Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Bagong Yugto”

Marso 22, 2024. Biyernes sa Ika-5 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda.

MABUTING BALITA
Juan 10, 31-42
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, ang mga Judio’y kumuha ng bato upang batuhin si Hesus. Kaya’t sinabi sa kanila ni Hesus:
“Maraming mabubuting gawa mula sa Ama ang ipinakita ko sa inyo; alin ba sa mga ito ang dahilan at ako’y inyong babatuhin?” Sinagot siya ng mga Judio, “Hindi dahil sa mabuting gawa kaya ka namin babatuhin, kundi dahil sa paglapastangan mo sa Diyos! Sapagkat nagpapanggap kang Diyos gayong tao ka lang.” Tumugon si Hesus, “Hindi ba nasusulat sa inyong Kautusan, ‘Sinabi ko, Mga diyos kayo?’ Mga diyos ang tawag ng Kautusan sa mga pinagkatiwalaan ng salita ng Diyos, at hindi maaaring tanggihan ang sinasabi ng Kasulatan.

Ako’y hinirang at sinugo ng Ama; paano ninyong masasabi ngayon na nilalapastangan ko ang Diyos sa sinabi kong ako ang Anak ng Diyos? Kung hindi ko ginagawa ang mga ipinagagawa ng aking Ama, huwag ninyo akong paniwalaan. Ngunit kung ginagawa ko iyon, paniwalaan ninyo ang aking mga gawa, kung ayaw man ninyo akong paniwalaan. Sa gayun, matitiyak ninyong nasa akin ang Ama at ako’y nasa kanya.”

Tinangka na naman nilang dakpin siya, ngunit siya’y nakatalilis. Muling pumunta si Hesus sa ibayo ng Jordan, sa pook na noong una’y pinagbibinyagan ni Juan. Nanatili siya roon, at maraming lumapit sa kanya. Sinabi nila, “Si Juan ay walang ginawang kababalaghan, ngunit totoong lahat ang sinabi niya tungkol sa taong ito.” At doo’y maraming sumampalataya kay Hesus.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang mapagpalang Biyernes po sa ating lahat! Sa susunod na Biyernes po ay Biyernes Santo na. Tuloy tuloy na ang mga pagbasa kung saan gusto nang dakpin at ipapatay si Hesus. Unti-unti rin nating pinapatay sa ating buhay si Hesus kung tayo’y ayaw umalis sa buhay kasalanan. Ang pagpili sa lubhang masama ay ang pagputol sa relasyon natin sa Diyos. Sa panahon ngayon, ni marami ang hindi nakakaalam kung ano ang kasalanan.

Talamak na ang pagsasabi ng masama, pambabastos ng kapwa sa social media, pagmumura, panonood at pangtangkilik ng mga malalaswa, pagbibilad ng katawan para may mapatunayan sa iba at ikaangat ng sarili gayong ito’y mali, at ang pagtatalik at pagsasama ng hindi ikinakasal sa Simbahan. Ang lahat ng ito ay mga kasalanan na naging normal na sa ating lipunan sa dami ng gumagawa at wala nang nagsasabi na mali ito. Subalit, hindi nababagong mali ang mga ito at kasalanan. Hindi lang iyan ang kasalanan, marami pa.

Kapag pinipili natin ang mga ito, pilit din nating itinataboy si Hesus sa ating buhay gaya ng mga tao sa ebanghelyo ngayong araw. Ang mga kasalanan natin ang nagpako sa Kanya sa Krus. Tayo ang nagpako sa Kanya sa Krus. Kung mahalaga ang sakripisyo ni Hesus para sa atin, iisa ang dapat gawin – ang talikdan ang kasalanan. Magsimba tayo tuwing Linggo at sumunod sa Salita ng Diyos. Magkumpisal tayo lagi higit pa sa isang beses sa isang taon kundi tuwing kailangan at tuwing nakagawa ng mabigat na kasalanan.

Gawin natin ang nararapat at baguhin ang ating buhay ayon sa katuruan Niya. Saglit lang ang hirap dito subalit ang buhay na walang hanggan ay naghihintay para sa mga nagsusumikap sa pananampalataya. Hindi tayo makararating doon kung hindi natin ipapabago sa Diyos ang ating buhay. Walang sinumang makararating doon na may kasalanan, kailangang linisin muna tayo ng Diyos at maging bukas tayo sa prosesong ito.

Nawa’y paniwalaan at patuloy nating pagnilayan natin ito. Amen. +

Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +

Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?