Mayo 19, 2025
Lunes sa Ika-5 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
MABUTING BALITA
Juan 14, 21-26
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Ang tumatanggap sa mga utos ko at tumutupad nito ang siyang umiibig sa akin. Ang umiibig sa akin ay iibigin ng aking Ama; iibigin ko rin siya, at ako’y lubusang magpapakilala sa kanya.” Tinanong siya ni Judas, hindi ang Iscariote, “Panginoon,” bakit po sa amin lamang kayo magpapakilala nang lubusan at hindi sa sanlibutan?” Sumagot si Hesus, “Ang umiibig sa akin ay tutupad ng aking salita; iibigin siya ng aking Ama, at kami’y sasakanya at mananahan sa kanya. Ang hindi umiibig sa akin ay hindi tumutupad sa aking mga Salita. Hindi akin ang salitang narinig ninyo, kundi sa Amang nagsugo sa akin.
“Sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito samantalang kasama pa ninyo ako. Ngunit ang Patnubay, ang Espiritu Santo na susuguin ng Ama sa pangalan ko, ang siyang magtuturo sa inyo ng lahat ng bagay at magpapaalaala ng lahat ng sinabi ko sa inyo.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Malapit nang umakyat sa Langit sa Hesus at Siya ay naghahabilin na. Siyam na araw matapos nito, bababa naman ang Espirtu Santo. Ang Espiritu Santo ang gagabay sa atin. Nandito na nga Siya ngayon ngunit nagdarasal ba tayo sa Kanya? Ang Diyos ay wala sa malayo. Nasa Simbahan Siya, ang Kanyang Banal na Katawan at Dugo sa altar ay nasa tabernakulo naghihintay na kausapin natin. Siya rin ay nasa puso natin. Kung titingnan lamang natin Siya roon at kakausapin sa katahimikan ay matatagpuan natin Siya. Sa ganitong paraan natin makikilala ang Diyos – sa pakikipag-usap sa Kanya. Hindi natin maikakaila ang pag-anyaya sa atin ng Diyos na manalangin araw-araw. Sana huwag natin Siyang tanggihan at pakinggan natin ang boses Niya sa panalangin nang magkaroon ng linaw ang mga bagay sa ating buhay at maramdaman nating hindi tayo nag-iisa. Amen. +
Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications