Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Habag at Hindi Hain”

 

 

Hulyo 15, 2022. Paggunita kay San Buenaventura,obispo at pantas ng Simbahan.

Subscribe to Awit at Papuri Communications Channel.

Memorial of St. Bonaventure
Bishop and Doctor of the Church (White)

Mga Pagbasa mula sa
Biyernes ng Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon.

UNANG PAGBASA
Isaias 38, 1-6. 21-22. 7-8
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Noong mga araw na iyon, nagkasakit nang malubha si Ezequias, kaya siya’y dinalaw ni Isaias na anak ni Amoz. Sinabi niya sa hari ang utos na ito ng Panginoon: “Ipatawag mo ang iyong sambahayan at gawin mo na ang iyong mga huling habilin, sapagkat hindi ka na gagaling.” Pagkarinig nito, humarap siya sa dingding at nanalangin! “O Panginoon, alam mo kung paano ako namuhay sa iyong harapan. Naglingkod ako sa iyo nang tapat at ang ginawa ko’y pawang nakalulugod sa iyong paningin.”

Pagkatapos, nanangis siya nang malakas. Nagsalita uli ang Panginoon kay Isaias. Wika sa kanya, “Sabihin mo kay Ezequias ang sinasabi ng Panginoon, ang Diyos ng iyong ninunong si David: ‘Nakita ko ang iyong pagluha at narinig ko ang iyong dalangin; kaya labinlimang taon ka pang mabubuhay. Hindi lamang iyon, ikaw at ang lungsod na ito’y hindi maaano, pagkat ipagtatanggol ko kayo laban sa hari ng Asiria.’”

Si Isaias ay nagpakuha ng pantapal na igos para sa bukol ni Ezequias; gumaling naman ito. At itinanong ni Ezequias, “Ano ang magiging palatandaan na ako’y maaari nang umakyat sa Templo?”
“Ito ang palatandaang ibibigay sa iyo ng Panginoon para patunayang tutupdin niya ang kanyang pangako. Ang anino sa orasan sa palasyo ni Haring Acaz ay pababalikin niya ng sampung guhit.” At gayun nga ang nangyari.
Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Isaias 38, 10. 11. 12abkd. 16
Buhay ko’y ‘yong iniligtas,
pag-iral ko’y walang wakas.

MABUTING BALITA
Mateo 12, 1-8
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, isang Araw ng Pamamahinga, naparaan si Hesus sa triguhan. Nagutom ang kasama niyang mga alagad kaya’t nangitil sila ng uhay at kinain ang mga butil. Nang makita ito ng mga Pariseo, sinabi nila sa kanya, “Tingnan mo ang ginagawa ng iyong mga alagad. Bawal iyan kung Araw ng Pamamahinga.” Sumagot si Hesus, “Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David nang magutom siya at ang kanyang mga kasama? Pumasok siya sa bahay ng Diyos at kumain ng tinapay na handog sa Diyos at pinakain din niya ang kanyang mga kasama.

Labag sa Kautusan na kanin nila ang tinapay na iyon sapagkat ang mga saserdote lamang ang may karapatang kumain niyon. Hindi pa ba ninyo nababasa sa Kautusan ni Moises na tuwing Araw ng Pamamahinga, lumalabag sa batas tungkol sa araw na ito ang mga saserdote sa templo, gayunma’y hindi nila ipinagkakasala iyon? Sinasabi ko sa inyo, naririto ang isang higit na dakila kaysa templo. Hindi sana ninyo hinatulan ang mga walang sala kung alam ninyo ang kahulugan ng mga salitang ito, ‘Habag ang ibig ko, hindi hain.’ Sapagkat ang Araw ng Pamamahinga ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng Anak ng Tao.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Maligayang Paggunita po kay San Buenaventura! Kung nais niyo pong basahin ang kanyang buhay, ito po ay matatagpuan sa link sa may dulo ng post na ito. Ang mga Pariseo ay nagalit kay Hesus sapagkat sa kanilang mata, Siya ay gumagawa ng mali. Hinatulan nila Siya ng pagkakasala subalit sumagot si Hesus para ipahayag ang Kanyang katwiran at para ipaalam na dapat huwag hatulan ang mga inosente. Ano ba ang ginawa ni Hesus at ng Kanyang mga alagad? Namitas lamang sila at kumain ng uhay sapagkat sila’y nagutom.

Para sa mga Pariseo, ito’y isang kasalanan sapagkat bawal igalaw maging ang mga kamay sa Sabbath o araw ng pamamahinga. Para sa kanila ito ay isang trabaho na. Ano naman ang sabi ni Hesus? “Habag ang ibig ko, hindi hain.” Ibig sabihin, higit na mas mahalaga para sa Kanya ang pag-unawa sa kapwa, ang pag-iintindi sa kapwa, at ang pagkakawanggawa. Mas higit sa mata ng Diyos ang mabubuting gawain kaysa ang mag-alay lamang sa Diyos ayon sa batas subalit wala namang tunay na malasakit sa kapwa.

Ang mga Pariseo ay nakatuon lamang sa kung sa kung ano ang tama o mali ayon sa batas. Masyado silang nakatutok sa paghahanap kung ano ang maling ginagawa ng iba kaya ang nangyayari, ang kanilang disposisyon lagi ay paghatol kaysa pang-unawa. Hindi na nila nakikita pa kung paano unawain ang kapwa nilang nangangailangan o nagugutom. Hindi hamak na mas mahalaga na lamang sa kanila ang paghatol nila ayon sa kanilang pananaw.

Tayo naman, mga kapatid, alin ba tayo dito? Simula noong naging talamak ang social media ay tila mas madali nang husgahan ang tao base sa itsura, sa post, sa komento at marami pang bagay. Napakadali na ring manira, mamintas at magsabi ng masasakit na salita sa kapwa nang hindi man lang sinusubukang lawakan ang isip. Nakakaligtaan na ng karamihan na mas unawain ang mga bagay bago magsalita. Nagkakaroon ng maraming fake news dahil wala nang nagtatama kung mali man. Nagiging halu-halo na ang tama at mali dahil lahat ay maari nang magsalita ng anumang gusto nila.

Isang click lang ay maari nang i-post ang saloobin kahit ano pa ang nakasulat dito na hindi laging pinag-iisipan o pinagdadasalan. Nagiging ganito ba tayo, kahit minsan? Ngayon ay nagpapaalala sa atin si Hesus kung ano ang dapat gawin – awa ang ating ibigay sa kapwa. Iwasan nating maging mapagmataas o yung masyadong mataas ang tingin sa sarili hanggang sa puntong para sa atin ay kayang kaya nating apakan ang pagkatao ng iba gamit ang salita.

Tandaan nating bawat isa ay gawa sa wangis at larawan ng Diyos. Wala tayong karapatang maghusga sapagkat tayo ang huhusgahan sa ating pagkamatay at sa wakas ng panahon. Tayo ang haharap sa Diyos at Siya lamang ang Tagapaghusga sa mga araw na iyon. Ang ating trabaho bilang mga tunay na anak ng Diyos ay magpahayag at magbigay ng awa sa kapwa lalo sa mga nangangailangan. Ito lamang ang dapat at kailangan. Amen. +

Basahin ang Buhay ni San Buenaventure dito: http://ourparishpriest.blogspot.com/2022/07/saints-of-july-san-buenaventura-obispo.html

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +

Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?