ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Ginawang Bago ng Diyos”
Enero 25, 2024. Kapistahan ng Pagbabagong-Buhay ni Apostol San Pablo.
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 22, 3-16
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol
Noong mga araw na iyon, sinabi ni Pablo sa mga tao, “Ako’y isang Judio, ipinanganak sa Tarso ng Cilicia ngunit lumaki rito sa Jerusalem. Nag-aral ako kay Gamaliel at buong higpit na tinuruan sa Kautusan ng ating mga ninuno. Tulad ninyong lahat, ako’y masugid na naglilingkod sa Diyos. Inusig ko at ipinapatay ang mga sumusunod sa Daang ito. Ipinagapos ko at ipinabilanggo sila, lalaki’t babae.
Makapagpapatotoo tungkol dito ang pinakapunong saserdote at ang buong kapulungan ng matatanda. Binigyan pa nila ako ng mga sulat para sa mga Judio sa Damasco, at pumunta ako roon upang dakpin ang mga tagasunod doon at dalhin dito sa Jerusalem upang parusahan.
“Magtatanghaling-tapat noon, at malapit na ako sa Damasco. Biglang kumislap sa aking paligid ang isang matinding liwanag mula sa langit. Nasubasob ako sa lupa, at narinig ko ang isang tinig na nagsabi sa akin, ‘Saulo, Saulo! Bakit mo ako pinag-uusig?’ Ako’y sumagot, ‘Sino po kayo, Panginoon?’ ‘Ako’y si Hesus na taga-Nazaret na iyong pinag-uusig,’ tugon niya. Nakita ng mga kasama ko ang liwanag, ngunit hindi nila narinig ang tinig ng nagsalita sa akin.
At akin ding itinanong, ‘Ano po ang gagawin ko, Panginoon?’ Ang tugon sa aki’y, ‘Tumindig ka at pumunta sa Damasco. Sasabihin sa iyo roon ang lahat ng dapat mong gawin.’ Nabulag ako dahil sa kaningningan ng liwanag na iyon, kaya’t ako’y inakay na lamang ng mga kasama ko papasok sa Damasco.
“May isang lalaki sa Damasco na ang pangala’y Ananias. Siya’y taong may takot sa Diyos, tumutupad sa Kautusan, at iginagalang ng mga Judiong naninirahan doon.
Pinuntahan niya ako, tumayo sa tabi ko at sinabi sa akin, ‘Kapatid na Saulo, makakakita ka na.’ Noon di’y nanauli ang aking paningin at nakita ko siya. Sinabi pa niya, ‘Hinirang ka ng Diyos ng ating mga ninuno upang mabatid mo ang kanyang kalooban, makita ang kanyang Banal na Lingkod at marinig ang kanyang tinig. Sapagkat ikaw ay magiging saksi niya upang patotohanan sa lahat ng tao ang iyong nakita at narinig. At ngayon, huwag ka nang mag-atubili. Tumindig ka, tumawag ka sa kanyang pangalan at magpabinyag, at magiging malinis ka sa iyong mga kasalanan.’”
Ang Salita ng Diyos.
MABUTING BALITA
Marcos 16, 15-18
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, nagpakita si Hesus sa Labing-isa at sinabi sa kanila, “Humayo kayo sa buong sanlibutan at ipangaral ninyo sa lahat ang Mabuting Balita. Ang sumasampalataya at magpabinyag ay maliligtas, ngunit ang hindi sumampalataya ay parurusahan. Ang mga sumampalataya ay magtataglay ng ganitong tanda ng kapangyarihan: sa pangalan ko’y magpapalayas sila ng mga demonyo at magsasalita ng ibang wika; sila’y hindi maaano dumampot man ng ahas o uminom ng lason; at gagaling ang mga maysakit na mapatungan ng kanilang kamay.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Maligayang Kapistahan ng Pagbabagong-Buhay ni Apostol San Pablo! Bakit nga niya kinailangang magbagong-buhay? Matatandaang inuusig niya ang mga Kristiyano at pinarurusahan. Isa siyang Pariseo at iniisip niyang tama ang kanyang ginagawa dahil para sa kanilang mga Hudyo, mali si Hesus at ang lahat ng Kanyang ginawa. Ngunit marahil dahil malinis ang kanyang hangarin at akala’y ginagawa niya ang tama para sa Diyos, binigyan siya ng espesyal na grasya para sa mabilis na pagbabagong-buhay.
Ito ay magagawa lamang ng Diyos.
Hindi si San Pablo ang may gawa nito kundi ang Diyos. Ang isang taong maraming pinahirapan at pinatay na Kristiyano ay naging isa sa dalawang prinsipe ng Simbahan. Ito ay isang napakalaking biyaya na Diyos. Siya ang tumawag kay San Pablo upang magbagong-buhay at makilala Siyang tunay. Halos kalahati ng Bagong Tipan ay isinulat ni San Pablo at dahil sa kanya, lumago ang Simbahan sa pagtatayo ng mga komunidad sa iba’t ibang lugar. Si San Pedro ay ang bato na pundasyon ng Simbahan at si San Pablo naman ay ang mahalagang instrumento ng Diyos para sa mga misyon gaya ng labindalawang apostol.
Lahat tayo ay mga nanakit din sa Diyos subalit ang lahat ay may buhay na walang hanggan pa ring aasahan kung gagawin lamang sana natin ang tama. Ang tamang gawin ay magsuri tayo ng sarili araw-araw bago matulog. Humingi tayo ng tulong sa Espiritu Santo upang ipakita sa atin ang lahat ng Kanyang grasya at lahat ng ating maling ginawa at sinabi o mga mabubuting bagay na dapat nating ginawa ngunit hindi natin ginawa.
Walang sinuman ang makapagsasabi siya ay malinis at banal na at wala nang kailangan pang gawin sa sarili. Habang tayo’y nabubuhay dito sa mundo, kailangan nating labanan ang tukso at ang masama. Walang sinumang may bahid ng dumi ang makapapasok sa Langit. Aminin natin ang mga kahinaan at kasalanan natin sa Diyos at humingi ng tawad sa Kanya. Dumalo tayo sa Banal na Misa at magkumpisal.
Hindi man lahat ay makatanggap ng mabilisang pagbabago sa buhay gaya ng kay San Pablo, maari naman tayong magbagong-buhay sa araw-araw na ginawa ng Diyos, sa mga maliliit na bagay. Dito ngayon sa mga ordinaryong bahagi ng buhay ay maari tayong mapalapit sa Diyos at maging banal. Hindi na kailangang maghintay pa ng malaking himala. Gawin na natin ang tama, mabuti at makakaya ngayon pa lamang.
Nawa’y paniwalaan at patuloy nating pagnilayan natin ito. Amen. +
San Pablo Apostol, ipanalangin mo po kami. Amen. +
Mababa rin ang artikulo na ito sa OLA Marikina website.
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +
Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri