![]()
Hulyo 22, 2022. Kapistahan ni Santa Maria Magdalena.
Subscribe to Awit at Papuri Communications Channel.
Feast of Saint Mary Magdalene (White)
UNANG PAGBASA
Awit ni Solomon 3, 1-4a
Pagbasa mula sa Awit ni Solomon
Gabi-gabi, sa higaan ang mahal ko’y hinahanap,
ngunit hindi masumpungan kahit na sa pangarap.
Akong ito’y bumabangon, sa lungsod ay naglalakad,
ang lansangan sa paligid ay aking ginagalugad;
ngunit hindi matagpuan ang sinta kong nililiyag.
Sa akin ngang paglalakad, nakita ko’y mga bantay
nagmamanman, naglilibot sa paligid, sa lansangan.
Sa kanila ang tanong ko, “Mahal ko ba ay nasaan?”
Nang kami ay maghiwalay ng nasabing mga tanod,
Bigla na lang na nakita ang mahal kong iniirog.
Ang Salita ng Diyos.
o kaya:
2 Corinto 5, 14-17
SALMONG TUGUNAN
Salmo 62, 2, 3-4, 5-6, 8-9
Aking kinasasabikan,
Panginoon, ikaw lamang.
MABUTING BALITA
Juan 20, 1-2. 11-18
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Madilim-dilim pa nang araw ng Linggo, naparoon na si Maria Magdalena sa libingan. Naratnan niyang naalis na ang batong panakip sa pinto ng libingan. Dahil dito, patakbo siyang pumunta kay Simon Pedro at sa alagad na mahal ni Hesus, at sinabi sa kanila, “Kinuha sa libingan ang Panginoon at hindi namin alam kung saan dinala!”
Si Maria’y nakatayong umiiyak sa labas ng libingan; yumuko siya at tumingin sa loob. May nakita siyang dalawang anghel na nakaupo sa pinaglagyan ng bangkay ni Hesus, ang isa’y sa gawing ulunan at ang isa nama’y sa paanan. Tinanong nila si Maria, “Ale, bakit kayo umiiyak?” Sumagot siya, “Kinuha po nila ang aking Panginoon, at hindi ko alam kung saan nila dinala.” Lumingon siya pagkasabi nito, at nakita niya si Hesus na nakatayo roon, ngunit hindi niya nakilalang si Hesus iyon. Tinanong siya ni Hesus, “Bakit ka umiiyak? Sino ang hinahanap mo?”
Akala ni Maria’y siya ang tagapag-alaga ng halamanan, kaya’t sinabi niya, “Ginoo, kung kayo po ang kumuha sa kanya, ituro ninyo sa akin kung saan ninyo dinala at kukunin ko.” “Maria!” ani Hesus. Humarap siya at kanyang sinabi, “Raboni!” — ibig sabihi’y “Guro.” “Huwag mo akong hawakan, sapagkat hindi pa ako nakapupunta sa Ama,” wika ni Hesus. “Sa halip, pumunta ka sa aking mga kapatid at sabihin mong aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama, sa aking Diyos at inyong Diyos.” Kaya’t si Maria Magdalena’y pumunta sa mga alagad at sinabi, “Nakita ko ang Panginoon!” At tuloy sinabi sa kanila ang bilin ni Hesus.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Maligayang Kapistahan po ni Santa Maria Magdalena! Ang Panginoon ay nabuhay muli at ayon sa ating Ebanghelyo, si Maria Magdalena ang Kanyang inatasan upang ipahayag sa lahat ng mga alagad na Siya ay muling nabuhay. Dahil dito, si Maria Magdalena ay tinaguriang “Apostol ng mga apostol”. Sino nga ba si Maria Magdalena? Madalas siya ay sinasabing isang bayarang babae subalit walang ebidensiya na ito ay totoo. Ang alam lamang natin ay nakapagpaalis si Hesus ng pitong demonyo mula sa babaeng ito. Nangangahulugang siya nga ay isang makasalanan subalit hindi sinabi doon na siya ay isang bayarang babae. Higit pa rito, mas maganda sigurong tingnan at pagnilayan natin kung anong uri ng tao siya naging matapos niyang makilala si Hesus.
