
Ika-22 ng Disyembre
(Simbang Gabi)
MABUTING BALITA
Lucas 1, 46-56
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, ipinahayag ni Maria ang awit na ito:
“Ang puso ko’y nagpupuri sa Panginoon,
at nagagalak ang aking espiritu dahil sa Diyos na aking Tagapagligtas.
Sapagkat nilingap niya ang kanyang abang alipin!
At mula ngayon, ako’y tatawaging mapalad ng lahat ng salinlahi,
dahil sa mga dakilang bagay na ginawa sa akin ng Makapangyarihan
Banal ang kanyang pangalan!
Kinahahabagan niya ang mga may takot sa kanya, sa lahat ng sali’t saling lahi.
Ipinakita niya ang lakas ng kanyang mga bisig,
pinangalat niya ang mga palalo ang isipan.
Ibinagsak niya ang mga hari mula sa kanilang trono,
at itinaas ang mga nasa abang kalagayan.
Binusog niya ng mga mabubuting bagay ang mga nagugutom,
at pinalayas niyang wala ni anuman ang mayayaman.
Tinulungan niya ang kanyang bayang Israel,
bilang pagtupad sa pangako niya sa ating mga magulang,
kay Abraham at sa kanyang lahi, magpakailanman!”
Nanatili si Maria kina Elisabet nang may tatlong buwan, at saka umuwi.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Isang mapagpalang Biyernes po sa ating lahat! Ang mahal na ina ay nagpuri sa Diyos at hindi sa kanyang sarili. Kapag tayo’y biniyayaan ng Diyos, hindi tayo ang magaling kung hindi Siya. Kapag tayo’y binigyan ng mga kakayanang maging lider, magbigay sa ibang nangangailangan, magsilbi o magturo sa iba, ito’y hindi dahil sa atin ang talino, abilidad na baka inaakala nating sa atin nanggaling. Hindi po.
Ang mga ito’y biyaya ng Diyos para Siya’y papurihan sa lahat ng Kanyang nilikha. Ang ginawa ni Maria’y karapatdapat para sa Diyos. Ganito rin ang dapat nating ginagawa. Sa lahat ng biyaya sa ating buhay, papurihan natin Siya. Sa lahat ng dumarating na maganda, pasalamatan natin Siya. Sa anumang yugto ng buhay, kahit masalimuot man, manalangin pa rin tayo at sumunod sa Kanya.
Siya ang ipagmalaki natin sa social media dahil sa Kanya galing ang lahat at hindi sa atin. Dito tayo magiging tulad ni Maria at ang biyaya natin ay lalong darami dahil hindi na tungkol sa atin lang ang ating buhay kundi magiging tungkol na sa Diyos na nagbigay ng buhay sa ating lahat.
Nawa’y paniwalaan at patuloy nating pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +
Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications

