
Hunyo 28, 2022. Paggunita kay San Ireneo, obispo at martir.
Subscribe to Awit at Papuri Communications Channel.
Memorial of St. Irenaeus, Bishop and Martyr (Red).
Mga Pagbasa mula sa
Martes ng Ika-13 Linggo sa Karaniwang Panahon.
UNANG PAGBASA
Amos 3, 1-8; 4, 11-12
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Amos
Pakinggan ninyo, mga taga-Israel, itong sinabi ng Panginoon: “Pinatnubayan kong palabas sa Egipto ang inyong lahi. Sa lahat ng bansa sa ibabaw ng lupa, kayo lamang ang aking itinangi at inalagaan. Kaya’t parurusahan ko kayo dahil sa inyong mga kasalanan.”
Maaari bang magsama sa paglalakbay ang dalawang tao kung di muna sila magtipan?
Uungal ba ang leon sa kagubatan malibang makatagpo siya ng biktima?
Aatungal ba ang batang leon sa loob ng yungib kung wala siyang nahuling anuman?
Mabibitag ba ang isang ibon kung walang pain?
Iigkas ba ang bitag kung walang huli?
Maaari bang di sakmalin ng takot ang mga mamamayan kapag hinipan ng bantay-lungsod ang trumpeta?
Mangyayari ba sa isang lungsod ang isang kahindik-hindik na bagay malibang ito’y itulot ng Panginoon?
Tunay na ang Panginoon ay di gumagawa ng anumang bagay na di ipinababatid ang kanyang balak sa kanyang mga lingkod na mga propeta.
Pag ungal ng leon, maaari bang hindi ka matakot?
Kapag nagsalita ang Panginoon, mapipigilan mo bang ipahayag ang kanyang sinabi?
“Pinuksa ko ang ilan sa inyong lungsod tulad ng aking ginawa sa Sodoma at Gomorra. Kayo’y parang nagdiringas na kahoy na inagaw sa apoy. Ngunit ayaw pa rin kayong manumbalik sa akin,” sumbat pa ng Panginoon. “Kaya, mga taga-Israel, humanda kayo sa di mapipigil na paghuhukom ng inyong Diyos!”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 5, 5-6. 7. 8
Poon, ako’y pangunahan
nang landas mo’y aking sundan.
MABUTING BALITA
Mateo 8, 23-27
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sumakay si Hesus sa bangka, kasama ang kanyang mga alagad. Bumugso sa lawa ang isang malakas na unos at halos matabunan ng mga alon ang bangka. Ngunit natutulog noon si Hesus. Kaya’t nilapitan siya ng mga alagad at ginising. “Panginoon, tulungan ninyo kami!” sabi nila. “Lulubog tayo!” At sinabi niya sa kanila, “Ano’t kayo’y natatakot? Napakaliit naman ng pananalig ninyo!” Bumangon siya, sinaway ang hangin at ang dagat, at tumahimik ang mga ito. Namangha silang lahat at ang sabi, “Anong tao ito? Kahit ang hangin at ang dagat ay tumatalima sa kanya!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Isang mapagpalang paggunita po kay San Ireneo, isang obispo at martir! Ang mga apostol ay nangamba at tila nakalimutan na nilang kasama nila si Hesus sa bangka. Si Hesus na Diyos ay kayang gawin ang anumang bagay subalit nalula agad sla sa malalakas na alon kaya nalimutan nila ito. Ganito rin tayo mga kapatid, sa mga sandaling tanggalin natin ang tingin natin sa Diyos at mapunta na lamang tayo sa pag-intindi ng mga bagay sa mundo. Hindi naman masama mag-isip at magkaroon ng pakialam sa mga bagay sa mundo subalit ang pinakamahalaga ay nakikita natin ang Diyos sa gitna ng mga alalahanin na ito.
Ang importante ay ang malaman at maiisip natin na kahit ano pa ang problema ay higit na mas makapangyarihan ang Diyos. Kung ito’y panghahawakan natin sa mga oras na ang ating pananalig ay sinusubok, magkakaroon tayo ng kapayapaan at hindi takot sa puso. Ang pangamba ay mapapalitan ng kapanatagan ng loob.
Ang Diyos lamang ang tanging makakagawa nito hindi ang anumang bagay o ang sinumang tao. Ang magiging dahilan ng pag-kalma ng ating puso ay ang pag-alaala na mayroon tayong Diyos at hindi tayo nag-iisa. Mayroon tayong Ama sa langit at hindi tayo mga ulila. Kahit ano pa ang pagdaraanan, ating malalagpasan kung tayo’y susubukang maniwala sa Diyos kahit pa mahirap na at tila hindi natin naiintindihan ang mga pangyayari.
Ang katapatan Niya ang ating natatanging sigurado sa mundo. Ito’y siguradong hindi matatapos o matitinag ng kahit ano kahit pa nga tayo ang maunang bumitaw sa Kanya. Amen. +
Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +
Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications www.awitatpapuri.com

