Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Kasiguraduhan sa Diyos”

Hunyo 19, 2021. Sabado ng Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon.

Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel.

Saturday of the Eleventh Week in Ordinary Time (Green).

or Optional Memorial of St. Romuald, Abbot (White)
or Optional Memorial of Blessed Virgin on Saturday (White).

UNANG PAGBASA
2 Corinto 12, 1-10
Pagbasa mula sa ikalawang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid, kailangan kong magmapuri, bagamat wala akong mapapala sa paggawa nito. Ang sasabihin ko naman ngayo’y ang mga pangitain at mga pahayag mula sa Panginoon. May kilala akong isang Kristiyano na dinala sa ikatlong langit, labing-apat na taon na ang nakalilipas. Hindi ko lang matiyak kung yao’y pangitain o tunay na pangyayari — ang Diyos lamang ang nakaaalam. Inuulit ko: siya’y dinala sa Paraiso, at hindi ko nga matiyak kung ito’y pangitain o tunay na pangyayari. Ang Diyos lamang ang nakaaalam. Nakarinig siya roon ng mga bagay na di kayang ilarawan ng salita at di dapat bigkasin ninuman. Ipagmamapuri ko ang taong iyon, ngunit hindi ang aking sarili, maliban sa aking mga kahinaan. At kung ako’y magmapuri man, hindi ako lalabas na hangal, sapagkat totoo ang sasabihin ko. Ngunit nagpipigil ako sapagkat ayaw kong humigit sa nakikita at naririnig ang pagpapalagay ninuman sa akin.

Ngunit para hindi ko ipagyabang ang kamangha-manghang pahayag ng Diyos sa akin, ako’y binigyan ng isang kapansanan sa katawan na nagsisilbing pamalo ni Satanas upang huwag akong magpalalo. Tatlong beses kong idinalangin sa Panginoon na alisin ito, ngunit ganito ang kanyang sagot, “Ang tulong ko’y sapat sa lahat ng pangangailangan mo; lalong nahahayag ang aking kapangyarihan kung ikaw ay mahina.” Kaya’t buong galak na ipagmamapuri ko ang aking kahinaan upang palakasin ako ng kapangyarihan ni Kristo. Dahil kay Kristo, walang halaga sa akin kung ako ma’y mahina, kutyain, pahirapan, usigin, at magtiis. Sapagkat kung kailan ako mahina, saka naman ako malakas.
Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 33, 8-9. 10-11. 12-13
Magsumikap tayong kamtin
ang Panginoong butihin.

MABUTING BALITA
Mateo 6, 24-34
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Walang makapaglilingkod nang sabay sa dalawang panginoon sapagkat kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, paglilingkuran nang tapat ang isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo makapaglilingkod nang sabay sa Diyos at sa kayamanan.
“Kaya’t sinasabi ko sa inyo: huwag kayong mabagabag tungkol sa pagkain at inumin na kailangan ninyo upang mabuhay, o tungkol sa damit na kailangan ng inyong katawan. Hindi ba’t ang buhay ay higit na mahalaga kaysa pagkain, at ang katawan kaysa pananamit? Masdan ninyo ang mga ibon: hindi sila naghahasik ni nag-aani o kaya’y nagtitipon sa bangan. Gayunman, pinakakain sila ng inyong Amang nasa langit. Hindi ba’t higit kayong mahalaga kaysa mga ibon? Sino sa inyo ang makapagpapahaba ng kanyang buhay nang kahit isang oras sa pamamagitan ng kanyang pagkabalisa?

“At bakit kayo nababagabag tungkol sa pananamit? Isipin ninyo kung paano sumisibol ang mga bulaklak sa parang; hindi sila nagpapagal ni humahabi man. Ngunit ito ang sasabihin ko sa inyo: maging si Solomon ay hindi nakapagsuot ng kasingganda ng isa sa mga bulaklak na ito, bagamat napakariringal ang mga damit niya. Kung ang mga damo sa kabukiran, na buhay ngayon at kinabukasa’y iginagatong sa kalan, ay dinaramtan ng Diyos, kayo pa kaya? Kay liit ng pananalig ninyo sa kanya! Kaya’t huwag kayong mabalisa tungkol sa inyong kakanin, iinumin, o daramtin. Sapagkat ang mga bagay na ito ang kinahuhumalingan ng mga taong wala pang pananalig sa Diyos.

Alam ng inyong Amang nasa langit na kailangan ninyo ang lahat ng ito. Ngunit pagsumakitan ninyo nang higit sa lahat ang pagharian kayo ng Diyos at mamuhay nang ayon sa kanyang kalooban, at ipagkakaloob niya ang lahat ng kailangan ninyo. Kaya, huwag ninyong ikabahala ang para sa araw ng bukas; saka na ninyo harapin kapag ito’y dumating. Sapat na sa bawat araw ang kanyang mga suliranin.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang mapagpalang Sabado po sa ating lahat! Alam ng Diyos ang lahat ng ating kailangan. Subalit bakit pa natin kailangan na manalangin? Sapagkat kahit alam Niya ang lahat ay gusto Niyang makita at maramdamang dumudulog at nagtitiwala tayo sa Kanya bilang Kanyang mga anak. Gusto Niyang makilala natin Siya bilang Ama at humingi sa Kanya ng may pagtitiwala. Kasabay nito’y lagi Niyang ibinibigay ang sobra pa sa ating hinihingi at ipinapanalangin. Kaya nga ang kalaban natin ay pag-aalala at duda. Wala itong magagawang mabuti para sa atin. Sa halip, napapahirapan lamang tayo at ang ating lakas ay napupunta sa wala.

Pagkatiwalaan natin ang Diyos. Kilalanin natin Siya bilang Diyos na Mapagbigay at walang hangganan ang pagmamahal at awa. Siya ay Diyos na kahit pa paulit-ulit tayong nagkakasala sa Kanya, binibigyan pa rin Niya tayo ng makakain sa araw-araw. Dinirinig ang ating mga dasal, kinakalinga at inaalagaan gaya ng isang Ama sa anak. Kung makikita lamang sana natin ang mga biyaya sa ating buhay kaysa ang mga negatibo, mas makikita natin ang Diyos na kumikilos sa ating buhay. Habang nakikita at nakikilala natin Siya, mas lalakas ang ating loob na magtiwala sa Kanya sa gitna ng kahirapan at walang kasiguraduhan.

Manalig tayo sa Diyos at wala nang iba pa. Umasa tayo sa Diyos hindi sa ibang tao, pera o materyal na bagay. Alalahanin nating Makapangyarihan Siya at wagas ang pag-ibig Niya sa atin. Lahat ng pangako Niya ay natutupad para sa mga taong handang tumanggap nito at magtiwala sa Kanya hanggang huli. Amen. +

Pagnilayan natin ito. Amen. +

Pagpalain po kayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen. +

Reflections By: F.M.M.J.

Readings Source: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications www.awitatpapuri.com

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?