
Agosto 22, 2022. Paggunita sa Pagka-reyna ng Mahal na Birheng Maria.
Subscribe to Awit at Papuri Communications Channel.
Memorial of The Queenship of the Blessed Virgin Mary (White).
UNANG PAGBASA
Isaias 9, 1-6
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Nakatanaw ng isang malaking liwanag
ang bayang malaon nang nasa kadiliman,
namanaag na ang liwanag
sa mga taong namumuhay sa lupaing balot ng dilim.
Iyong pinasigla ang kanilang pagdiriwang,
dinagdagan mo ang kanilang tuwa.
Tulad ng mga tao sa panahon ng anihan,
tulad ng mga taong naghahati ng nasamsam na kayamanan.
Nilupig mo ang bansang umalipin sa iyong bayan
tulad ng pagkalupig sa hukbo ng Madian.
Binali mo ang panghambalos ng mga tagapagpahirap sa kanila.
Sapagkat ang panyapak ng mga mandirigma,
ang lahat ng kasuotang tigmak sa dugo ay susunugin.
Sapagkat ipinanganak para sa atin ang isang sanggol na lalaki
at siya ang mamamahala sa atin.
Siya ang Kahanga-hangang Tagapayo, ang Makapangyarihang Diyos,
Walang hanggang Ama, ang Prinsipe ng Kapayapaan.
Malawak na kapangyarihan at walang hanggang kapayapaan
ang ipagkakaloob sa trono ni David at sa kanyang paghahari
upang matatag ito at papanatilihin sa katarungan at katwiran ngayon at magpakailanman.
Isasagawa ito ng Makapangyarihang Panginoon.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 112, 1-2. 3-4. 5-6. 7-8
Ngalan ng D’yos ay idangal
ngayon at magpakailanman.
o kaya: Aleluya.
MABUTING BALITA
Lucas 1, 26-38
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Nang ikaanim na buwan na ng pagdadalantao ni Elisabet, ang anghel Gabriel ay sinugo ng Diyos sa Nazaret, Galilea, sa isang dalaga na ang pangala’y Maria. Siya’y nakatakdang ikasal kay Jose, isang lalaki buhat sa lipi ni Haring David. Paglapit ng anghel sa kinaroroonan ng dalaga, binati niya ito. “Matuwa ka! Ikaw ay kalugod-lugod sa Diyos,” wika niya. “Sumasaiyo ang Panginoon.”
Nagulumihanan si Maria sa gayong pangungusap, at inisip niyang mabuti kung ano ang kahulugan niyon. Kaya’t sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, sapagkat kinalulugdan ka ng Diyos. Makinig ka! Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang lalaki, at siya’y tatawagin mong Hesus. Magiging dakila siya, at tatawaging Anak ng Kataas-taasan. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David. Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailanman, at ang kanyang paghahari ay walang hanggan.”
“Paanong mangyayari ito, gayong ako’y dalaga?” tanong ni Maria. Sumagot ang anghel, “Bababa sa iyo ang Espiritu Santo, at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan. Kaya’t banal ang ipanganganak mo at tatawaging Anak ng Diyos. Natatandaan mo ang iyong kamag-anak na si Elisabet? Alam ng lahat na siya’y baog, ngunit naglihi siya sa kabila ng kanyang katandaan. At ngayo’y ikaanim na buwan na ng kanyang pagdadalantao – sapagkat walang hindi mapangyayari ang Diyos.”
Sumagot si Maria, “Ako’y alipin ng Panginoon. Mangyari sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan siya ng anghel.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Maligayang Paggunita sa Pagka-reyna ng Mahal na Birheng Maria! Ang ating mahal na inang si Maria ay kinoronahan bilang reyna ng langit at lupa. Hindi ito nagmula sa wala lang. Ito ay ang walang hanggang gantimpala ni Maria dahil siya na pinakamalinis at inosente sa lahat, ay ang unang naniwala kay Hesus bilang ating Diyos. Umoo siya sa plano ng Diyos at ang oo niya ay laging sinusubok ngunit siya’y nagwagi. Isang halimbawa dito ay mula pagkapanganak ni Hesus at bago ito mangyari ay wala silang matuluyan. Dala niya ang anak ng Diyos subalit kailangan din niyang maghirap upang mapatunayan na ang lahat ng paghihirap ay mayroong pakay kung bakit nangyayari.
Hindi ninais ni Hesus na Siya’y maging Hari na gaya ng mga nasa lupa na hindi naghihirap gaya ng isang ordinaryong tao. Niloob ni Hesus na maging Hari maging ng mga pinaka-aba at pinakadukha. Gusto Niyang maging Hari ng ating mga puso dahil sa pagmamahal at hindi Niya ninais ng pwersa at kapangyarihang makamundo. Ganoon din po ang Mahal na Birheng Maria. Siya ay reyna dahil siya’y nagdusa kasama ni Hesus sa Krus. Sa misyon ng Diyos na pagliligtas, naroroon siya bilang isang malaking bahagi at hudyat dahil sa pag-“oo” niya sa Diyos upang maging ina ng Mesiyas na si Hesus.
Gaya ng Panginoon, nauna niyang tinanggap ang koronang tinik sa kanyang puso dahil ang nakakasakit na kasalanan ng mundo kay Hesus ay nakakasakit din sa kanya. Subalit sa kabila nito’y ginagampanan pa rin niya ang tungkulin bilang ating ina na hindi napapagod na ipagdasal tayo sa Diyos. Nawa’y tayo rin ay maging handa at gustuhing buhatin ang kanya-kanyang Krus sa ating buhay nang tayo rin ay makarating sa langit. Ang Krus na ito ay ang mga paghihirap na ating daranasin dahil sa paggawa ng mabuti. Ito ang mga sakripisyo nating mabubuti para sa Diyos at sa kapwa. Amen. +
Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +
Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications

