
Disyembre 13, 2023. Paggunita kay Santa Lucia, dalaga at martir.
MABUTING BALITA
Mateo 11, 28-30
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus: “Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na napapagal at nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo’y pagpapahingahin ko. Pasanin ninyo ang aking pamatok, at mag-aral kayo sa akin; ako’y maamo at mababang-loob at makasusumpong kayo ng kapahingahan para sa inyong kaluluwa. Sapagkat maginhawang dalhin ang aking pamatok, at magaan ang pasaning ibibigay ko sa inyo.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Maligayang paggunita po kay Santa Lucia! Ang Panginoon ay ang ating tunay na pahinga. Nasubukan na ba nating kapag napapagod sa buhay ay umupo sa simbahan sa may altar upang manalangin sa Kanyang harapan? Ano ang unang naiisip natin kapag sinasabing “pahinga”? Bukod sa tulog, bakasyon, at oras para sa sarili, sana ay maisip din natin ang oras para sa Diyos.
Kapag tayo ay naglalabas ng mga negatibong pag-iisip, panaghoy at marami pang iba sa Kanyang harapan, inaaliw Niya tayo.
Ang pag-aaliw na ito ay hindi gaya ng sa mundo na madaling matapos. Ang konsolasyong binibigay ng Diyos ay nanunuot sa puso at nagtatagal. Hindi ibig sabihing nawawala na ang problema at pagsubok, ngunit ang mahalaga ay mayroon tayong Diyos na alam nating gumagabay at masasandalan sa oras ng kagipitan.
Hindi mawawala ang problema sa buhay. Ang importante ay alam nating mayroon tayong Diyos na matatawag kapag kailangan. Lagi Siyang naroroon sa mga Tabernakulo at naghihintay sa atin. Maisip nawa nating sa piling Niya magpahinga. Ito pa ay walang bayad. Kailangan din ng tiwala sa Kanya na mayroon Siyang solusyon at malalampasan din ang mga bagay kasama Niya.
Ang paniniwalang ito ang magtatawid sa atin sa mga pagsubok na pinagdaraanan. Gaya ni Hesus na binuhat ang Kanyang Krus hanggang huli, kailangan din nating buhatin ang Krus. Kapag napagod na, nawa ay maalala natin lagi na manalangin unang una sa lahat.
Nawa’y paniwalaan at patuloy nating pagnilayan natin ito. Amen. +
Santa Lucia, ipanalangin mo kami. Amen.
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +
Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications

