
Hunyo 8, 2022. Miyerkules ng Ika-10 Linggo sa Karaniwang Panahon.
Subscribe to Awit at Papuri Communications Channel.
Wednesday of the Tenth Week in Ordinary Time (Green).
UNANG PAGBASA
1 Hari 18, 20-39
Pagbasa mula sa unang aklat ng mga Hari
Noong mga araw na iyon, tinipon ni Acab sa Bundok ng Carmelo ang buong bayang Israel at ang kanyang mga propeta. Lumapit si Elias at sinabi sa bayan: “Hanggang kailan pa kayo mag-aalinlangan? Kung ang Panginoon ang tunay na Diyos, siya ang sundin ninyo; at kung si Baal naman, kay Baal kayo maglingkod.” Hindi umimik ang bayan. Muling nagsalita si Elias: “Ako na lamang ang natitira sa mga propeta ng Panginoon.
Samantala, may apatnaraa’t limampu ang mga propeta ni Baal. Bigyan ninyo kami ng dalawang toro. Pumili sila ng isa, katayin at ipatong sa ibabaw ng kahoy na sinalansan, ngunit hindi sisindihan. Ihahanda ko rin ang ikalawa sa ibabaw ng kahoy na sinalansan at hindi ko rin sisindihan. Tawagin ninyo ang inyong diyos at tatawagin ko naman ang Panginoon. Ang tumugon sa pamamagitan ng apoy, iyon ang tunay na Diyos.”
At sumagot ang bayan: “Sang-ayon kami!”
Sa gayun, sinabi ni Elias sa mga propeta ni Baal: “Sapagkat kayo ang marami, pumili na kayo ng isang toro at ihanda na ninyo. Pagkatapos, tawagin ninyo ang inyong diyos, ngunit huwag kayong magpaparikit ng apoy.”
Kinuha nga nila ang isa sa mga toro at inihandog. Mula sa umaga hanggang tanghali, tinawagan nila si Baal. “Baal, Baal, pakinggan mo kami,” sigaw nila, samantalang pasayaw-sayaw sa paligid ng dambana. Ngunit walang sumasagot.
Nang katanghalian na’y nilibak na sila ni Elias. Wika niya, “Lakasan pa ninyo! Alam naman ninyo ang inyong diyos! Baka may ginagawa, o may pinuntahan! O baka naman natutulog.
Kaya’t kailangang gisingin!” Lalo nga nilang inilakas ang kanilang sigaw. Sinugatan ang sarili sa pamamagitan ng sibat at tabak – tulad ng kanilang kinaugalian – hanggang sa sila’y maligo sa dugo. Lumampas ang tanghali at oras na ng paghahandog ng hain ngunit wala pa ring tugon kahit ano.
Nagsalita noon si Elias sa buong bayan: “Lumapit-lapit kayo,” wika niya. At nagsilapit ang lahat. Inayos niya ang dambana roon ng Panginoon na matagal nang gumuho. Pumili siya ng labindalawang bato katumbas ng bilang ng mga lipi ni Jacob na binigyan ng Panginoon ng pangalang Israel. Ang mga bato’y ginawa niyang dambana para sa Panginoon. Pinaligiran niya iyon ng isang kanal na may lamang dalawang baldeng tubig. Isinalansan niya ang kahoy, kinatay ang toro at ipinatong sa kahoy.
Pagkatapos, nag-utos siya: “Kumuha kayo ng apat na bangang tubig at ibuhos sa handog at sa kahoy.” Gayun nga ang ginawa nila. “Busan pa ninyo,” sabi ni Elias. At binusan nila. “Minsan pa,” utos uli ni Elias. Makaitlo nga nilang binusan ang handog hanggang sa umagos ang tubig sa paligid ng dambana at umapaw sa kanal.
Nang ikatlo na ng hapon na siyang oras ng paghahandog, tumayo si Elias sa harap ng dambana at nanalangin: “Panginoon, Diyos nina Abraham, Isaac at Jacob, patunayan po ninyo ngayon na talagang kayo ang Diyos ng Israel, at ako ay inyong lingkod, at ginawa ko ang lahat na ito pagkat ito ang inyong utos. Dinggin ninyo ako, Panginoon, upang matalastas ng bayang ito na kayo lamang ang Diyos at sila’y inyong pinapagbabalik-loob.”
Noon di’y nagpababa ng apoy ang Panginoon at tinupok ang handog, ang kahoy at ang mga bato at lupa sa paligid. Pati ang tubig sa kanal ay natuyo. Pagkakita sa nangyari, nagpatirapa ang buong bayan at sumigaw: “Ang Panginoon ang Diyos! Ang Panginoon lamang ang Diyos!”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 15, 1-2a. 4. 5 at 8. 11
D’yos ko, ang aking dalangi’y
ako’y iyong tangkilikin.
