Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Pagbabantay sa Mahalaga”


 

 

Agosto 25, 2022. Huwebes ng Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon
o kaya Paggunita kay San Luis
o kaya Paggunita kay San Jose de Calasanz, pari.

Subscribe to Awit at Papuri Communications Channel.

Thursday of the Twenty-first Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of St. Louis, King (White)
or Optional Memorial of St. Joseph Calasanz, Priest (White).

UNANG PAGBASA
1 Corinto 1, 1-9
Ang simula ng unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto

Mula kay Pablo na tinawag ng Diyos upang maging apostol ni Kristo Hesus, at mula sa ating kapatid na Sostenes –
Sa simbahang nasa Corinto – sa mga hinirang ng Diyos upang maging kanya sa pamamagitan ng pakikipag-isa kay Kristo Hesus kasama ng mga hinirang sa lahat ng dako, na tumatawag sa pangalan ng Panginoong Hesukristo, ang Panginoon nating lahat:

Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Hesukristo.
Lagi akong nagpapasalamat sa Diyos dahil sa mga pagpapala niya sa inyo sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Sapagkat sa inyong pakikipag-isa sa kanya, kayo’y umunlad sa lahat ng paraan, maging sa pananalita at kaalaman.

Ang katotohanang ipinangaral namin tungkol kay Kristo ay malinaw na nakikita sa inyo anupat hindi kayo nagkulang sa anumang kaloob na espirituwal, habang hinihintay ninyong mahayag ang ating Panginoong Hesukristo. Kayo’y aalalayan niya hanggang sa wakas upang matagpuan kayong walang kapintasan sa Araw ng ating Panginoong Hesukristo. Tapat ang Diyos na tumawag sa inyo upang kayo’y makipag-isa sa kanyang Anak na si Hesukristong ating Panginoon.
Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 144, 2-3. 4-5. 6-7
Pupurihin ko ang ngalan
ng Poon magpakailanman.

MABUTING BALITA
Mateo 24, 42-51
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Kaya magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo alam kung anong araw paririto ang inyong Panginoon. Tandaan ninyo ito: kung alam lamang ng puno ng sambahayan kung anong oras ng gabi darating ang magnanakaw, siya’y magbabantay at hindi niya pababayaang pasukin ang kanyang bahay. Kaya maging handa kayong lagi, sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na di ninyo inaasahan.
“Ang tapat at matalinong alipin ang siyang pinapamahala ng kanyang panginoon sa ibang mga alapin, upang bigyan sila ng kanilang pagkain sa karampatang panahon.

Mapalad ang aliping iyon, kapag dinatnan siyang gumagawa ng gayun sa pagbabalik ng kanyang panginoon! Sinasabi ko sa inyo: pamamahalain siya ng kanyang panginoon sa lahat ng kanyang ari-arian. Ngunit kung masama ang aliping iyon, sasabihin niya sa sarili, ‘Matatagalan pa bago magbalik ang aking panginoon,’ at sisimulang bugbugin ang kanyang mga kapwa alipin, at makipagkainan at makipag-inuman sa mga lasenggo.

Babalik ang panginoon ng aliping iyon sa araw na hindi niya inaasahan at sa oras na hindi niya alam. Buong higpit na parurusahan siya ng Panginoon, at isasama sa mga mapagpaimbabaw. Doo’y tatangis siya at magngangalit ang kanyang ngipin.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang mapagpalang Huwebes po sa ating lahat! Paano nga ba tayo nagbabantay? Ang bahay, paaralan, mga malls at ang iba’t ibang establisyemento ay binabantayan sapagkat mayroong mga mahahalagang gamit sa loob. Paano naman kaya ang ating sariling mga kaluluwa? Maging ang sarili nating pananampalataya, nababantayan ba natin? Nakikita kaya natin ang halaga nito?

Kapag tayo’y namatay, ang ating katawang lupa ay maiiwan dito sa mundo. Ang tanging pupunta sa kabilang buhay ay ang ating kaluluwa. Ito ang maituturing nating imortal kung tayo’y makapagpapatuloy sa langit kahit dumaan pa sa papapadalisay o “purification” sa purgatoryo. Kaya naman, ito at ang ating pananampalataya na magtatawid sa atin doon ang isa sa pinakamahalagang kamayanang dapat nating ingatan sa mundo habang tayo’y nabubuhay pa.

Hindi lamang ang mga pera sa bangko o wallet. Hindi rin lamang ang mga mamahalin o pinag-ipunang gamit sa bahay na kapag nanakaw ay kayang kayang palitan sa pagbili lamang sa mall o kung anong tindahan. Ang kaluluwa natin, sa isang banda, kapag nawala sa pamamagitan ng walang hanggang kamatayan sa impiyerno ay walang anumang makapapalit. Kaya naman, tamang magbantay tayo ng mga bagay sa mundo subalit higit nating mas dapat bantayan kung kumusta ang ating kaluluwa at ang ating pananampalataya.

Hayaan nating linisin ng Diyos ang dumi ng ating mga kaluluwa sa pamamagitan ng sakramento ng kumpisal. Kailan ang huling punta mo sa simbahan upang magkumpisal? Baka nakalilimutan na nating isa sa maaring maging dahilan ng pagpunta sa impiyerno ay ang mamatay nang may mortal na kasalanang hindi naihingi ng tawad. Ito’y dahil sa pinili ng taong ganoon na hindi bumalik sa Diyos gayong bukas ang Simbahan sa lahat. Tayo ang may desisyon sa ating patutunguhan.

Binibigay ng Diyos sa atin ang kalayaan, at ang karapatang mamili. Hindi siya tumitigil na bigyan tayo ng oportunidad habang may buhay. Ang desisyon ay nasa tao kung tatanggapin ba niya ito o hahayaang maging matigas ang puso sa Diyos at sa kapwa. Hindi napapagod ang Diyos na magbigay ng karunungan at grasya na malaman natin ang tama pati ang lakas upang magawa ang mga ito kapag tayo’y nanghihina. Pangalagaan nawa natin ang dapat higit sa lahat.

Magsipag tayo sa ating pananalig sapagkat maiksi lamang ang ating buhay. Balang araw, sa isang araw na hindi natin nalalaman, haharap tayo sa Diyos sa Kanyang paghuhusga. Amen. +

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +

Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?