Si Santa Maria Magdalena ay nagpursigi sa buhay pananampalataya. Nagpursigi siya sa paghingi ng tawad sa Diyos at sa pagsisilbi sa Kanya sa abot ng kanyang makakaya. Hindi siya nanatili sa buhay na puno ng sala. Ang awa ng Diyos at ang Kanyang pagpapatawad ang nakapagpabago sa kanya. Noong nakilala Niya si Hesus, nalaman niya na hindi pala siya talunan, at na hindi lang pala yun ang buhay at may mas higit pa. Natutuhan niyang hindi pala totoong wala na siyang pag-asa. Lumakas ang kanyang loob na magbago dahil sa awa at pagpapatawad ni Hesus.
Sumasama siya sa mga pangangaral ni Hesus sa iba’t ibang pook kasama ng mga iba pang mga babaeng banal. Isa siya sa mga babaeng nagbibigay ng mga kailangan ni Hesus at ng mga alagad para sa Kanyang pagpapahayag ng Mabuting Balita. Matapos ang isang buhay na puno ng kasalanan, binuhos naman niya ang kanyang buhay sa paglilingkod sa Diyos. Ito ay paraan rin niya ng patuloy na paghingi ng tawad, at pagpapasalamat para rito. Ito rin ay ang pagpapakita niya ng pagmamahal sa Diyos bilang pagtugon sa pag-ibig ng Diyos sa kanya.
Tayo kaya, ano ang tugon natin sa Diyos? O baka naman sanay lamang tayo na lagi na lamang nakatatanggap mula sa Kanya? Hindi naman ito masama, subalit kung tayo rin ay nagmamahal. Tayo rin ay kikilos para ipadama sa Diyos kung gaano natin Siya kamahal sa pamamagitan ng ating kapwa.
Ang naging tugon ni Santa Maria Magdalena sa pagpapatawad ni Hesus ay higit pa kaysa sa lahat ng kanyang mga nagawang pagkakamali. Kaya naman siya ngayon ay tinaguriang isa sa mga dakila sa Kaharian ng Diyos, isang banal, at apostol ng mga apostol.
Ano pa ang matututunan natin dito? Kung ang isang babaeng makasalanan gaya ni Santa Maria Magdalena ay nagawang magbago, tayo rin at ang mga taong kakilala nating mga makasalanan sa paningin ng madla ay maaring magbago. Ito ay posible sa Diyos bagamat tila imposible sa tao.
Ang kulang lamang ay ang pananalig na ito ay maipangyayari ng Diyos. Ang iba o karamihan sa atin ay kailangan ng panahon at unti-unting pagtatanim ng mabuti. Anuman ang mangyari, ating hangarin na ilapit sila sa Diyos o maging ang ating sarili ay hindi dapat na mawala. Naririyan ang pagkakasala ng tao, subalit naririyan din ang awa ng Diyos na higit pa sa lahat ng maaring gawing kasalanan ng tao. Ang tanging makakabalakid lamang ay kung ayaw nating maniwala at kung ayaw nating makatanggap ng Kanyang awa at habag.
Ang mga banal ay naging banal hindi dahil sila’y perpekto na. Sa halip, sila ang mga taong nagkakasala rin subalit sila’y lubos na naniwala sa awa ng Diyos. Sila ang mga taong matapos malaman ang kalubhaan ng kanilang pagkakasala ay sinikap na magbago at nagtagumpay dito hanggang huli. Ginusto nilang magbago at sila ay naging bagong tao sa pamamagitan ni Hesus. Kung sasabihin natin ang ating mga paghihirap, ang mga balakid at ang mga tuksong nararanasan natin sa Diyos, tayo’y kanyang tutulungan. Hindi tayo mag-iisa. Hindi tayo dapat lagi na sumuko sa mukha ng kasalanan at tukso.
May kapangyarihan tayong lumaban at piliin ang tama kung maniniwala lamang tayo at gugustuhin natin ito. Hindi natatapos ang bawat pagsubok sa problema lamang tulad ng kung paanong si Hesus ay hindi nanatili sa dilim at kamatayan. Siya’y nabuhay muli, simbulo rin ng ating tagumpay sa pamamagitan Niya bilang mga Kristiyano. Siya ang daan natin upang malagpasan ang bawat pagsubok, pagkakamali, kasalanan at kasamaan. Amen. +
Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +
Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications

