Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF Uncategorized

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Diyos na Ating Ama”

 

 

 

 

 

Hunyo 16, 2022. Huwebes ng Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon.

Subscribe to Awit at Papuri Communications Channel.

Thursday of the Eleventh Week in Ordinary Time (Green).

UNANG PAGBASA
Sirak 48, 1-15
Pagbasa mula sa aklat ni Sirak

Sumunod na lumitaw si Elias na parang apoy,
parang sulong nagliliyab ang kanyang mga salita.
Dahil sa alab ng kanyang galit sa kanilang kasamaan,
pinadalhan niya sila ng taggutom, at marami sa kanila ang nangamatay.
Sa ngalan ng Diyos, pinigil niya ang ulan,
at tatlong ulit siyang nagpaulan ng apoy.
Kagila-gilalas ang iyong mga kababalaghan, Elias!

Sino ang makatutulad sa mga ginawa mo?
Binuhay mong muli ang isang patay;
inagaw mo siya sa kamatayan sa ngalan ng Kataas-taasan.
Ibinagsak mo ang mga hari at pinukaw sa pagtulog ang mga maharlika,
at pinapunta mo sila sa kanilang kamatayan.
Ikaw ang nakarinig ng mga babala ng Diyos doon sa Sinai
at ng mga parusang inihayag niya sa bundok ng Horeb.

Ikaw din ang nagtalaga sa mga haring pinili para maghiganti,
at sa propetang hahalili sa iyo.
Sa wakas, iniakyat ka sa langit ng isang ipu-ipo,
lulan ng isang karwaheng hila ng mga kabayong nag-aapoy.
Nasusulat na ikaw ay babalik sa takdang panahon,
upang paglubagin ang galit ng Diyos bago sumapit ang takdang araw;
para pagsunduin ang mga magulang at mga anak,
at muling tipunin ang mga lipi ng Israel.

Mapapalad ang mga makakakita sa iyo
at yaong mga namatay na umiibig sa Diyos,
sapagkat kami rin ay mabubuhay.
Nang si Elias ay madala ng ipu-ipo,
ang diwa niya’y minana ni Eliseo.
Hindi siya natakot kailanman sa sinumang hari,
at walang sinumang nakapagpasuko sa kanya.

Walang gawaing hindi niya makayang gawin,
at nang mamatay, pati bangkay niya’y nagpakita ng himala.
Nang nabubuhay, gumawa siya ng maraming himala;
ngunit nang mamatay, kapangyarihan niya’y kahanga-hanga.
Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 96, 1-2. 3-4. 5-6. 7
Sa Panginoo’y magalak
ang masunuri’t matapat.

MABUTING BALITA
Mateo 6, 7-15
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Sa pananalangin ninyo’y huwag kayong gagamit ng napakaraming salita gaya ng ginagawa ng mga Hentil. Ang akala nila’y pakikinggan sila ng Diyos dahil sa dami ng kanilang salita. Huwag ninyo silang tutularan. Sapagkat alam na ng iyong Ama ang inyong kinakailangan bago pa ninyo hingin sa kanya.

Ganito kayo mananalangin:
‘Ama naming nasa langit,
sambahin nawa ang pangalan mo.
Ikaw nawa ang maghari sa amin,
sundin nawa ang iyong kalooban
dito sa lupa tulad ng sa langit.
Bigyan mo kami ng pagkaing kailangan namin sa araw na ito;
at patawarin mo kami sa aming mga kasalanan,
tulad ng aming pagpapatawad sa mga nagkakasala sa amin.

At huwag mo kaming iharap sa mahigpit na pagsubok,
kundi ilayo mo kami sa Masama!
Sapagkat iyo ang kaharian at ang
kapangyarihan at ang kapurihan,
magpakailanman! Amen.’
Sapagkat kung pinatatawad ninyo ang mga nagkakasala sa inyo, patatawarin din kayo ng inyong Amang nasa langit. Ngunit kung hindi ninyo pinatatawad ang mga nagkakasala sa inyo, hindi kayo patatawarin ng inyong Ama.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang mapagpalang Martes po sa ating lahat! Isang napakagandang panalangin ang itinuro ng Panginoon sa atin. Marami sa atin ang kabisadong kabisado na ang dasal na ito subalit napagninilayan kaya natin at naisasabuhay? Unang una, tinatawag natin Siya sa dasal na ito na “Ama Namin” subalit talaga bang hinahayaan mo Siya na maging “Ama” sa iyong buhay? Ang isang Ama ay ang nagbibigay ng lahat ng kailangan ng anak. Ang anak ay hindi kailangang matakot at mag-aalala kapag mayroon siyang isang Mabuting Ama na laging nasa tabi niya. Ganito rin ang ating Ama sa langit.

