
Disyembre 30, 2023. Ika-6 na Araw ng Pagdiriwang sa Pasko ng Pagsilang.
MABUTING BALITA
Lucas 2, 36-40
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, naroon sa templo ang isang propetang babae na ang pangalan ay Ana, anak ni Fanuel na mula sa lipi ni Aser. Siya’y napakatanda na. Pitong taon lamang silang nagsama ng kanyang asawa, nang siya’y mabalo. At ngayon, walumpu’t apat na taon na siya. Lagi siya sa templo at araw-gabi’y sumasamba sa Diyos sa pamamagitan ng pag-aayuno at pananalangin. Lumapit siya nang oras ding iyon at nagpasalamat sa Diyos. Nagsalita rin siya tungkol kay Hesus sa lahat ng naghihintay sa pagpapalaya ng Diyos sa Jerusalem.
Nang maisagawa ng mga magulang ni Hesus ang lahat ng bagay ayon sa Kautusan, bumalik na sila sa kanilang bayan, sa Nazaret, Galilea. Ang batang si Hesus ay lumaking malakas, marunong at kalugud-lugod sa paningin ng Diyos.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Isang mapagpalang Sabado po sa ating lahat! Ang bokasyon o tawag ng Diyos kay Ana ay isang paalala sa ating lahat na tayo ay tinatawag sa buhay pananalangin. Si Ana ay isang propetang babae na mula ng mabiyuda ay walang ginawa kundi magdasal at mag-ayuno mula umaga hanggang gabi. Hindi man tayo maging tulad ni Anang nakatira sa templo upang magawa ang lahat ng iyan sa ating kanya-kanyang buhay, magagampanan natin ang kailangan para sa Diyos kung gugustuhin natin. Maari rin tayong magsakripisyo sa maliliit na paraan tulad ng pagbibigay ng pagkain sa nagugutom mula sa kakaunting mayroon tayo.
Ang ebanghelyo ay isa ring paalala na ang buhay natin ay galing sa Diyos at dapat ay bumalik sa kanya. Si Ana ay nanalangin at naghihintay hanggang makilala niya ng mukha sa mukha ang Mesiyas na ipinangako ng Diyos. Sa dulo ng ating buhay, ang Panginoon ay makikita rin natin dahil huhusgahan tayo base sa ating ginawa. Ano ang natatanging misyon natin mula sa Diyos? Para saan tayo nabubuhay?
Isang magandang dapat naging gawin ay tingnan kung ano ang direksyon ng ating buhay, saan tayo nanggaling at kung ito ba ang tunay na kalooban ng Diyos sa atin. Tiyak kapag nalaman natin ang tunay na hangarin ng Diyos para sa atin, doon tayo pinakamagiging masaya at payapa kahit pa taliwas ito sa uso sa mundo. Tulad ng ginawa ni Ana na buong pusong tumugon sa tawag ng Diyos, nawa tayo rin ay makatugon sa Kanyang tawag sa atin gaano man ito kahirap.
Nawa’y paniwalaan at patuloy nating pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +
Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications

