
Marso 23, 2024. Sabado sa Ika-5 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda.
MABUTING BALITA
Juan 11, 45-56
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, marami sa mga Judiong dumalaw kay Maria ang nakakita sa ginawa ni Hesus, at nanalig sa kaniya. Ngunit ang ilan sa kanila’y pumunta sa mga Pariseo at ibinalita ang ginawa ni Hesus. Kaya’t tinipon ng mga punong saserdote at ng mga Pariseo ang mga kagawad ng Sanedrin.
“Ano ang gagawin natin?” wika nila. “Gumagawa ng maraming kababalaghan ang taong ito. Kung siya’y pababayaan natin, mananampalataya sa kanya ang lahat. Paririto ang mga Romano at wawasakin ang Templo at ang ating bansa.” Ngunit isa sa kanila, si Caifas, ang pinakapunong saserdote noon ay nagsabi ng ganito: “Ano ba kayo? Hindi ba ninyo naiisip na mas mabuti para sa atin na isang tao lamang ang mamatay alang-alang sa bayan, sa halip na mapahamak ang buong bansa?”
Sinabi niya ito hindi sa ganang kanyang sarili lamang. Bilang pinakapunong saserdote ng panahong iyon, hinulaan niyang mamamatay si Hesus dahil sa bansa – at hindi dahil sa bansang iyon lamang, kundi upang tipunin ang nagkawatak-watak na mga anak ng Diyos. Mula noon, binalangkas na nila kung paano ipapapatay si Hesus, kaya’t hindi na siya hayagang naglakad sa Judea. Sa halip, siya’y nagpunta sa Efraim, isang bayang malapit sa ilang. At doon siya nanirahang kasama ng kanyang mga alagad.
Nalalapit na ang Pista ng Paskuwa. Maraming taga-lalawigang pumunta sa Jerusalem bago mag-Paskuwa upang isagawa ang paglilinis ayon sa Kautusan. Hindi nila nakita si Hesus sa templo, kaya’t nagtanungan sila, “Ano sa akala ninyo? Paririto kaya sa pista o hindi?” Ipinag-utos ng mga punong saserdote at ng mga Pariseo na ituro ng sinumang nakaaalam kung nasaan si Hesus upang siya’y maipadakip nila.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Isang mapagpalang Sabado po sa ating lahat! Bukas ay magsisimula na ang mga Mahal na Araw. Handa na po ba tayo? Kailangan nating magkumpisal at dumalo sa Banal na Misa. Ito ang dalawang bagay na kailangan nating gawin upang maghanda.
Para sa sinapit ng Panginoon para sa kaligtasan natin, ano naman ang ating ganti sa Kanya? Marami sa atin ang abala na sa buhay, abala kapag Linggo na hindi man lamang makapagsimba at kapag Semana Santa na mga banal na araw ay ginagawa pang bakasyon. Sa totoo, kung ganito po ay tila unti-unti na nating binubura ang Diyos sa ating buhay. Itinayo Niya ang Simbahan upang ating maging espirituwal na tahanan. Hindi natin Siya dapat sambahin at mahalin sa sariling pamantayan – kung ano lamang ang madali o “convenient” o gusto natin kung hindi sa paraang gusto Niya, sa pamamagitan ng Simbahan.
Gaano ba talaga kahalaga sa atin ang Diyos? Ano ba ang kahulugan ng Kanyang pagdurusa sa atin? Kung tunay itong mahalaga, sasamahan natin Siya. Ang tunay na pagmamahal ay naipapakita kung sinasamahan natin ang minamahal sa pinakamadilim na bahagi ng Kanyang buhay. Hindi natin ito maipadarama kung kasama lang tayo sa masasaya at lilisan na tayo. Kung paano tayong nakisaya sa Pasko, ganoon din dapat ang ating sigasig sa pakikiisa kay Hesus sa Kanyang pagpapakasakit, pagkamatay at Muling Pagkabuhay.
Ang tatlong mahahalagang araw na ito – ang Banal na Triduo ay ang pinakamahahalagang pagdiriwang sa Simbahan. Ito ay mula sa hapon ng Huwebes Santo hanggang sa Easter Vigil ng Sabado. Dumalo tayo at samahan si Hesus. Ipakita natin ang pagmamahal natin sa Kanya sa pamamagitan ng pakikiisa sa mga Mahal na Araw kung saan sinasariwa ng buong Simbahan ang sakripisyo ni Hesus na nagligtas sa sangkatauhan.
Nawa’y paniwalaan at patuloy nating pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +
Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications

