Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Pagtulong sa Kapwa”

 

Disyembre 6, 2023. Miyerkules ng Unang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon
o kaya Paggunita kay San Nicolas, obispo

MABUTING BALITA
Mateo 15, 29-37
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, nagbalik si Hesus sa tabi ng Lawa ng Galilea. At siya’y umahon sa burol at naupo. Nagdatingan ang napakaraming tao na may dalang mga pilay, bulag, pingkaw, pipi, at marami pang iba. Inilagay nila ang mga maysakit sa harapan ni Hesus at kanyang pinagaling sila. Namangha ang mga tao nang makita nilang nagsasalita na ang mga pipi, gumaling na ang mga pingkaw, nakalalakad na ang mga pilay, at nakakikita na ang mga bulag. At nagpuri sila sa Diyos ng Israel.

Tinawag ni Hesus ang kanyang mga alagad at sinabi, “Nahahabag ako sa mga taong ito, sapagkat tatlong araw na ngayong kasama ko sila at wala na silang makain. Hindi ko ibig na sila’y paalising gutom; baka sila mahilo sa daan.” At sinabi ng mga alagad, “Saan po tayo kukuha rito ng tinapay na makasasapat sa gayong karaming tao?” “Ilan ang tinapay ninyo riyan?” tanong ni Hesus sa kanila.

“Pito po,” sagot nila, “at ilang maliliit na isda.” Ang mga tao’y pinaupo ni Hesus sa lupa. Kinuha niya ang pitong tinapay at ang mga isda at nagpapasalamat sa Diyos. Pagkatapos, pinagpira-piraso niya ang mga iyon at ibinigay sa mga alagad para ipamahagi sa mga tao. Kumain ang lahat at nabusog; at nang tipunin nila ang mga tinapay na lumabis, nakapuno sila ng pitong bakol na malalaki.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang mapagpalang Miyerkules po sa ating lahat! Sadyang napakamaawain ng Panginoon. Ang mga pumupunta sa Kanya nang may pananalig ay pinapagaling. Maging ang mga gutom ay pinapakain. Bilang mga Kristiyano, ganito rin ang dapat nating gawin. Kung sinuman ang humingi sa atin ng tulong, huwag nating tanggihan. Maging Kristiyano at tulad tayo ni Hesus hindi lang sa pangalan kundi sa gawa. Ito’y ating obligasyon. Sa dulo ng buhay, tatanungin tayo ng Diyos kung ano ang ginawa natin sa kapwa natin. Ano kaya ang isasagot natin?

Madaling magcomment ng mga masasakit na salita sa social media o magpost ng mga katatawanan, paano naman kaya ang Salita ng Diyos at mga dasal? Pinapahayag ba natin ito sa iba o kontento na tayo sa kung ano ang alam nating magugustuhan ng iba?
Ang pamumuhay ng isang tunay na Kristiyano ay baka hindi yung nakasanayan nating pamumuhay. Ito ay buhay ng sakripisyo, pagtulong, at pagpapakita ng awa sa pamamagitan ng salita at gawa.

Tayo ay tinatawag na gawin ang mga ginawa ni Kristo habang tinutularan din ang Kanyang kababaang loob at pagkamahinahon sa kapwa. Ito ang tawag sa atin. Ito ang batayan ng paghuhusga sa atin pagdating ng araw ng kamatayan at sa wakas ng mundo. Hindi natin ito matatakasan.

Nawa’y paniwalaan at patuloy nating pagnilayan natin ito. Amen. +

Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +

Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?