Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Alay sa Diyos”

Disyembre 26, 2023. Kapistahan ni San Esteban, Unang Martir.

MABUTING BALITA
Mateo 10, 17-22
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Mag-ingat kayo, sapagkat may mga taong magkakanulo sa inyo sa mga hukuman; at hahagupitin nila kayo sa mga sinagoga. Dahil sa akin, ihaharap kayo sa mga gobernador at mga hari, at magpapatotoo kayo sa harapan nila at ng mga Hentil. Kapag nililitis na kayo, huwag kayong mabalisa tungkol sa sasabihin ninyo o kung paano ninyo sasabihin.

Pagdating ng oras, ito’y ipagkakaloob sa inyo. Sapagkat hindi kayo ang magsasalita kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan ninyo.

“Ipagkakanulo ng kapatid ang kanyang kapatid upang ipapatay; gayun din ang gagawin ng ama sa kanyang anak. Lalabanan ng mga anak ang kanilang mga magulang, at papapatay. Kapopootan kayo ng lahat dahil sa akin; ngunit ang manatiling tapat hanggang wakas ang siyang maliligtas.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Maligayang Kapistahan po ni San Esteban! Hindi pa po tapos ang Pasko. Ito po ay nagsisimula pa lamang. Matatapos po ito sa ika-8 pa ng Enero sa Kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoon. Kaya naman maari pa nating batiin ang isa’t isa ng “Maligayang Pasko!”. Kakaibang paalala na matapos ang araw ng Pasko, ipinagdiriwang naman natin ang sakripisyo ng kauna-unahang martir na si San Esteban. Matapos ni Hesus, siya ang unang sumunod na mamatay para sa Simbahan.

Tila ba matapos ng sobrang kasiyahan, tayo’y agad na binabalik sa misyon ni Hesus na hindi lamang puro saya o tuwa. Ang Kanyang pagparito rin ay mayroong kaakibat na Krus. Ang misyon ni Hesus bilang Tagapagligtas ay may kaakibat na sakripisyo at ito rin ang tawag sa atin ngayon. Handa ba tayong sumama kay Hesus sa hirap man o sa ginhawa?

Maipagtatanggol pa kaya natin ang ating pananalig sa oras na tayo’y tinutuligsa na ng iba? Kung tayo’y pinagtatawanan na, maipagtatanggol pa ba natin ang ating pinaniniwalaan? Madaling manalig kapag puro saya lang ang ating nakukuha. Masusubok kung tunay nga ito kapag nakakaranas na tayo ng pagdurusa. Doon sa paghihirap nahuhubog ang tunay na pananalig sa Diyos.

Hindi man tayong lahat ay maging martir o mag-alay ng sariling dugo para sa Simbahan, araw-araw naman ay mayroon tayong pag-aalay at pagtatanggol na maaring gawin. Simulan natin sa ating sarili, pamilya at komunidad. Mamuhay tayo ayon sa katuruan ng Simbahan at maitutuwid din natin ang iba sa salita man o sa pagiging huwaran kahit hindi magsalita o magmayabang.

Ipahayag natin ang Mabuting Balita saan man tayo naroroon, maging sa social media. Wala nang mas karapatdapat pang ipagtanggol kundi ang Panginoong Hesus. Wala nang mas karapatdapat pang ipangalandakan ang kabutihan kundi ang sa Diyos na puro mabubuti, grasya at awa ang binabahagi sa atin bagamat tayo’y mga puno ng sala. Tayo ay Kanyang mga sundalong dapat ay handang magtanggol sa Hari lalo sa panahon ngayong maraming tumatalikod sa Kanya.

Nawa’y paniwalaan at patuloy nating pagnilayan natin ito. Amen. +

Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +

Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?