Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Pangako sa Diyos”

Hunyo 11, 2022. Paggunita kay San Bernabe, apostol.

Subscribe to Awit at Papuri Communications Channel.

Memorial of Saint Barnabas, Apostle (Red)

UNANG PAGBASA
Mga Gawa 11, 21b-26; 13, 1-3
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol

Noong mga araw na iyon, maraming naniwala at nanalig sa Panginoon.
Nabalitaan ito ng simbahan sa Jerusalem, kaya’t sinugo nila sa Antioquia si Bernabe. Nang dumating siya roon at makita ang pagpapala ng Diyos sa kanila, siya’y nagalak at pinagpayuhan silang lahat na manatiling tapat sa Panginoon. Mabuting tao si Bernabe, puspos ng Espiritu Santo at matibay ang pananampalataya, kaya marami siyang nadala sa Panginoon.
Nagpunta si Bernabe sa Tarso upang hanapin si Saulo, at nang kanyang matagpuan ay isinama sa Antioquia. Isang taong singkad silang nanatili roong kasa-kasama ng simbahan, at nagturo sa maraming tao. At doon sa Antioquia unang tinawag na Kristiyano ang mga alagad.

May mga propeta at mga guro sa simbahan sa Antioquia. Kabilang dito sina Bernabe, Simeon na tinaguriang Negro, Lucio na taga-Cirene, Saulo at Manaen, kababata ng tetrarkang si Herodes. Samantalang sila’y nag-aayuno at sumasamba sa Panginoon, sinabi sa kanila ng Espiritu Santo, “Ibukod ninyo sina Bernabe at Saulo. Sila’y hinirang ko para sa tanging gawaing inilaan ko sa kanila.” Pagkatapos nilang mag-ayuno at manalangin, ipinatong nila sa dalawa ang kanilang mga kamay at sila’y pinayaon.
Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 97, 1. 2-3ab, 3kd-4, 5-6
Panginoong nagliligtas
sa tanang bansa’y nahayag.

MABUTING BALITA
Mateo 5, 33-37
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Narinig pa ninyo na noong una’y iniutos sa mga tao, ‘Huwag kang sisira sa iyong pinanumpaang pangako bagkus ay tupdin mo ang iyong sinumpaan sa Panginoon.’ Ngunit ngayo’y sinasabi ko sa inyo: huwag na kayong sumumpa kung nangangako kayo.

Huwag ninyong sabihing, ‘Saksi ko ang langit,’ sapagkat ito’y trono ng Diyos; o kaya’y ‘Saksi ko ang lupa,’ sapagkat ito’y tuntungan ng kanyang mga paa. Huwag din ninyong sabihing, ‘Saksi ko ang Jerusalem,’ sapagkat ito’y lungsod ng dakilang Hari. Ni huwag mong sabihing, ‘Mamatay man ako,’ sapagkat ni isang buhok sa iyong ulo’y hindi mo mapapuputi o mapaiitim. Sabihin mo na lang na ‘Oo’ kung oo at ‘Hindi’ kung hindi; sapagkat buhat na sa masama ang anumang sumpang idaragdag dito.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Maligayang Kapistahan po ni San Bernabe! Ang Panginoon ay nangangaral tungkol sa pag-oo, pag-hindi, o sa kahit anong panunumpa. Ang salita ay mahalaga sapagkat dahil sa pagsasalita maari tayong makabuhay ng damdamin o makapatay ng pag-asa nila. Maaring kapag nagbitaw tayo ng salita ay panghahawakan ito ng tao at maaring hindi rin nila ito makalilimutan. Kung hindi natin ito magagawa ay baka maging katawa-tawa tayo o isang taong hindi mapagkakatiwalaan sa kanilang paningin.

Paano naman ang isang taong sa Diyos nangangako o nanunumpa at hindi nagagawa ang anumang kanilang sinumpaan? Kaya nga mayroon tayong sakramento ng kumpisal, dapat tayong lumapit para humingi ng tawad at sikaping magbago. Hindi naman masama ang pangako sa Diyos sapagkat ang tinatawag nating “vows” ng mga pari at relihiyoso ay isang anyo ng pangako sa Panginoon. Subalit marahil ang ibig sabihin ni Hesus ay huwag natin itong palagiang gagawin at isasama sa ating pananalita sa tao para lamang masabing tayo ay kapanipaniwala.

Hindi dapat natin ginagawang magagaan o maliliit na mga bagay ang ganito lalo na kung ang kasama ay ang Kabanal-banalang Ngalan ng Panginoon. Dapat nating makita na maging ang Kanyang Ngalan ay sagrado. Kaya nga kahit ang paggamit ng “sus” o “ay sus” ay isang paglapastangan sa Pangalan ni Hesus. Sapagkat sagrado ng Pangalan ng Panginoon, hindi ito dapat gamitin sa anumang bagay lalo kung hindi talaga natin intensyon na tawagin Siya na ating Diyos. Ang mga salita na ito ay galing sa Pangalan ni Hesus.

Ang “susmaryosep” ay isa ring anyo ng pangalan nina Hesus, Maria at Jose, lalo kung hindi talaga natin sila gustong tawagin at hindi talaga ito sa panalangin kung hindi isang “expression” lamang kung tayo’y nadidismaya, naiinis o anupaman. Marahil simula noong una pa, baka ang mga matatandang gumagamit nito ay baka may mabuting intensyon na pati ang “O Diyos Ko” o “My God” ay totoong pagtawag nila sa Diyos, subalit panahon na ang lumipas at marami nang aral pananampalataya na dapat pinasa sa mga susunod na henerasyon subalit walang gumawa on nagturo at tila nalimutan na.

Kaya ang mga ito’y naging “expression” na lamang at sa tuwing ito’y ginagamit natin nang walang sagradong dahilan at hindi sa anyo ng panalangin, ay nagkakasala tayo. Mas mabigat ang pagkakasala ng taong alam na nila na ito’y mali at ginagawa pa rin. Subalit kung naging tila nakasanayan na ito, at nagkakamali lang paminsan-minsan, ang mahalaga ay gusto nating tanggalin at dapat nga itong matanggal nang tuluyan.

Kung ganito’y magkumpisal tayo at subukan nating gawin ang tama muli.
Kaya nga sa pangako man, “Swear to God” – sa mga ganyang pagsasabi, hindi dapat minamaliit na para bang tao lamang ang isinasama natin. Lalo kung hindi mahalaga ang sinasabi. Ang vows ng mga pari at relihiyoso ay sagrado rin sapagkat ito’y desisyon na pang habang buhay.

Huwag natin basta basta gamitin ang Panginoon. Siya’y ating Diyos at Ama. Siya’y Banal. Igalang natin Siya sa lahat ng paraan. Subalit kung tayo naman ay nagkakamali, humingi tayo ng tawad, magkumpisal at sikaping magbago sapagkat gaya ng kahit sinong mabuting ama, tatanggapin Niya tayong muli at bibigyan pa ng lakas upang mabago ang mga dapat baguhin natin sa sarili. Amen. +

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +

Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications http://www.awitatpapuri.com

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?