
Agosto 24, 2022. Kapistahan ni Apostol San Bartolome.
Subscribe to Awit at Papuri Communications Channel.
Feast of St. Bartholomew, Apostle (Red).
UNANG PAGBASA
Pahayag 21, 9b-14
Pagbasa mula sa aklat ng Pahayag
Wika ng anghel sa akin, “Halika, at ipakikita ko sa iyo ang Babaing makakaisang-dibdib ng Kordero.” Nilukuban ako ng Espiritu, at inihatid ako ng anghel sa ibabaw ng isang napakataas na bundok. Ipinakita niya sa akin ang Jerusalem, ang Banal ng Lungsod, na bumababa mula sa langit buhat sa Diyos. Nagliliwanag ito dahil sa kaningningan ng Diyos; kumikislap na gaya ng hiyas na haspeng sinlinaw ng kristal.
Ang pader nito’y makapal at mataas at may labindalawang pinto, bawat isa’y may bantay na anghel. Nakasulat sa mga pinto ang pangalan ng labindalawang lipi ng Israel. Tatlo ang pinto ng bawat panig: tatlo sa silangan, tatlo sa timog, tatlo sa hilaga, at tatlo sa kanluran. Ang pader ng lungsod ay may labindalawang saligang-bato at nakasulat dito ang pangalan ng labindalawang apostol ng Kordero.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 144, 10-11. 12-13ab. 17-18
Talastas ng mga tao
dakilang paghahari mo.
MABUTING BALITA
Juan 1, 45-51
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, hinanap ni Felipe si Natanael, at sinabi rito, “Natagpuan namin si Hesus na taga-Nazaret, ang anak ni Jose. Siya ang tinutukoy ni Moises sa kanyang sinulat sa Kautusan, at gayun din ng mga propeta.” “May magmumula bang mabuti sa Nazaret?” Tanong ni Natanael. Sumagot si Felipe, “Halika’t tingnan mo.”
Nang malapit na si Natanael ay sinabi ni Hesus, “Masdan ninyo ang isang tunay na Israelita; siya’y hindi magdaraya!” Tinanong siya ni Natanael, “Paano ninyo ako nakilala?” Sumagot si Hesus, “Bago ka pa tawagin ni Felipe, nakita na kita nang ikaw ay nasa ilalim ng puno ng igos.” “Rabi, kayo po ang Anak ng Diyos! Kayo ang Hari ng Israel!” wika ni Natanael. Sinabi ni Hesus, “nanampalataya ka ba dahil sa sinabi ko sa iyong nakita kita sa ilalim ng puno ng igos? Makakikita ka ng mga bagay na higit kaysa rito!”
At sinabi niya sa lahat, “Tandaan ninyo: makikita ninyong bukas ang langit, at ang mga anghel ng Diyos ay manhik-manaog sa kinaroroonan ng Anak ng Tao!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Maligayang Kapistahan po ni San Bartolome! Kinilala siya ni Hesus bilang isang Israelita na hindi mandaraya. Ibig sabihin siya’y tapat sa kanyang mga salita at totoo. Sinabi sa kanya ni Felipe na kanyang kaibigan na natagpuan na nila ang Mesiyas. Ang tinutukoy niya ay si Hesus. Ang sabi naman ni San Bartolome na kilala rin sa pangalang “Natanel” ay ““May mabuti bang maaaring magmula sa Nazaret?”. Hindi siya takot magsalita ng totoo. Kaya naman ang regalong ito ay nagamit niya upang maipahayag ang Salita ng Diyos at higit pa dahil bagamat mayroon siyang sariling pag-iisip at opinyon sa mga bagay, hindi siya nagpapigil at nagpapako sa mga ito.
Oo, naisip niya ang mga iyon – na ang Nazaret ay isa sa mga lugar kung saan, hindi niya aakalaing panggagalingan ng Mesiyas. Subalit, nanatili siyang bukas upang makita ang tinutukoy ni Felipe. Kaya naman noong nakita niya si Hesus ay naniwala siya noong pinaalala ni Hesus sa kanya ang tanda. Ang kanyang puso at mga labi ay ipinahayag ang kanyang pananampalataya, “Rabi, kayo po ang Anak ng Diyos! Kayo ang Hari ng Israel!”. Bagamat isang misteryo ay inihanda ito ni Hesus dahil alam Niyang maniniwala si Bartolome o Natanael sa Kanya sa pamamagitan ng pangyayaring ito.
Tayo rin ay inaanyayahan na huwag maging masyadong dikit sa ating sariling pag-iisip. Bagamat mayroon tayong sariling talino at kakayanang maghusga o magtimbang ng mga bagay-bagay, walang wala ito sa kakayanan at karunungan ng Diyos. Ang Kanyang pag-iisip ay higit na mas mataas kaysa sa atin. Bagamat kailangan nating gamitin ang anumang Kanyang ibinigay sa atin na regalo, talento at abilidad, kailangan din nating matutong bitawan ito upang makinig sa Diyos. Hingiin natin sa Diyos ang grasya upang maging handa tayong bitawan anumang mayroon tayo upang makapakinig at makasunod sa sinasabi Niya.
Taliwas man ito sa inaakala natin, maging bukas nawa tayo upang tayo rin, gaya ng mga apostol at banal, ay makatanggap ng pagpapala Niya. Sa pamamagitan nito at ng Kanyang grasya lamang natin magagawa ang ating natatanging misyon sa buhay. Ang pananalig natin na gaya ng kay San Bartolome ang magiging sandigan natin kapag tayo’y sinusubok na ng mga problema at suliranin sa buhay. Amen. +
Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +
Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications

