Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Alagad na Minamahal ni Hesus”

 

 

 

Disyembre 27, 2023. Kapistahan ni Apostol San Juan,
Manunulat ng Mabuting Balita.

MABUTING BALITA
Juan 20, 2-8
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Madilim-dilim pa nang araw ng Linggo, patakbong pumunta si Maria Magdalena kay Simon Pedro at sa alagad na mahal ni Hesus, at sinabi sa kanila, “Kinuha sa libingan ang Panginoon at hindi namin alam kung saan dinala!” Kaya’t si Pedro at ang nasabing alagad ay nagpunta sa libingan. Kapwa sila tumakbo ngunit si Pedro’y naunahan ng kasamang alagad. Yumuko ito at sumilip sa loob.

Nakita niyang nakalagay ang mga kayong lino, ngunit hindi siya pumasok. Kasunod niyang dumating si Simon Pedro at tuluy-tuloy itong pumasok sa libingan. Nakita niya ang mga kayong lino, at ang panyong ibinalot sa ulo. Hindi ito kasama ng mga kayong lino, kundi hiwalay na nakatiklop sa isang tabi. Pumasok din ang alagad na naunang dumating; nakita niya ito at siya’y naniwala.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Maligayang Kapistahan po ni Apostol San Juan! Siya’y kilala bilang ang “alagad na minamahal ni Hesus”. Ngayon nakita natin sa ebanghelyo kung gaano siya kadaling maniwala sa muling pagkabuhay ni Hesus. Minsan sa sobrang lapit mo sa isang tao na kilala mo na ito at madali mong maunawaan ang kanyang mga sinasabi. Ganito siya sa ating Panginoong Hesus.

Si Apostol San Juan na Manunulat ng Mabuting Balita (hindi si San Juan Bautista na pinsan ng Panginoon), ang itinuturing na matalik na kaibigan o “best friend” ni Hesus. Bakit siya? Ibig bang sabihin nito ay may itinatangi ang Panginoon? Hindi po. Totoong pantay-pantay ang pag-ibig ng Diyos para sa atin. Saan nagkakaiba? Sa pagtanggap ng tao. Tinanggap at pinahalagahan ni San Juan ang pagkakaibigan nila ni Hesus kaya ito lumalim. Kung ganito rin tayo sa Diyos, tiyak mapupuno ang ating puso ng Kanyang pag-ibig dahil mas lalalim ang ating samahan at pagkilala sa Kanya.

Ang matibay na pag-ibig na ito naman ang magiging baon natin habang may hinaharap na suliranin. Bago mangyari ito, kailangan muna tayong matuto na ilagay ang Diyos unang una sa lahat sa ating buhay sa tuwa man o sa dusa. Hindi natin Siya dapat ipagpalit kahit kanino o kahit saan man halimbawa na lang sa simpleng pagtupad ng ating obligasyong dumalo sa Banal na Misa tuwing Linggo.

Si San Juan ang nag-iisang apostol na nanatili sa Krus kasama ni Maria na ina ni Hesus. Isa itong tanda na para sa kanya, ang kanyang pakikipagkaibigan at pananalig sa Diyos ay karapatdapat panindigan hanggang kamatayan. Sa kanyang pananatili roon ay binuwis niya ang kanyang buhay dahil doon din ay maari na siyang dakpin at ipapatay kung gugustuhin ng mga kaaway ng Panginoon.

Ito rin marahil ang dahilan kung bakit sa lahat ng mga apostol, siya ang nag-iisang hindi namatay bilang isang martir. Siya ay nauna nang naging espirituwal na martir gaya ni Maria. Bagamat hindi napako ang kanilang pisikal na katawan sa Krus, napako naman ang puso, isip at kaluluwa roon kaisa ng paghihirap ni Hesus.

Bilang patron ng pagkakaibigan, marami tayong matututuhan sa kanya. Una, ang pagiging isang kaibigan ay nakasentro dapat kay Hesus. Mula sa Kanya, magkakaroon ng tunay na kapayapaan, pagbibigayan at pagpapatawad na kinakailangan ng anumang ugnayan sa pagkakaibigan man, pamilya, sa iba’t ibang grupo at marami pang iba. Hindi dapat tsismis o pagkamakasarili ang namamayani sa mga komunidad na ito kundi ang Mabuting Balita at pagsunod doon.

Ikalawa, ang tunay na pagkakaibigan ay bunga ng sakripisyo para sa isa’t isa. Kailangang magdamayan kapag ang isa ay nasa karanasan ng Krus. Ang tanda ng pag-ibig ay sakripisyo para sa minamahal na kapag naghihirap ang isa, dadamayan siya at makikiisa sa paghihirap na iyon gaya ng ginawa ni San Juan kay Hesus. Panghuli, kailangan din ng tiwala.

“Nang makita ni Jesus ang kanyang ina at ang minamahal niyang alagad na nasa tabi nito, sinabi niya, ‘Ginang, narito ang iyong anak!’ At sinabi niya sa alagad, ‘Narito ang iyong ina!’ Mula noon, pinatira ng alagad na ito sa kanyang bahay ang ina ni Jesus” (Juan 19:26-27).

Ipinagkatiwala ni Hesus ang kanyang ina kay San Juan doon din sa Krus. Tanda ito ng paghahabilin ni Hesus sa Simbahan at sa lahat ng Kristiyanong simbolo ni San Juan na si Maria ay atin ding ina, hindi na lang ina ni Hesus.

Nagtiwala si Hesus at nagtitiwala rin si San Juan sa kanya. Kung tayo’y tunay na nagdarasal at nananalig, ipagkakatiwala rin natin ang buong buhay natin sa Diyos at susunod sa Kanyang mga utos at katuruan kahit pa ang maging epekto ay pangungutya ng iba o kamatayan ng sariling hangarin. Ang gantimpala nama’y walang hanggang pakikipagkaibigan sa Diyos hanggang sa Langit. Amen.

Nawa’y paniwalaan at patuloy nating pagnilayan natin ito. Amen. +

Mababasa rin ito sa DSPOLA Marikina official page and website.

Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +

Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?