Setyembre 28, 2021. Paggunita kay San Lorenzo Ruiz
at mga Kasama, mga martir.
Memorial of St. Lorenzo Ruiz and Companions, Martyrs.
UNANG PAGBASA
Zacarias 8, 20-23
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Zacarias
Ito ang ipinasasabi ng Panginoon:
“Darating sa Jerusalem ang mga taga-iba’t ibang bayan. Sila’y magyayayaan: ‘Tayo na sa Panginoon. Hanapin natin siya at mamanhik tayo sa kanya. Ako man ay pupunta roon.’ Maraming tao at bansang makapangyarihan ang pupunta sa Jerusalem upang dumulog sa Panginoon. Sa araw na yaon, sampu-sampung dayuhan ang mangungunyapit sa bawat Judio at makikiusap na isama sila dahil sa balitang ang mga Judio ay pinapatnubayan ng Diyos.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 86, 1-3. 4-5. 6-7
Ang ating Panginoong D’yos
ay kapiling nating lubos.
MABUTING BALITA
Lucas 9, 51-56
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Nang nalalapit na ang panahong iaakyat si Hesus sa langit, ipinasiya niyang pumunta sa Jerusalem. Sinugo niya ang ilan upang mauna sa kanya. Humayo sila at pumasok sa isang nayon sa Samaria upang ipaghanda siya ng matutuluyan. Ngunit ayaw siyang tanggapin ng mga Samaritano sapagkat siya’y patungo sa Jerusalem. Nang makita ito nina Santiago at Juan ay kanilang sinabi, “Panginoon, payag ba kayong magpababa kami ng apoy mula sa langit upang pugnawin sila?” Ngunit bumaling siya at pinagsabihan sila. “Hindi ninyo alam kung anong uri ng espiritu ang sumasainyo,” sabi niya, “sapagkat naparito ang Anak ng Tao hindi upang ipahamak ang mga tao kundi upang iligtas sila.” At nagtungo sila sa ibang nayon.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon
Pagninilay:
Maligayang Kapistahan po ni San Lorenzo Ruiz at mga kasamahan! Ang Panginoong Jesus ay hindi tinanggap sa isang bayan. Dahil dito, nagmungkahi ang dalawang apostol kung papaulanan sila ng apoy. Ngunit tumutol si Jesus. Alam Niyang hindi pagiging bayolente ang dapat at solusyon sa mga ganitong bagay. Siya na mismo ang nagbago ng Kanyang daan para makarating sa isang lugar kung saan Siya gagawa ng mabuti at mangangaral. Ganito nga ang ating Diyos. Kung ayaw natin ay hindi Niya tayo mapipilit.
Subalit sayang naman ang grasyang mapapasaatin kung isasara natin ang sarili sa Diyos. Kung ayaw natin Siyang pakinggan at patuluyin sa ating buhay. Nawa ay maging bukas tayo sa Diyos. Sapagkat sa Kanya nanggagaling ang lahat ng grasya sa ating buhay. Pagdating sa pagtrato sa iba na hindi rin tayo tinatanggap, maging mapagkumbaba din tayo at ipanalangin sila. Sa halip na gustuhing mapahamak sila o sabihan ng masasakit ay gayahin natin si Jesus na maawain sa lahat habang nagpapahayag ng katotohanan. Amen. +
Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +
Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications www.awitatpapuri.com

