Bible Catholic Church Catholic Faith Christian Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Likha ng Diyos”

 

 

 

Enero 2, 2023. Paggunita kina Dakilang San Basilio
at San Gregorio Nasianseno,
mga Obispo at Pantas ng Simbahan.

MABUTING BALITA
Juan 1, 19-28
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Nang suguin ng mga Judio sa Jerusalem ang ilang saserdote at Levita upang itanong kung sino siya, sinabi ni Juan ang katotohanan. Sinabi niyang hindi siya ang Mesias. “Kung gayo’y sino ka?” tanong nila. “Ikaw ba si Elias?” “Hindi po,” tugon niya. “Ikaw ba ang Propetang hinihintay namin?” Sumagot siya, “Hindi po.” “Sino ka kung gayun?” Tanong nila uli. “Sabihin mo sa amin para masabi namin sa mga nagsugo sa amin. Ano ang masasabi mo tungkol sa iyong sarili?” Sumagot si Juan, “Ako ‘Ang tinig ng isang sumisigaw sa ilang: Tuwirin ninyo ang daraanan ng Panginoon!’”

Ang Propeta Isaias ang maysabi nito. Ang mga nagtanong ay sugo ng mga Pariseo. Muli nilang tinanong si Juan, “Bakit ka nagbibinyag, hindi pala naman ikaw ang Mesias, ni si Elias, ni ang Propeta?” Sumagot siya, “Ako’y nagbibinyag sa tubig, ngunit nasa gitna ninyo ang isang hindi ninyo nakikilala. Siya ang susunod sa akin, subalit hindi ako karapat-dapat magkalag man lamang ng tali ng kanyang panyapak.” Ito’y nangyari sa Betania, sa ibayo ng Jordan na pinagbibinyagan ni Juan.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Maligayang paggunita po kina San Basilio at San Gregorio Nasianseno! Ang tungkol po sa kanila ay mababasa matapos ng pagninilay na ito. Si San Juan Bautista at tinanong kung siya ba ang Mesiyas subalit alam niyang hindi siya iyon. Malinaw sa kanya kung sino siya at kung ano ang misyon niya sa buhay. Hindi niya iniisip na siya’y higit pa sa kung sino talaga siya. Sa panahon ngayon ng social media, tila nauso na lagi na lamang natin ipost para makita ng audience ang mga magagandang pangyayari sa ating buhay. Tila magaganda ang laman ng social media ngayon.

Marahil minsan o madalas, nagiging isa na itong pagpapanggap sapagkat hindi natin naipapakita at hindi rin kaaya-ayang ipakita sa iba ang dalawang bahagi ng buhay – ang maganda at pangit, ang masasaya at malulungkot. Samakatuwid, malabong mangyari na makilala nang buo ang pagkatao ng isang tao base sa kung anong nakikita tungkol sa kanya online. Marami sa atin marahil ay malabo o nawawala na ang sariling konsepto ng “identity” o sariling pagkakakilanlan. Kung ano na lang ang magugustuhan ng iba, iyon ang pinapakita ng karamihan. Para sa iba, ito na ang nagiging basehan ng pagkatao.

Sa lahat ng ito, iisa ang katotohanang hindi mababago sa kung sino tayo. Tayo’y mga anak ng Diyos at mayroong natatanging misyon ang bawat isa sa atin mula sa Kanya. Ang tanong ay ano kaya iyon? Trabaho nating ipanalangin at madiskubre iyon nang tayo’y makasiguradong namumuhay sa pinakamagandang plano na inilaan ng Diyos para sa atin. Iyong ayon sa kalooban Niyang laging mabuti at para sa ating kapakanan at ng ibang nasa paligid natin, hindi pansarili lamang na madalas ay makamundo. Kung susunod tayo sa Diyos gaya ni San Juan, kutyain man tayo ng mundo o hindi matanggap nito ay magkakaroon tayo ng kapayapaan ng loob at kasiyahang hindi mapapantayan ng alinman sa lupa.

Ang ligayang ito’y nagtatagal maging hanggang kamatayan. Tanggapin natin ng may kababaang loob ang Hesus na nagkatawang-Tao. Mas madali nating malalaman at matatanggap kung ano ang tunay at kakaibang misyon natin mula sa Kanya na sa atin lang at tayo lang ang makakagawa dahil wala tayong katulad sa mga nilikha ng Diyos.

Nawa’y paniwalaan at patuloy nating pagnilayan natin ito. Amen. +.

Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +

Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?