Mayo 20, 2025
Martes sa Ika-5 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
o kaya Paggunita kay San Bernardino ng Siena, pari
MABUTING BALITA
Juan 14, 27-31a
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo. Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo; hindi ito katulad ng ibinibigay ng sanlibutan. Huwag kayong mabalisa; huwag kayong matakot. Sinabi ko na sa inyo, ‘Ako’y aalis, ngunit babalik ako.’ Kung iniibig ninyo ako, ikagagalak ninyo ang pagpunta ko sa Ama, sapagkat dakila ang Ama kaysa sa akin. Sinasabi ko na ito sa inyo bago pa mangyari upang, kung mangyari na, kayo’y manalig sa akin. Hindi na ako pakahahaba ng pagsasalita sa inyo, sapagkat dumarating na ang pinuno ng sanlibutang ito. Wala siyang kapangyarihan sa akin, subalit dapat makilala ng sanlibutan na iniibig ko ang Ama at ang ginagawa ko’y ang iniutos niya sa akin.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Ang kapayapaan ng mundo ay iba sa kapayapaan ng Diyos. Mahirap magkaroon ng kapayapaan galing sa mundo dahil madali itong mawala. Madalas nagkakaroon nito at ng seguridad dahil sa kasikatan, pera at kapangyarihan. Para sa mundo, ito ang nagbibigay ng kapayapaan. Pero para sa taong maka-Diyos, ang tunay na kapayapaan ay galing sa Kanya. Ito ay lakas na hindi nakikita ng mata dahil ang kapayapaan na ito ay nananatili sa puso kahit maraming pagsubok. Nagkakaroon ng ganitong kapayapaan ang sinumang taong nagtitiwala sa Diyos. Kahit kabaliktaran na ng gusto natin ang nangyayari, magtitiwala pa rin ba tayo sa Kanya? Ito ang tanong at kung hindi natin kaya dahil sa ating kahinaan, magpatulong tayo sa Diyos. Hilingin nating bigyan Niya tayo ng sapat na pananampalataya at pag-asa. Ang mga ito ang magdadala ng tunay na kapayapaan sa ating puso. Amen. +
Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications
Buhay ni San Bernardino ng Siena:
https://www.ourparishpriest.com/2024/05/saints-of-may-san-bernardino-ng-siena/