
Hulyo 11, 2022. Paggunita kay San Benito, abad.
Subscribe to Awit at Papuri Communications Channel.
Memorial of St. Benedict, Abbot (White)
Mga Pagbasa mula sa
Lunes ng Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon.
UNANG PAGBASA
Isaias 1, 10-17
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Mga pinuno ng Sodoma,
pakinggan ninyo ang sinasabi ng Panginoon;
mga namamayan sa Gomorra,
pakinggan ninyo ang aral ng ating Diyos.
Ang sabi niya, “Walang halaga sa akin ang dami ng inyong mga handog.
Sawa na ako sa mga tupang sinusunog
at sa taba ng bakang inihahandog;
hindi ako nalulugod sa dugo ng mga toro at mga kambing.
Sino ang may sabi sa inyong magdala niyan sa harap ko?
Sino ang may utos sa inyong magparoo’t parito sa aking templo?
Huwag na kayong maghahandog nang paimbabaw;
nasusuklam ako sa usok niyan,
nababagot na ako sa inyong mga pagtitipon kung Pista ng Bagong Buwan at Araw ng Pamamahinga,
dahil sa pananatili ninyo sa inyong kasalanan.
Labis akong nasusuklam
sa inyong pagdiriwang ng Bagong Buwan
at iba pang kapistahan;
suyang-suya na ako sa mga iyan
at hindi ko na matatagalan.
Kapag kayo’y tumawag sa akin,
ibabaling ko sa malayo ang aking mukha.
Hindi ko kayo papansinin
kahit na kayo’y manalangin nang manalangin.
Hindi ko kayo pakikinggan
sapagkat marami kayong inutang na buhay.
Magpakabuti na kayo, magbalik-loob sa akin;
talikdan na ninyo ang masasamang gawain.
Tumigil na kayo ng paggawa ng masama.
Pag-aralan ninyong gumawa ng mabuti;
pairalin ang katarungan;
itigil ang pang-aapi;
tulungan ang mga ulila;
ipagtanggol ang mga balo.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 49, 8-9. 16bk-17, 21 at 23
Ang masunurin sa Diyos
ay sasagipin n’yang lubos.
MABUTING BALITA
Mateo 10, 34 – 11, 1
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga apostol, “Huwag ninyong isiping naparito ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa; naparito ako upang magdala ng tabak, hindi kapayapaan. Sapagkat naparito ako upang papaglabanin ang anak na lalaki at ang kanyang ama, ang anak na babae at ang kanyang ina, ang manugang na babae at ang kanyang biyenang babae. At ang kaaway ng isang tao’y ang kanya na ring kasambahay.
“Ang umiibig sa ama o sa ina nang higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. At ang umiibig sa anak na lalaki o babae nang higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang hindi nagpapasan ng kanyang krus at sumusunod sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang nag-iingat ng kanyang buhay ay siyang mawawalan nito, at ang nawawalan ng kanyang buhay dahil sa akin ay magkakamit nito.
“Ang tumatanggap sa inyo ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin. Ang tumatanggap sa isang propeta dahil sa siya’y propeta ay tatanggap ng gantimpala ukol sa propeta. At ang tumatanggap sa isang taong matuwid dahil sa siya’y matuwid ay tatanggap ng gantimpalang nauukol sa taong matuwid. At sinumang magbigay ng kahit isang basong tubig na malamig sa isa sa maliliit na ito dahil sa ito’y alagad ko – tinitiyak ko sa inyong tatanggap siya ng gantimpala.”
Matapos tagubilinan ang labindalawang alagad, umalis si Hesus upang magturo at mangaral sa mga bayang malapit doon.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Maligayang Paggunita po kay San Benito! Ang Panginoon ay sinasabi kung ano ang dapat sa isang taga-sunod Niya. Hindi dapat tayo mag-alala, mag-intindi o matakot sa kahit ano. Maraming kakaharaping pagsubok upang Siya’y sundin sa Kanyang mga utos na paggawa ng mabuti, pagtatanggol sa mga mahihirap at pag-depensa sa Simbahan o pagpapahayag ng Mabuting Balita. Hindi lahat ay tumatanggap ng Salita ng Diyos nang matiwasay. Maraming ayaw nito at ito ang mga taong makamundo. Ngunit susuko na lamang ba tayo sa misyon na ito? Ito’y misyon nating lahat bilang mga binyagang Katoliko.
Anumang pagsubok o problema ay maliit at saglit kumpara sa ating matatanggap na gantimpala sa langit. Ang langit ay isang realidad na dapat nating pagnilayan pa upang mapaghandaan na hindi lamang ito ang buhay sa mundo. Kaya nga maiksi ang buhay dito at hindi natin alam kung kailan. Bawat oras ay dapat isang paghahanda para sa ating kamatayan kung saan may paghuhusga kung ano ang nagawa natin sa ating buhay para sa Diyos at sa kapwa. Ito ang tanging pinakamahalaga sa lahat. Hindi naman sinasabing wala na tayo dapat pakialam sa ating mga kaanak, kakilala o kapamilya.
Ibig sabihin nito’y dapat ang tanging tuon ng pansin ay hindi lamang kung ano ang naisin nila nang hindi tayo nagdarasal at nagtatanong sa Diyos kung ano ang Kanyang kalooban at kung paano Siya gustong mapagsilbihan. Walang dapat na makahadlang sa pagsisilbi sa Diyos at sa paggawa ng mabuti – ito’y higit na mahalga kaysa sa anumang kagustuhang pasayahin at sundin kahit pa ang taong malapit sa atin. Kapag nagawa na natin ito, at lagi nating pinipili ang Diyos, Siya ang mag-aayos ng lahat sa ating buhay. Amen. +
Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +
Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications

