Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Ano ang Pananalig?”

Hulyo 18, 2022. Lunes ng Ika-16 na Linggo sa Karaniwang Panahon.

Subscribe to Awit at Papuri Communications Channel.

Monday of the Sixteenth Week in Ordinary Time (Green).

UNANG PAGBASA
Mikas 6, 1-4. 6-8
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Mikas

Pakinggan ninyo ang kaso ng Panginoon laban sa Israel.
Tumindig ka, Panginoon, at ilahad mo ang iyong kaso. Bayaan mong marinig ng mga bundok at mga burol ang iyong sasabihin.
Mga bundok at mga pundasyon ng sanlibutan, pakinggan ninyo ang sakdal ng Panginoon laban sa Israel na kanyang bayan. Sinasabi ng Panginoon, “Bayan ko, sagutin ninyo ako.

Ano ba ang nagawa ko sa inyo? Naging pabigat ba ako sa inyo? Inialis ko kayo sa lupain ng Egipto, at tinubos sa pagkakaalipin. Sinugo ko sa inyo sina Moises, Aaron at Miriam upang kayo’y pangunahan.”

Ano ang dapat kong dalhin sa aking pagsamba sa Panginoon na Diyos na kataas-taasan? Magdadala ba ako ng guyang isang taon ang gulang bilang handog na susunugin sa kanyang harapan? Malugod kaya ang Panginoon kung siya’y handugan ko ng libu-libong tupa o walang katapusang agos ng langis ng olibo? Matuwa kaya siya kung ihandog ko sa kanya ang aking anak na panganay, ang laman ng aking laman, bilang kabayaran ng aking mga kasalanan?

Itinuro na niya sa iyo, O tao, kung ano ang mabuti. Ito ang nais ng Panginoon: Maging makatarungan ka sa lahat ng bagay, patuloy mong ibigin ang iyong kapwa, at buong pagpapakumbabang sumunod sa iyong Diyos.
Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 49, 5-6. 8-9. 16bk-17. 21 at 23
Ang masunurin sa Diyos
ay sasagipin n’yang lubos.

MABUTING BALITA
Mateo 12, 38-42
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ng ilang eskriba at Pariseo kay Hesus, “Guro, maaari po bang pagpakitaan ninyo kami ng tanda mula sa langit?” Sumagot si Hesus, “Lahing masama at di-tapat sa Diyos! Naghahanap kayo ng tanda ngunit walang ipakikita sa inyo maliban sa palatandaaang inilalarawan ng nangyari kay Propeta Jonas. Kung paanong si Jonas ay tatlong araw at tatlong gabing nasa tiyan ng dambuhalang isda, gayun din ang Anak ng Tao ay tatlong araw at tatlong gabing sasailalim ng lupa.

Sa Araw ng Paghuhukom, titindig ang mga taga-Ninive laban sa lahing ito at ito’y hahatulan ng kaparusahan, sapagkat nagsisi sila dahil sa pangangaral ni Jonas; ngunit higit na di-hamak kay Jonas ang naririto! Sa araw na yaon, titindig ang Reyna ng Timog laban sa lahing ito at ito’y hahatulan ng kaparusahan, sapagkat nanggaling siya sa dulo ng daigdig upang pakinggan ang karunungan ni Solomon; ngunit higit na di-hamak kay solomon ang naririto!”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang mapagpalang Lunes po sa ating lahat! Bakit tayo naniniwala sa Diyos? Bakit tayo patuloy na nananalangin o umaasa sa Kanya? O baka ang mas magandang tanong ay paano ba tayo nananalangin? Humihingi ba tayo sa Diyos na para bang tayo’y may karapatang humingi sa Kanya o humihingi tayo ng may kababaang loob at may pag-iisip na hindi tayo karapat-dapat sa ating mga hinihiling? Maaring iba iba tayo ng paraan ng pananalangin sa Diyos subalit iisa ang mabuti at ang totoo – dapat ang pananalangin ay may kalakip na pananampalataya.

Kapag tayo’y nananalangin, dapat naniniwala rin tayo sa Diyos at sa kabutihan Niya na tutugon Siya sa ating kahilingan at ibibigay Niya ang pinakamainam at pinakamaganda para sa atin – ito man ang hinihiling natin o hindi. Ito’y sapagkat hindi lahat ng ating hinihiling ay makabubuti sa atin. Minsan akala natin ito’y makabubuti pero hindi pala. Kaya kapag nadidismaya tayo dahil pinipilit natin ang tingin nating maganda at gusto natin, napanghihinaan tayo ng loob. Hindi na natin naiisip ang kabutihan ng Diyos na perpekto at hindi nagbabago – na mayroon pa pala Siyang planong mas maganda na hindi pa natin alam. Ngunit ang nangyayari ay bumibitaw agad sa pananalig ang tao.

Maaring nagtatampo agad o nagagalit. Subalit hintayin lamang natin at ipapahayag ng Diyos sa atin ang Kanyang karunungan sa mga bagay na hindi natin naisip sa una dahil sa sobrang emosyon. Lagi nawa nating hintayin ang Diyos. Samahan natin ito ng pananalig at tibayan natin ang loob kahit na hindi natin gusto ang nangyayari sa paligid. Patuloy pa rin tayong manalangin kahit anong mangyari. Maniwala tayong tutugon ang Diyos at mayroon Siyang solusyon at mga paraan na higit pa sa ating nalalaman.

Ang mga tao sa Ebanghelyo ay humihingi ng tanda mula kay Hesus sapagkat wala naman talaga silang pananalig. Tinatawag nila na “Guro” si Hesus ngunit hindi ito mula sa puso. Mataas ang tingin nila sa sarili dahil sa kanilang posisyon. Naghahanap sila ng tanda o pruweba pero hindi ibig sabihin nito na kapag may ebidensiya na ay maniniwala na sila. Para sa mga taong ayaw talagang maniwala, minsan kahit anong gawin ay hindi pa rin sila maniniwala. Ang tunay na nananalig ay taliwas dito. Habang mas sinusubok, mas lalong naniniwala. Kapag walang kasiguraduhan, paniniwala lang sa Diyos ang kinakapitan.

Madali tayong makalimot kung hindi natin laging aalalahahin ang kabutihan ng Diyos. Dapat nating ipagdasal hindi lamang tayo kung hindi ang lahat ng tao na nawa’y manumbalik ang paniniwala ng tao sa Diyos. Hindi madaling maunawaan ng tao ang Diyos sapagkat iba ang isip ng Diyos kaysa tao. Ang Kanyang karunungan ay higit na mas mataas kaysa sa atin, subalit hindi Siya maramot. Hindi ibig sabihin na ipagkakait Niya ang karunungan at pang-unawa. Kung tayo’y may mga duda at pag-aalinlangan, sa Diyos dapat tayo sumangguni hindi sa sarili, sa kung sinu-sino, o dumepende sa pera at kung saan pa.

Tandaan nating sa Diyos galing ang lahat ng maganda at mabuti. Piliin nawa natin na unahing manalangin at makinig sa Diyos na may gawa ng langit at lupa. Siya ay lubos ang pag-ibig sa atin na wala Siyang itinira maging ang sariling Anak para tayo’y matubos sa ating mga kasalanan. Ano pa ang hindi Niya ibibigay sa atin na pinakamabuti sa atin? Ibibigay Niya ang lahat, tibayan lamang natin ang loob na manalig sa Kanya kahit pa dumaranas ng matinding pagsubok at paghihirap. Amen.  +

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +

Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?