
Hulyo 13, 2022. Miyerkules ng Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon
o kaya Paggunita kay San Enrico.
Subscribe to Awit at Papuri Communications Channel.
Wednesday of the Fifteenth Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of St. Henry, King (White).
UNANG PAGBASA
Isaias 10, 5-7. 13-16
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Ito ang sinasabi ng Panginoon:
Ikaw Asiria ang gagamitin kong pamalo
at malupit na kasangkapan ng aking galit.
Susuguin ko siya laban sa isang bayang tampalasan, sa bayang kinapopootan ko,
upang ito’y wasakin at samsaman ng lahat ng yaman
at yurakang parang putik sa lansangan.
Ngunit wala ito sa kanyang isipan,
hindi ito ang kanyang hangad.
Ang layunin niya’y manira at magpasuko ng maraming bansa.
Sapagkat ganito ang sabi niya:
“Nagawa ko iyan pagkat ako’y malakas, marunong at matalino.
Inalis ko ang hangganan ng mga bansa,
at sinamsam ko ang kanilang mga kayamanan,
at ibinagsak sa lupa ang mga nakaluklok sa trono.
Kinamkam ko ang kayamanan ng mga bansa na parang kumukuha ng pugad ng ibon.
Dinampot ko ang buong daigdig
na parang dumadampot ng itlog na iniwan ng inahin,
walang pakpak na pumagaspas, ni huning narinig.”
Makapagmamalaki ba ang palakol sa may-ari nito?
Makapagmamataas ba ang lagari sa gumagamit niyon?
Ang baston pa ba ang magwawasiwas sa may hawak nito?
Kaya nga ang magigiting niyang mandirigma
ay pagkakasakitin ng Panginoon.
At sa ilalim ng kanilang maringal na kasuotan
mag-aapoy sa init ang kanilang katawan,
parang sigang malagablab.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 93, 5-6. 7-8. 9-10. 14-15
Ang Poo’y di tatalikod
sa kanyang hirang na lingkod.
MABUTING BALITA
Mateo 11, 25-27
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus, “Pinasasalamatan kita, Ama, Panginoon ng langit at lupa, sapagkat inilihim mo ang mga bagay na ito sa marurunong at matatalino at inihayag sa mga may kaloobang tulad ng sa bata. Oo, Ama, sapagkat gayun ang ikinalulugod mo.
Ibinigay sa akin ng aking Ama ang lahat ng bagay. Walang nakakikilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakikilala sa Ama kundi ang Anak at yaong marapating pagpahayagan ng Anak.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Isang mapagpalang Miyerkules po sa ating lahat! Ang karunungan ng Diyos ay pinagkakaloob sa mga inosente, sa mga mababa ang loob, doon sa mga taong hindi nila iniisip na sila’y napakagaling na. Kung ganito ang ating pag-iisip at disposisyon at gugustuhin nating malaman ang karunungan ng Diyos, ay ipagkakaloob Niya sa atin ito. Hindi kailangan ng mataas na edukasyon, posisyon, pangalan o kapangyarihan. Kababaang loob lamang ang kailangan sa harapan Niya.
Aminin natin at tanggapin natin na tayo’y mahina sa Diyos at tayo’y Kanyang tutulungan at bibigyan ng ating hinihinging kaalaman at pag-unawa sa buhay. Ito’y sapagkat lahat tayo na bininyagan ay templo ng Diyos. Siya ay nanahan sa atin nang walang makamundong kondisyon. Ang kailangan lamang ay pagmamahal sa Diyos at kagustuhang makinig sa Kanya. Madalas kasi ang nakakabalakid ay gusto lamang natin ang gustong gawin nang hindi natin nakikita na mayroon pang higit na mas maganda at mahalaga na sinasabi ang Diyos.
Magkakaroon tayo at pagkakalooban ng Diyos ng karunungan mula sa Kanyang Espiritu – kung ano ang tama o mali sa buhay, kung ano ang plano Niya, kung ano ang magandang desisyon sa buhay at marami pang iba na hindi kayang gawin ng ano o kahit sino. Lalong hindi ng mga horoscope at manghuhula na isang malubhang kasalanan at napapalitan nito ang papel na dapat sa Diyos. Ang kapangyarihang gamit ng mga ito na liban sa Diyos ay sa demonyo.
Maaring sa umpisa wala kayong makitang mali, ngunit marami ito na hindi agad nakikita dahil sinisira nito ang buong paniniwala at ugnayan sa Diyos. Siya lamang dapat ang sentro ng ating buhay, ibig sabihin ay Siya ang ating pinakikinggan, sa Kanya natin agad sinasabi ang ating mga hinanaing at pinagdaraanan. Siya dapat ang basehan ng pagkatao, mga desisyon at gabay sa buong buhay at hindi ang iba. Hindi ang mga sabi-sabi, hula, pamahiin, at mga maling paniniwala.
Ang isang pusong mapagmataas ay dumedepende sa ano mang mayroon siya – pera, sariling talino, abilidad at materyal na bagay. Subalit ang isang pusong mababa ang loob ay dumedepende sa Diyos, kahit magkaroon siya ng alinman sa mga bagay na iyan, alam niyang hindi sa mga iyan nakasalalay ang lahat at ang totoong seguridad ng buhay kung hindi sa Diyos. Nawa’y pagkalooban tayo ng Diyos at hingiin din natin sa Kanya na maging gaya tayo ng isang bata. Kung sinisikap nating gawin ito sa gitna ng ating katigasan ng puso, ay lalo Niya tayong biyayaan ng mas marami pang grasya na alam Niyang gagamitin natin hindi pangsarili lamang kung hindi para sa iba. Amen. +
Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +
Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications
 
         
                         
                            