MABUTING BALITA
Mateo 5, 17-19
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Huwag ninyong akalaing naparito ako upang pawalang-bisa ang Kautusan at ang aral ng mga propeta. Naparito ako, hindi upang pawalang-bisa kundi para ipaliwanag at ganapin ang mga iyon. Tandaan ninyo ito: magwawakas ang langit at ang lupa, ngunit ang kaliit-liitang bahagi ng Kautusan ay di mawawalan ng bisa hangga’t hindi nagaganap ang lahat.
Kaya’t sinumang magpawalang-halaga kahit sa kaliit-liitang bahagi nito, at magturo nang gayun sa mga tao, ay ibibilang na pinakamababa sa kaharian ng Diyos. Ngunit ang gumaganap ng Kautusan at nagtuturo na tuparin iyon ay ibibilang na dakila sa kaharian ng Diyos.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Isang mapagpalang Miyerkules po sa ating lahat! Kung nabasa natin ang Unang Pagbasa ngayong araw na ito, kahanga-hanga ang nangyari sapagkat kinalaban ni Elias ang daan-daang propeta ni Baal. Si Baal ay isang diyus-diyosan na pinili ng mga taong sambahin kaysa sa Tunay na Diyos. Si Elias lamang ang nag-iisang tumindig para sa tama habang ang lahat ay mali, maging ang hari ng panahon na iyon. Subalit sino ang nanalo?
Si Elias pa rin ang nagwagi sapagkat kahit ang tao ay mag-isa, basta’t Siya’y nasa tama, Siya ang mananalo sapagkat ang Diyos ay pumapanig sa taong nasa tuwid. Subalit kahit napakarami pa nila kahit lahat pa, kung ang pinaglalaban naman ay masama, sa huli ay hindi naman sila ang totoong mananalo at mananaig. Mayroon tayong Diyos at Siya’y iisa. Isang Tunay na Diyos ang mayroon tayo at Siya ang may lalang ng lahat ng magaganda at mabuti sa mundo. Ang buhay dito ay pagsubok lamang kung ano ang ating pipiliin.
Kaya nga tayo’y ganito rin sa pagtatanggol ng tama, minsan ang kalaban natin ay napakarami at tila tayo nag-iisa. Subalit kung tunay at buo ang pananalig natin ay mananatili pa rin tayong matatag sa gitna ng mga ganitong pagsubok. Ang kulang sa ating Simbahan ay ang pagtuturo sapagkat kahit ang taong gustong magturo ay maraming kailangang pagdaanaan.
Ang takot ang ating magiging kalaban sapagkat kung mahal natin masyado ang sarili, ang ating reputasyon, ang pangalan at ang lahat ng mayroon tayo, mahihirapan tayong ipagtanggol ang tama. Sapagkat ang pagdepensa sa katotohanan ay laging may kaakibat na sakripisyo. Hindi lahat ay matutuwa sa sinasabi ng isang taong nagsasabi ng totoo. Pero hindi ibig sabihin na siya’y mali, ibig sabihin ang mga tao ang ayaw sa totoo.
Sapagkat madalas ang gusto nating marinig ay yung mga magaganda lamang kahit mali na pala tayo. Ayaw nating marinig ang hindi maganda ukol sa ating sarili kahit pa ito’y makakabuti para sa atin kung malaman natin dahil ibig sabihin nito’y may pagkakataon pa tayong magbago.
Ang pagsisilbi sa Diyos ay sakripisyo. Kaya tayo nananalangin ay hindi dapat para tanggalin o mawala ang problema kung hindi upang magkaroon ng lakas na pagdaanan ang lahat ng mga ito. Dito tayo magiging mas matatag. Sa paghihirap at sakripisyo natin matutupad ang misyong itinakda sa atin ng Diyos. Higit sa lahat, ang mundo rito ay hindi para tayo magpakasaya lamang. Mayroon tayong langit na dapat abangan – doon ay puro tuwa at saya.
Subalit mararating lamang natin ito kung magiging handa tayong magmahal at maglingkod sa Diyos ayon sa Kanyang utos. Kailangan nating pagtrabahuhan ito sa ating pagtugon sa Diyos at sa Kanyang mga hinihiling na gawin natin. Ito ang Krus ng ating buhay at ang Krus naman ang ating daan sa buhay na walang hanggan tulad ni Hesus na ating Panginoon. Amen. +
Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +
Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications http://www.awitatpapuri.com

