
Disyembre 5, 2023. Martes sa Unang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon.
MABUTING BALITA
Lucas 10, 21-24
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Nang oras ding iyon, si Hesus ay napuspos ng galak ng Espiritu Santo. At sinabi niya, “Pinasasalamatan kita, Ama, Panginoon ng langit ay lupa, sapagkat inilihim mo sa marurunong at pantas ang mga bagay na ito at inihayag mo sa mga taong ang kalooba’y tulad ng sa bata. Oo, Ama, sapagkat gayon ang ikinalulugod mo.
Ibinigay sa akin ng aking Ama ang lahat ng bagay. Walang nakakikilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakikilala sa Ama kundi ang Anak at yaong marapating pagpahayagan ng Anak.”
Humarap si Hesus sa mga alagad at sinabi, na di naririnig ng iba: “Mapalad kayo, sapagkat nakita ninyo ang inyong nakikita ngayon! Sinasabi ko sa inyo, maraming propeta at mga hari ang nagnasang makakita ng inyong nakikita ngunit hindi nila nakita. Hinangad din nilang mapakinggan ang inyong naririnig ngunit hindi nila napakinggan.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Isang mapagpalang Martes po sa ating lahat! Ang mga taong may puso na gaya ng isang bata ay hindi ibig sabihin ay “immature”. Magkaiba po iyon. Ang mga taong tila isang bata ay mga inosente, hindi mapag-isip ng masama sa kapwa, madaling magpatawad at higit sa lahat ay laging nakadepende sa magulang. Ganito rin sana tayo sa Diyos. Mas madaling maiintindihan ang konsepto ng pagbibigay sa kapwa dahil hindi na alintana kung ano ang mawala sa atin. Alam nating bibigyan tayo lagi ulit ng Ama natin sa Langit dahil ang grasya Niya’y hindi nauubos.
Ang isang taong gaya ng isang bata ay hindi rin mahilig sa tsismis. Ang mahalaga sa Kanya ay salita ng Ama. Ang salita ng Diyos ang bubuhay sa puso ng taong inosente, hindi ang buhay ng iba. Hindi siya nakikitawa o nakikisira sa social media kahit pa libre ito at normal para sa iba. Mas mahalaga sa kanya ang karunungang binibigay ng Diyos, hindi ng kung anong impormasyon at uso ang binibigay ng mundo.
Tayo pong lahat at ang sinumang gustong sumunod kay Hesus ay dapat may ganitong puso. Hilingin natin ito sa Diyos nang ang buhay natin ay maging ayon sa paraan ng Diyos at hindi ng mundo. Sa Kanya at sa pagsunod lang natin sa Kanya mararanasan ang tunay na kapayapaan sa ating puso.
Nawa’y paniwalaan at patuloy nating pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +
Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications

