Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Munting Pag-aalay”

Agosto 1, 2022. Paggunita kay San Alfonso Maria ng Ligouri,
Obispo at Pantas ng Simbahan.

Subscribe to Awit at Papuri Communications Channel.

Memorial of St. Alphonsus de Ligouri
Bishop and Doctor of the Church (White).

Mga Pagbasa mula sa
Lunes ng Ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon.

UNANG PAGBASA
Jeremias 28, 1-17
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Jeremias

Nang taon ding iyon, nang ikalimang buwan ng ikaapat na taon ng paghahari ni Sedequias sa Juda, si Jeremias ay kinausap ni Ananias, anak ni Propeta Azur ng Gabaon. Sila noo’y nasa patyo ng Templo. Sa harapan ng mga saserdote at ng mga tao, ang sabi ni Ananias: “Ito ang sabi ng Panginoon, ang Diyos ng Israel: Winakasan ko na ang kapangyarihan ng hari sa Babilonia. Sa loob ng dalawang taon ay ibabalik ko sa Templong ito ang lahat ng kagamitan na kinuha ni Haring Nabucodnosor at dinala sa Babilonia. Ibabalik ko rin dito si Jeconias, anak ni Haring Joaquiam ng Juda, at ang lahat ng bihag na taga-Juda na dinala sa Babilonia; aalisin ko na kayo sa ilalim ng kapangyarihan ng Babilonia.”

Sinabi naman ni Propeta Jeremias kay Propeta Ananias nang naririnig ng mga saserdote at lahat ng naroon sa patyo ng Templo, “Amen! Ganyan nga sana ang gawin ng Panginoon! Magkatotoo nawa ang ipinahayag mo. Mapabalik sana rito mula sa Babilonia ang lahat ng kagamitan ng Templo, at ang lahat ng dinala roong bihag! Ngunit pakinggan ninyo ang sasabihin ko sa inyong lahat. Ang mga propetang nauna sa atin ay nagpahayag na magkakaroon ng digmaan, taggutom at salot sa maraming bansa at tanyag na mga kaharian. Kung magkatotoo ang pahayag ng isang propeta na iiral ang kapayapaan, saka lamang natin malalamang ang Panginoon nga ang nagsugo sa kanya.”

Pagkarinig niyon, kinuha ni Propeta Ananias ang pamatok na nasa batok ni Jeremias at binali. Pagkatapos, sinabi niya sa lahat ng naroroon: “Sinasabi ng Panginoon na ganito ang gagawin niya sa mga pamatok na inilagay ni Haring Nabucodnosor sa lahat ng bansa, at ito’y gagawin niya sa loob ng dalawang taon.” At umalis si Propeta Jeremias.
Pagkalipas ng kaunting panahon mula nang baliin ni Propeta Ananias ang pamatok ni Propeta Jeremias, kinausap ng Panginoon si Jeremias: “Pumunta ka kay Ananias at sabihin mo: Nawasak mo nga ang pamatok na kahoy ngunit papalitan ko ng bakal.

Lalagyan ko ng pamatok na bakal ang lahat ng bansang ito upang sila’y maglingkod kay Nabucodnosor, at magkakagayon nga; siya’y paglilingkuran nila, sapagkat ipinailalim ko sa kanya pati ang mga hayop sa parang.” At sinabi pa ni Propeta Jeremias, “Ananias, hindi ka sinugo ng Panginoon, at pinapaniwala mo sa isang kabulaanan ang mga taong ito. Kaya’t ang sabi ng Panginoon: ‘Ikaw ay mawawala sa daigdig na ito. Mamamatay ka sa taon ding ito, sapagkat tinuruan mo ang bayan na maghimagsik laban sa Panginoon!”
At nang ikapitong buwan nga ng taong iyon, si Propeta Ananias ay namatay.
Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 118, 29. 43. 79. 80. 95. 102
Poon, ituro mo sa ‘kin
ang utos mo upang sundin.

MABUTING BALITA
Mateo 14, 13-21
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, nang marinig ni Hesus ang pagkamatay ni Juan Bautista, siya’y sumakay sa isang bangka at nag-iisang pumunta sa isang ilang na lugar. Nang mabalitaan naman iyon ng mga tao, sila’y lumabas ng bayan at lakad na sumunod sa kanya. Paglunsad ni Hesus sa dalampasigan, nakita niya ang napakaraming taong yaon. Nahabag siya sa kanila at pinagaling niya ang mga maysakit na dala nila.

