
Disyembre 8, 2023. Dakilang Kapistahan ng Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria.
MABUTING BALITA
Lucas 1, 26-38
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, ang anghel Gabriel ay sinugo ng Diyos sa Nazaret, Galilea, sa isang dalaga na ang pangala’y Maria. Siya’y nakatakdang ikasal kay Jose, isang lalaki buhat sa lipi ni Haring David. Paglapit ng anghel sa kinaroroonan ng dalaga, binati niya ito. “Matuwa ka! Ikaw ay kalugod-lugod sa Diyos,” wika niya. “Sumasaiyo ang Panginoon!”
Nagulumihanan si Maria sa gayong pangungusap, at inisip niyang mabuti kung ano ang kahulugan niyon. Kaya’t sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, sapagkat kinalulugdan ka ng Diyos. Makinig ka! Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang lalaki, at siya’y tatawagin mong Hesus. Magiging dakila siya, at tatawaging Anak ng Kataas-taasan. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David. Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailanman, at ang kanyang paghahari ay walang hanggan.”
“Paanong mangyayari ito, gayong ako’y dalaga?” tanong ni Maria. Sumagot ang anghel, “Bababa sa iyo ang Espiritu Santo, at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan. Kaya’t banal ang ipanganganak mo at tatawaging Anak ng Diyos. Natatandaan mo ang iyong kamag-anak na si Elisabet? Alam ng lahat na siya’y baog, ngunit naglihi siya sa kabila ng kanyang katandaan.
At ngayo’y ikaanim na buwan na ng kanyang pagdadalantao – sapagkat walang hindi mapangyayari ang Diyos.”
Sumagot si Maria, “Ako’y alipin ng Panginoon. Mangyari sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan siya ng anghel.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Maligayang Dakilang Kapistahan po ng Kalinis-linisang Paglilihi sa Birheng Maria! Ngayon ay ating ipinagdiriwang ang paglilihi ni Santa Ana, ang ina ni Maria. Hindi po ito tungkol sa paglilihi kay Hesus. Iyon naman ay ipinagdiriwang tuwing ika-25 ng Marso, ang Dakilang Kapistahan ng Pagpapahayag ng Magandang Balita tungkol sa Panginoon o “Solemnity of the Annunciation of the Lord”. Si Maria ang ipinagdiriwang ngayon. Mula pa sa sinapupunan ng kanyang ina, siya’y walang sala. Isa itong regalo ng Diyos para sa ating lahat. Dahil sa nakikitang epekto ng pagliligtas ng Kanyang Anak na si Hesus, nagkaroon Siya ng ganitong pribilehiyo.
Kinakailangan ito upang maihanda si Maria bilang karapatdapat na tahanan ng Kanyang Anak na si Hesus. Malinis ang ina, gayundin naman ang Anak. Alam nating ang orihinal na kasalanan at ang mga epekto nito ay namamana. Si Maria na bukod tanging walang sala sa lahat ang karapatdapat na maging ina ng Diyos. Diyos mismo ang nagdisenyo at nagkaloob nito sa kanya bilang regalo sa buong Simbahan. Siya ang hudyat ng nalalapit na pagdating ng pinangakong Mesiyas ng Diyos.
Kung siya’y ating ina at tayo ang kanyang mga anak, sukdulan ng layo ng pagkakaiba niya na walang sala sa taong mga makasalanan. Ni minsan hindi rin siya nagkasala sa buong buhay. Tayo naman, paulit-ulit ang pagkakasala at sa buong araw ay maraming beses pa. Marami rin sa atin ang hindi ito nalalaman at tila bulag sa sariling mga kahinaan at pagkakamali dahil puno tayo ng pagmamataas o “pride”.
Dahil si Maria pa rin ay ating ina, bagamat ganito ang ating kalagayan, siya ang siguradong daan para tayo’y makapunta kay Hesus. Si Hesus naman ang magdadala sa atin sa Ama. Iisa lang ang Tagapamagitan at Tagapagligtas, si Hesus, subalit napakahalaga ng gampanin ni Inang Maria dahil siya ang pinakaepektibong magdadala kay Hesus ng ating mga pangangailangan at ating pananalangin.
Kumusta kaya ang ating debosyon sa kanya bilang kanyang mga anak? Ibinigay siya sa atin ni Hesus sa Krus upang maging ina nating lahat. Magrosaryo tayo, tanggapin natin siya bilang ating tunay na espirituwal na ina. Tiyak hindi tayo mawawala sa landas ng kabanalan kahit ano pang tukso ang dumating.
Noong una pa, ang babae ang ipinangakong darating na tatapak sa ulo ng ahas na luminlang kay Eba. Ang bigat ng kanyang talampakan ay ang kanyang kabanalan at ang kanyang pribilehiyo bilang ina ni Hesus na Tagapagligtas. Sa lahat ng ating pagsubok at tukso, mayroon tayong inang matatawag matapos ni Hesus.
Kapag tayo’y nagkasala sa Diyos, tutulungan niya tayong makapagkumpisal nang mabuti upang matanggap ang grasya na ito. Tutulungan niya tayo at aakayin lagi para gawin ang mabuti at ang obligasyon natin bilang Kristiyano. Siya ang ating Reyna, ang ating inang laging handang sumaklolo sa atin. Hindi na natin kailangang mag-isa. Alalahanin nating mayroon tayong Ina sa Langit na mahal tayo higit pa sa ating inaaakala at higit pa sa pagmamahal sa atin ng ating mga ina dito sa mundo.
Nawa’y paniwalaan at patuloy nating pagnilayan natin ito. Amen. +
Inmaculada Concepcion, ipanalangin mo kami!
Tungkol sa Inmaculada Concepcion: https://www.ourparishpriest.com/2023/12/saints-of-december-maria-immaculada-concepcion/
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +
Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications

