
Hulyo 7, 2022. Huwebes ng Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon.
Subscribe to Awit at Papuri Communications Channel.
Thursday of the Fourteenth Week in Ordinary Time (Green).
UNANG PAGBASA
Oseas 11, 1-4. 8k-9
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Oseas
Ito ang sinasabi ng Panginoon
“Nang bata pa ang Israel, siya’y aking minahal na parang tunay na anak, at inilabas ko siya sa Egipto.
Ngunit habang siya’y tinatawag ko, lalo naman siyang lumalayo.
Lagi na lamang siyang naghahandog sa mga diyus-diyusan.
At nagsusunog ng kamanyang sa kanilang mga diyus-diyusan
Ako ang nagturo kay Efraim na lumakad, kinalong ko siya;
subalit hindi nila alam na ako ang nangangalaga sa kanila.
Pinatnubayan ko sila nang buong pagmamalasakit at pagmamahal;
ang katulad ko’y isang nag-aalis ng busal sa kanilang bibig,
at yumuko ako upang sila’y mapakain.
Nagtatalo ang loob ko at nanaig sa aking puso ang malasakit at awa.
Hindi ko ipadarama ang bigat ng aking poot.
Hindi ko na muling sisirain ang Efraim;
sapagkat ako’y Diyos at hindi tao, ang Banal na nasa kalagitnaan ninyo,
at hindi ako naparito upang magwasak.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 79, 2ak at 3b. 15-16
Poon kami’y ‘yong iligtas
at tanglawan ng ‘yong sinag.
MABUTING BALITA
Mateo 10, 7-15
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga apostol, “Humayo kayo at ipangaral ninyo na malapit nang maghari ang Diyos. Pagalingin ninyo ang mga maysakit at buhayin ang mga patay. Pagalingin ninyo ang mga ketongin at palayasin ang mga demonyo. Yamang tumanggap kayo nang walang bayad, magbigay naman kayo nang walang bayad. Huwag kayong magdala ng salapi maging ginto, pilak, o tanso – sa inyong mga lukbutan.
Huwag din kayong magdala ng supot sa inyong paglalakbay, ni bihisan, pampalit na panyapak, o tungkod; sapagkat ang manggagawa ay may karapatang sa kanyang ikabubuhay.
“At saanmang bayan o nayon kayo dumating, humanap kayo ng taong karapat-dapat pakituluyan, at manatili kayo roon habang kayo’y nasa lugar na iyon. Pagpasok ninyo sa bahay, sabihin ninyo, ‘Maghari nawa ang kapayapaan sa bahay na ito!’ Kung karapat-dapat ang mga tao sa bahay na iyon, panatilihin ninyo sa kanila ang inyong bati.
Ngunit kung hindi, bawiin ninyo ito. At kung ayaw kayong tanggapin o pakinggan sa isang tahanan o bayan, umalis kayo roon at ipagpag ang alikabok ng inyong mga paa. Sinasabi ko sa inyo na sa Araw ng Paghuhukom ay higit na mabigat ang ipaparusa sa mga tao sa bayang yaon kaysa dinanas ng mga taga-Sodoma at taga-Gomorra.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Isang mapagpalang Huwebes po sa ating lahat! Ang ating Ebanghelyo po ngayong araw ay ang Ebanghelyo rin po noong Linggo. Ano kaya ang ibig sabihin ng Panginoon dito? Lahat tayo ay mga taga-sunod ni Hesus. Ito ang ibig sabihin ng pagiging “Kristiyano”. Kung si Hesus ay nagpahayag ng Mabuting Balita, dapat din natin itong gawin – sa salita at sa gawa. Dapat ito’y nakikita sa ating mga kinikilos, pakikitungo sa ibang tao at nagmumula sa puso at isip. Hindi ito maaring pakitang tao lamang.
Ang mga alagad ni Hesus ay dumanas ng matinding hirap para maisakatuparan ang utos ng Diyos na pagpapahayag ng Mabuting Balita. Hindi ito para sa kanilang sarili, para sila’y matuwa o para sa kanilang sariling ambisyon. Hindi sila maaring magdala ng pera, walang gamit, iiwanan ang pamilya at marami pang iba. Subalit ang kapalit ay ang luwalhati sa langit dahil pinagpalit nila itong lahat para sa kapakanan ng Simbahang Katoliko na ating nakikita ngayon.
Ang ating pag-aalay ay mayroon ding saysay. Hindi ito balewala. Anumang bagay ang ating ibigay at iwanan sa Diyos ay mayroong kapalit na higit pa. Kailangan lamang natin na tingnan ang buhay dito sa lupa bilang isang maiksing paglalakbay. Makita nawa natin ang paghahandang kailangan para tayo’y makarating sa langit ang ating tunay na tahanan. Ito’y sa pamamagitan ng pagsasakripisyo at palilingkod sa Diyos. Sa paanong paraan ka kaya tinatawag ng Diyos na maglingkod ngayon?
Paano ka makakatugon sa tawag na ito? Lahat ng ito ay sabihin mo sa Diyos. Amen. +
Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +
Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications http://www.awitatpapuri.com