Nang dapit-hapon na’y lumapit sa kanya ang mga alagad. Sinabi nila, “Ilang ang pook na ito at malapit nang lumubog ang araw. Papuntahin na po ninyo sa mga nayon ang mga tao upang makabili ng kanilang makakain.” “Hindi na sila kailangang umalis pa,” sabi ni Hesus. “Kayo ang magbibigay sa kanila ng makakain.” Sumagot sila, “Lilima po ang tinapay at dadalawa ang isda natin.” “Dalhin ninyo rito,” sabi niya. Pinaupo niya sa damuhan ang mga tao, kinuha ang limpang tinapay at dalawang isda; tumingala siya sa langit at nagpasalamat sa Diyos.

Pinagpira-piraso niya ang mga tinapay at iniutos sa mga alagad na ipamigay iyon sa mga tao. Kumain silang lahat at nabusog. Tinipon ng mga alagad ang lumabis, at sila’y nakapuno ng labindalawang bakol ng pira-pirasong tinapay. May limang libong lalaki ang kumain, bukod pa sa mga babae at mga bata.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Maligayang paggunita po kay San Alfonso ng Liguori! Ang kanyang buhay po ay magbabasa sa may bandang ibaba ng post na ito. Ang Panginoon ay nagpakain ng maraming tao subalit paano Niya ito ginawa? Hindi Siya bumili ng maraming tinapay gaya ng naisip ng alagad. Kinuha Niya ang kakaunting tinapay at isda galing sa isang bata, binasbasan ang mga ito at dumami. Isa itong himala at walang paliwanag dito sa natural na batas. Walang iba kung hindi dahil sa kapangyarihan ng Diyos kaya ito ay nangyari. Kaya naman tayo rin ay dapat na hindi na mag-isip pa o mag-alala tungkol sa ating kailangan sa buhay. Ang Diyos ang nagbibigay ng lahat ng bagay. Walang magandang dulot ang pag-aalala, bagkus ay nakakatanda pa ito. Ang dapat nating gawin ay ibigay sa Diyos ang mga alalahanin na ito. Hayaan natin Siya ang kumilos sa atin at sa ating buhay.

Makuntento tayo sa paggawa ng kung ano lamang ang kaya natin. Ibigay natin ang kaya natin, patuloy na gumawa ng mabuti at kapag sinabi ng Diyos ang dapat nating gawin, sundin natin ito. Maraming bagay ang wala sa ating kontrol at ito ang mga bagay na ipinagpapasa-Diyos dahil totoong Siya ang bahala kung pipiliin nating magtiwala nang lubos sa Kanya. Ang pagtitiwala ng lubos ay kahit duda ay ibibigay natin sa Kanya. Sasabihin natin sa Kanyang mahina ang ating pananalig at Siya na ang magbuo nito. Lahat ay kayang gawin ng Diyos sa atin kung hahayaan natin Siya at kung tayo’y magbibigay sa Kanya ng anumang ating kaya.

Kahit hindi natin nauunawaan, kahit laban sa ating kagustuhan at isip, kung ang sinusunod natin ay alam nating kalooban ng Diyos, hindi tayo mapapahamak o mawawalan. Hindi naiintindihan ng mga alagad ni Hesus ang ginagawa Niya sa umpisa. Subalit kinalaunan ay nakita rin nila. Ganito rin sa ating pananalig. Hindi agad natin alam kung ano ang mangyayari subalit kinalaunan ay malalaman din natin at makikita kung paano kumilos ang Diyos. Kapag nanatili tayo sa Kanya, sa pananalangin at pananampalataya ay laging magiging maganda ang kahihinatnan ng bagay sa ating buhay. Amen. +

Basahin ang buhay ni San Alfonso Maria ng Liguori dito: https://www.facebook.com/ShrineofStaAna/photos/ang-paggunita-kay-san-alfonso-maria-ng-liguori-obispo-at-pantas-ng-simbahansi-al/361589681153193/

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +

Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?