Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Diyos na Mapagpala”

 

 

 

Ika-19 ng Disyembre
(Simbang Gabi)

MABUTING BALITA
Lucas 1, 5-25
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong si Herodes ang hari ng Judea, may isang saserdote na ang ngala’y Zacarias, sa pangkat ni Abias. At mula rin sa lipi ni Aaron ang kanyang asawang si Elisabet. Kapwa sila kalugud-lugod sa paningin ng Diyos, namumuhay nang ayon sa mga utos at tuntuning mula sa Panginoon. Wala silang anak sapagkat baog si Elisabet, at sila’y matanda na.

Ang pangkat ni Zacariaas ang nanunungkulan noon, at siya’y naglilingkod sa harapan ng Diyos bilang saserdote. Nang sila’y magsapalaran, ayon sa kaugalian ng mga saserdote, siya ang nahirang na maghandog ng kamanyang. Kaya’t pumasok siya sa templo ng Panginoon sa oras ng pagsusunog ng kamanyang, samantalang nagkakatipon sa labas ang mga tao at nananalangin.

Walang anu-ano’y napakita sa kanya ang isang anghel ng Panginoon, nakatayo sa gawing kanan ng dambanang sunugan ng kamanyang. Nagulat si Zacarias at sinidlan ng matinding takot nang makita ang anghel. Ngunit sinabi nito sa kanya, “Huwag kang matakot, Zacarias! Dininig ng Diyos ang panalangin mo. Kayo ni Elisabet ay magkakaanak ng isang lalaki, at Juan ang ipangangalan mo sa kanya.

Ikaw ay matutuwa at magiging maligaya, at marami ang magagalak sa kanyang pagsilang sapagkat siya’y magiging dakila sa paningin ng Panginoon. Hindi siya iinom ng alak o anumang inuming nakalalasing. Sa sinapupunan pa lamang ng kanyang ina, mapupuspos na siya ng Espiritu Santo. Marami sa mga anak ng Israel ang panunumbalikin niya sa kanilang Panginoong Diyos.

Mauuna siya sa Panginoon, taglay ang espiritu at kapangyarihan ni Elias, upang pagkasunduin ang mga ama at ang mga anak, at panumbalikin sa daan ng matuwid ang mga suwail. Sa gayon, ipaghahanda niya ng isang bayan ang Panginoon.”

Sinabi ni Zacarias sa anghel, “Paano ko po matitiyak na mangyayari ito? Sapagkat ako’y napakatanda na at gayon din ang aking asawa.” Sumagot ang anghel, “Ako si Gabriel na naglilingkod sa harapan ng Diyos. Sinugo ako upang ihatid sa iyo ang mabuting balitang sinabi ko na sa iyo. At ngayon, mabibingi ka’t hindi makapagsasalita hanggang sa araw na maganap ang mga bagay na ito, sapagkat hindi ka naniwala sa mga sinabi ko na matutupad pagdating ng takdang panahon.”

Samantala, naghihintay naman kay Zacarias ang mga tao. Nagtaka sila kung bakit nagtagal siya nang gayon sa loob ng templo. Paglabas niya ay hindi na siya makapagsalita, mga senyas na lamang ang ginagamit niya; kaya natanto nila na nakakita siya ng pangitain. At siya’y nanatiling pipi.
Nang matapos ang panahon ng kanyang paglilingkod ay umuwi na siya. Hindi nga nagtagal at naglihi si Elisabet, at hindi ito umalis ng bahay sa loob ng limang buwan.

“Ngayo’y nilingap ako ng Panginoon,” wika ni Elisabet. “Ginawa niya ito upang alisin ang aking kadustaan sa harapan ng mga tao!”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang mapagpalang Martes po sa ating lahat! Ang ibig sabihin ng pangalan ni Juan ay “God is gracious”. Sa kanyang paghahanda sa mga tao para sa pagdating ng Panginoon, pinapakita ng Diyos ang Kanyang grasya at awa sa ating lahat. Ang pagdating ng Kanyang Anak ay hindi paghuhusga kung hindi pag-ibig. Darating ang paghuhusga sa Kanyang muling pagdating. Kailangan tayong maghanda rito. Ang pag-ibig para sa Diyos ang makakapagbago sa atin. Kung mahal natin ang Diyos, gugustuhin nating makinig sa Kanyang salita at sundin ito.

Kung hindi, ang tanging mahalaga lamang sa atin ay ang sarili. Maaring maging masaya saglit sa pakiramdam kung masunod ang sariling mithiin ngunit wala itong saysay at kahihinatnang mabuti kung hindi nag-uugat sa Diyos. Mapapagod din tayo at susuko.

Si Juan Bautista ang ehemplo ng isang taong walang ginawa sa buong buhay kundi ang gusto ng Diyos. Mahalaga lamang sa kanya ang kanyang misyon at ang matupad ito. Kahit pa siya’y manirahan sa ilang, maging bukod at iba sa mga tao para lang ipahayag ang Mabuting Balita, hindi niya alintana ang mga ito. Walang kailangang papuri o pagtanggap, si Juan ay nagpatuloy sa kanyang misyong ituro ang Mesiyas.

Naging matagumpay ito at ang kanyang mga disipulo ay sumunod kay Hesus. Mawalan man siya ng taga-sunod, alam niyang narating ng mga iyon ang dapat puntahan – ang Diyos at hindi siya. Maging masigasig din tayong hanapin ang sarili nating misyon sa buhay. Iisa lang ang siguradong tanda nito, ito’y mula sa Diyos at dinadala rin tayo patungo sa Kanya.

May kapayapaan sa puso nating matagpuan at matupad ito kahit mahirap pa ang pagdaanan. Papurihan natin ang Diyos dahil Siya’y lubos na maawaain at mabibiya kahit pa sa ating mga makasalanan. Lahat nawa ng ating kilos, salita at gawa ay maging mabuti at magbigay luwalhati sa Kanya. Amen.
Nawa’y paniwalaan at patuloy nating pagnilayan natin ito. Amen. +

Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +

Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?