Nobyembre 30, 2023. Kapistahan ni Apostol San Andres.
MABUTING BALITA
Mateo 4, 18-22
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sa paglalakad ni Hesus sa tabi ng Lawa ng Galilea, nakita niya ang dalawang mangingisda, si Simon na tinatawag na Pedro, at ang kapatid niyang si Andres. Sila’y naghahagis ng lambat. Sinabi niya sa kanila, “Sumunod kayo sa akin, at gagawin ko kayong mamamalakaya ng mga tao.”
Noon di’y iniwan nila ang kanilang mga lambat at sumunod kay Hesus.
Nagpatuloy siya ng paglakad at nakita rin niya ang magkapatid na Santiago at Juan, mga anak ni Zebedeo. Sila’y nasa bangka, kasama ang kanilang ama, at naghahayuma ng lambat. Tinawag din sila ni Hesus. Agad nilang iniwan ang bangka at ang kanilang ama, at sumunod kay Hesus.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Maligayang Kapistahan po ni Apostol San Andres! Ang tungkol po sa kanya ay mababasa matapos ng pagninilay na ito. Si San Andres ang kauna-unahang apostol na sumunod kay Hesus. Siya ang unang nakatagpo sa Kanya at sinabi Niya ito kay San Pedro na kanyang kapatid. Ang mga magkakapatid na nabanggit sa ebanghelyo ay pawang mga mangingisda. Sa kabila ng marangal na hanapbuhay na ito, pinili nilang iwananan ang lahat at sumunod agad sa tawag ni Hesus.
Kumpara sa kanyang kapatid na ating unang santo papa, halos hindi masyadong nababanggit si San Andres. Isang kababaang loob marahil na hindi niya alintana kung mas kilala ang kanyang kapatid na noong una’y dinala niya kay Hesus. Walang pasikatan, walang inggitan o kung ano pa. Mahalaga lang para sa kanyang magawa ang kanyang misyon.
Bilang apostol, sa pamamagitan nila itinatag ang ating Simbahan. Lahat ng ating tinatamasa ngayon ay mga katuruan at bilin ni Hesus na sa mga apostol ipinasa. Dahil sa kanila, naitatag ang Simbahan at naipalaganap ang Mabuting Balita sa buong mundo. Sumunod naman ang mga santo at mga martir.
Tunay ngang napakadakila ng labindalawang apostol na pinili ni Hesus subalit ang mga bagay na ito ay hindi dapat nagtatapos sa paghanga. Tayo’y mga tinawag din ng Panginoon. Lahat tayo ay may kanya-kanyang tawag at misyon mula sa Kanya. Ano ang sa iyo? Nadiskubre mo na ba ito, kasalukuyang dinidiskubre, o baka naman pilit mo pa rin itong hinahanap sa mundo o sa ibang tao?
Matatagpuan mo lamang ito kapag iyong tunay na makilala at makasama si Kristo sa pananalangin at pagtanggap ng Banal na Sakramento, gaya ng kumpisal at Eukaristiya. Doon natin matatagpuan at makikila si Hesus kung sino Siya. Doon natin Siya makakausap at maihihinga ang lahat ng laman ng ating puso. Tila Siya isang Kaibigang maaring kausapin kailanman at saan man ngunit pinakanaroroon Siya sa Banal na Sakramento sa altar.
Tayo’y mga pinili at isinugo rin gaya ng mga apostol. Sa pamamagitan ng kanilang mga panalangin, nawa’y matagpuan natin si Hesus at makilala Siya nang lubos. Nawa’y sa pagkilalang ito sa Kanya ay matagpuan naman natin ang ating tunay na bokasyon at misyon sa buhay kung para saan tayo ginawa ng Diyos. Nawa’y paniwalaan at patuloy nating pagnilayan natin ito. Amen. +
Tungkol kay Apostol San Andres: https://www.ourparishpriest.com/2023/11/saints-of-november-apostol-san-andres/
Patuloy po nating ipanalangin ang mga kaluluwa sa purgatoryo ngayong buwan ng Nobyembre:
V. Kapayapaan kailan man ang igawad ng Maykapal sa yumaong ating mahal.
R. Sila nawa ay silayan ng ilaw na walang hanggan.
Mapanatag nawa sila sa kapayapaan. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +
Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications

