ay walang hanggan. Walang nakakapalit sa iyong sariling ama, ina, kapatid dahil iisa lang sila at namumukod tangi. Sana’y huwag nating sayangin ang regalo ng Diyos anumang pagsubok ang ating kaharapin.

Kung may paghihirap, ay ilapit natin sa Diyos at huwag tayong sumukong magdasal. Baguhin ang mga buhay o anumang mali sa atin. Tiyak ang paghihilom ng mga sugat ay mangyayari. Walang imposible sa Diyos.

Ang pagsubok ay bahagi ng buhay lalo na ng buhay mag-asawa. Ngunit bilang iisang laman, ang mga ito’y dapat nilang pagdaanan ng magkasama. Ang tunay na ligaya ay sa pagiging magkasama nakukuha. Kahit ano pang harapin basta magkasama ay sasaya pa rin ang buhay. Pagnilayan natin ito.

Kung talagang may tiwala tayo sa Diyos, maniniwala tayong lahat na kung malalagpasan natin ang bawat suliranin, magiging matibay lamang ang relasyon ng ating pamilya at ng mga mag-asawa. Ilagay natin ang Diyos sa ating gitna at siya ang magagabay sa atin. Hindi man mabubura ang mga luha at mga problema sa buhay ngunit magiging magaan ito dahil Diyos ang kasama at magliligtas sa atin sa lahat ng bagay. Gaano man kahirap ang pagsubok, lilipas din ang mga ito at magtatapos. Ngunit ang pag-ibig ay walang hanggan.

Amen. +

Panalangin: Panginoon, basbasan mo ang aking pamilya. Inaalay namin sa iyo ang aming buhay, pagmamahal at paglilingkod sa iyo at sa aming kapwa. Turuan mo kaming magsakripisyo alang-alang sa pag-ibig katulad mo. Nang kami’y maging kalugud-lugod sa iyo.

Tanglawan mo ng liwanag ng iyong ilaw ang aming puso, isip at buhay lalo na sa mga panahong kami’y naguguluhan. Ikaw ang aming sandigan at naniniwala kaming hindi mo kami pababayaan. Maria, Reyna ng mga Pamilya, ipanalangin mo kami. Amen. +

Pagpalain nawa tayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen +

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!

Copyright Reflections Written By: Admin. FMM Francesca Maria Margarita

Defend the Catholic Faith
Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.