Kung tayo naman ay napupuno ng alalahanin ay kailangan lamang nating magdasal at nang mapaalalahanan tayong mayroon tayong Ama na hindi tayo pababayaan anuman ang ating problema at gaano man kalaki ito sa ating paningin. Sa ating patuloy na pananalangin ay ipapaalala sa atin ng Espiritu Santo na hindi hamak na mas malaki at mas dakila ang Diyos kaysa sa lahat ng suliranin sa buhay. Bilang Kanyang mga anak ay nasa atin ang tagumpay sa bandang huli kahit mahirap man ang pagdaraanan. Ang kapangyarihan ng Diyos ay payak, ang problema ay ang kahinaan o kawalan ng ating pananampalataya. Ito lamang ang hiling ng Diyos sa atin na tayo’y magtiwala at manalig sa Kanya kahit hindi na natin maintindihan ang mga nangyayari sa ngayon.

Hindi Siya nawawala sa atin at kung tayo ang lumalayo sa Kanya, malapit pa rin Siya. Ang nangyayari lamang ay ginagawa lang nating tila bulag, pipi at bingi ang ating sarili dahil ayaw makita o marinig ang dapat na tamang gawin natin. Ang konsensiya ay pilit tinatabunan subalit lagi itong nariyan. Dito tayo kinakausap ng Diyos. Dito Niya ipinapahiwatig sa atin kung ano ang tama o mali. Kahit kailan, hindi tayo sinukuan nang Diyos hanggang tayo’y bumalik sa Kanya. Bilang Ama, tawagin natin Siya tuwing kailangan natin hindi lamang tuwing nagdarasal ng “Ama Namin” kung hindi sa araw-araw ng ating buhay at kung kailan natin naisin.

Tawagin natin Siya bilang tunay nating “Ama” o “Tatay”. Malapit na nga ang Father’s Day at hindi lahat sa atin ay mayroong nakagisnang ama o buhay pa ang ama, subalit ang nag-iisang Diyos Ama natin sa langit ay naririyan lamang at naghihintay na sana Siya naman ang ating pagtuunan ng pansin, mahalin, sundin at pagsilbihan. Lahat ng mayroon tayo at ng buhay natin ay galing sa Kanya. Ano ang ating balik sa Diyos? Uhaw ang Diyos sa ating pag-ibig habang tayo’y abalang abala sa kung anu-anong lumilipas na bagay sa mundo. Kumusta ang ating relasyon at pakikitungo sa Kanya?

Marahil kung wala pa at tila ito ay nanlalamig na, panahon na upang tanggapin nating muli ang Diyos bilang ating Ama. Pagnilayan natin ang mga salita sa “Ama Namin” para tuwing kakantahin o dadasalin natin ito ay talagang galing sa puso hindi lamang iyong salita lamang na mula sa bibig. Sa huli, dapat din nating malaman na ang pananalangin ay hindi lamang sa salita kung hindi sa katahimikan din. Ang dasal ay totoong dasal kung ito’y mula sa puso at nanunuot sa atin ang kahulugan ng bawat salita.

Bukod dito, nawa’y matuto tayong magsabi sa Kanya ng buong buo nating nararamdaman at iniisip. Sa gayon ding paraan ay matuto naman din tayong makinig kung ano ang Kanyang sasabihin gaya ng isang mabuting anak. Ito’y nang sa gayon ay malaman natin ang Kanyang karunungan, saloobin at gabay sa ating buhay bilang ating Ama. Sa ating pagiging bukas at sa ating pakikinig sa Kanya lamang magkakatotoo sa ating buhay ang mga linyang “Sundin ang loob mo dito sa lupa para nang sa langit.” Nawa’y maintindihan at maisabuhay natin ang nasa panalanging itinuro sa atin ni Hesus. Amen. +

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +

Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications www.awitatpapuri.com

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Uncategorized

Vanguards of Truth

Our ministry aims to address and refute baseless accusations made by adversaries of the Church, while also educating nominal Catholics