Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Misyon Mula sa Diyos”

Agosto 27, 2022. Paggunita kay Santa Monica.

Subscribe to Awit at Papuri Communications Channel.

Memorial of St. Monica, Married Woman (White)

UNANG PAGBASA
1 Corinto 1, 26-31
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid, alalahanin ninyo ang inyong katayuan nang kayo’y tawagin ng Diyos. Iilan lamang sa inyo ang sa paningin ng sanlibutan ay marunong, makapangyarihan at maharlika. Subalit pinili ng Diyos ang sa palagay ng sanlibutan ay kahangalan upang hiyain ang marurunong, at ang mahihina sa turing ng sanlibutan upang hiyain ang malalakas. Pinili niya ang mga itinuturing na hamak, walang halaga, at walang kabuluhan sa sanlibutang ito upang pawalang-halaga ang itinuturing na dakila sa sanlibutan.

Kaya’t walang maaaring magmalaki sa harapan ng Diyos. Sa kanya mula ang ating pakikipag-isa kay Kristo Hesus, na ginawang karunungan natin. Sa pamamagitan niya, tayo’y pinawalang-sala ng Diyos, pinapaging-banal at iniligtas. Kaya nga, tulad ng nasasabi sa Kasulatan, “Ang Panginoon ang dapat ipagmalaki ng may ibig magmalaki.”
Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 32, 12-13. 18-19. 20-21
Mapalad ang ibinukod
na bansang hinirang ng D’yos.

MABUTING BALITA
Mateo 25, 14-30
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad ang talinghagang ito: “Ang paghahari ng Diyos ay maitutulad dito: May isang taong maglalakbay, kaya tinawag niya ang kanyang mga alipin at ipinagkatiwala sa kanila ang kanyang ari-arian. Binigyan niya ng salapi ang bawat isa ayon sa kanya-kanyang kakayahan: binigyan niya ang isa ng limang libong piso, ang isa nama’y dalawang libong piso, at ang isa pa’y isang libong piso.

Pagkatapos, siya’y umalis. Humayo agad ang tumanggap ng limang libong piso at ipinangalakal iyon. At nagtubo siya ng limang libong piso. Gayun din naman, ang tumanggap ng dalawang libong piso ay nagtubo ng dalawang libong piso. Ngunit ang tumanggap ng isang libong piso ay humukay sa lupa at itinago ang salapi ng kanyang panginoon.

Pagkaraan ng mahabang panahon, bumalik ang panginoon ng mga aliping iyon at pinapagsulit sila. Lumapit ang tumanggap ng limang libo. Wika niya, ‘Panginoon, heto po ang limang libo na bigay ninyo sa akin. Heto pa po ang limang libo na tinubo ko.’ Sinabi sa kanya ng panginoon, ‘Magaling! Tapat at mabuting alipin! Yamang naging tapat ka sa kaunting halaga, pamamahalain kita sa malaking halaga. Makihati ka sa aking kagalakan!’

Lumapit din ang tumanggap ng dalawang libo, at ang sabi, ‘Panginoon, heto po ang ibinigay ninyong dalawang libo. Heto naman po ang dalawang libong piso na tinubo ko.’ Sinabi ng kanyang panginoon, ‘Magaling! Tapat at mabuting alipin! Naging tapat ka sa kaunting halaga, kaya pamamahalain kita sa malaking halaga. Makihati ka sa aking kagalakan.’ At lumapit naman ang tumanggap ng isang libong piso.

‘Alam ko pong kayo’y mahigpit,’ aniya. ‘Gumagapas kayo sa hindi ninyo tinamnan, at nag-aani sa hindi ninyo hinasikan. Natakot po ako, kaya’t ibinaon ko sa lupa ang inyong salapi. Heto na po ang isang libo ninyo.’ ‘Masama at tamad na alipin!’ tugon ng kanyang panginoon. ‘Alam mo palang gumagapas ako sa hindi ko tinamnan at nag-aani sa hindi ko hinasikan! Bakit hindi mo iyan inilagak sa bangko, di sana’y may nakuha akong tubo ngayon?

Kunin ninyo sa kanya ang isang libong piso at ibigay sa may sampung libo. Sapagkat ang mayroon ay bibigyan pa, at mananagana; ngunit ang wala, kahit ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa. Itapon ninyo sa kadiliman sa labas ang aliping walang kabuluhan. Doo’y tatangis siya at magngangalit ang kanyang ngipin.’”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Maligayang paggunita po ni Santa Monica! Ang kanyang buhay po ay mababasa sa dulo ng pagninilay na ito. Ang Panginoon ay mayroong binigay na kanya-kanyang angking talento, abilidad, talino at mga pagpapala sa ating lahat. Hindi tayo pare-pareho subalit kaya tayo iba-iba ay dahil lahat tayo ay mayroong misyon na tayo lamang ang makakagawa. Sa panahon ngayon na tila ang daming nagaganap sa mundo, sa labas at napakaraming “trending” na tila ba nauubos na ang oras natin sa mga bagay na ito, paano kaya natin nagagamit ang mga regalo na bigay sa atin ng Diyos?

Mayroong darating na paghuhusga. Ang isa ay sa dulo ng ating buhay at ang isa ay ang sa paghuhusga ng Diyos sa wakas ng panahon. Lagi tayong mayroong tsansa na mula sa Diyos. Ang trabaho natin ay tanggapin ito, at gawin ang ating dapat gawin sa ngayon. Hindi natin trabaho ang matmayag sa iba at pagmasdan kung ano ang kanilang ginagawa. Sa gayunding paraan, kapag tayo’y namuhay sa nakaraan hindi tayo makakausad. Kapag sa hinaharap naman, maari tayong madapa sapagkat hindi natin nakikita ang nasa harapan. Dapat nating malaman ang ating kayang gawin ngayon na mula sa Diyos at hanapin natin ang paraan sa ngayon upang ito’y magawa natin ayon sa kagustuhan ng Diyos.

Huwag nating sayangin ang mga pagkakataon na binibigay sa atin ng Diyos. Tingnan natin ang binigay Niya sa atin at gamitin ito sa ikabubuti ng lahat na siya ring ating misyon mula sa Panginoon. Tanggapin natin ang regalong binibigay ng Diyos at huwag na maghanap ng ano pang wala na hindi para sa atin. Sa pagtanggap na ito ay makikita natin ang layunin at bokasyon ng ating buhay na may katuturan at banal. Amen. +

Buhay ni Santo Monica: https://www.franciscanmedia.org/saint-of-the…/saint-monica

Ipanalangin mo kami. Amen. +

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +

Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?