
Setyembre 27, 2021. Paggunita kay San Vicente de Paul, pari.
UNANG PAGBASA
Zacarias 8, 1-8
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Zacarias
Sinabi sa akin ng Panginoon, “Ganito ang sabihin mo: Sabik na sabik na akong ipadama sa Jerusalem ang aking pagmamahal at ang poot ko’y nag-aalab laban sa mga dumuhagi sa kanya. Babalik ako sa Jerusalem at maninirahan uli roon. Ito’y tatawaging Lungsod ng Katotohanan at ang bundok na itinalaga sa akin ay tatawaging Banal na Bundok. Hahaba ang buhay ng mga taga-Jerusalem. Marami na uling makikitang matatandang babae’t lalaking nakatungkod na naglalakad sa mga plasa at lansangan. Ang mga lansangan ay mapupuno ng mga batang naglalaro. Aakalain ng mga natira sa Israel na mahirap itong mangyari. Sabihin mong sa akin ay walang hindi mangyayari. Ang mga anak ng aking bayan na natapon sa mga lupain sa silangan at kanluran ay ililigtas ko at muling ibabalik sa Jerusalem. Sila ay magiging bayan ko at ako ang magiging Diyos nila. Ako at sila’y mananatiling tapat sa aming tipanan.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 101, 16-18. 19-21. 29 at 22-23
Panginoo’y mahahayag
kapag Sion ay natatag.
MABUTING BALITA
Lucas 9, 46-50
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, nagtalu-talo ang mga alagad kung sino sa kanila ang pinakadakila. Batid ni Hesus ang kanilang iniisip, kaya’t tinawag niya ang isang maliit na bata at pinatayo sa tabi niya. At sinabi niya sa kanila, “Ang sinumang tumatanggap sa batang ito alang-alang sa akin ay tumatanggap sa akin; at sinumang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin. Ang pinakaaba sa inyong lahat ay siyang pinakadakila.”
Sinabi ni Juan, “Guro, nakita po namin ang isang taong nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ng pangalan ninyo. Pinagbawalan namin siya sapagkat siya’y hindi natin kasamahan.” Ngunit sinabi ni Hesus, “Huwag ninyo siyang pagbawalan; sapagkat ang hindi laban sa atin ay kapanig natin.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Maligayang Kapistahan po ni San Vicente de Paul! Isang batang paslit ang sinasabi ni Jesus na modelo nating lahat. Ang mga alagad na pundasyon ng Simbahan ang unang sinabihan ni Jesus ng ganoon. Isang bata? Marahil magtataka ang marami kung ano ang magagawa ng isang bata. Kung ang bata na ito ay walang ibang ginawa kung hindi sumunod sa Diyos, isa siyang santo. Sapagkat tayong mga malalaki na at mayroon nang sariling isip ay napakalapit ang tukso na laging paniwalaan ang sarili. Ang isang bata ay laging nakadepende sa kanyang magulang. Alam niyang hindi niya kaya ang lahat at kailangan nito lagi ng gabay at aruga ng kanyang magulang. Kung ganito tayo sa Diyos, napakarami nating magagawa at higit pa sa ating inaakala.
Sapagkat ang ating lakas ay magiging sa Diyos. Hindi na tayo magkukulang pa. Kaya naman, sikapin nating maging gaya ng isang bata. Mababa ang loob, handang sumunod at madaling magtiwala sa Diyos na Siyang ating Ama sa langit. Amen. +
Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +
Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications www.awitatpapuri.com

