ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: “Mga Inuusig na Kristiyano”
Nobyembre 29, 2023. Miyerkules ng Ika-34 o Huling Linggo sa Karaniwang Panahon.
MABUTING BALITA
Lucas 21, 12-19
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Darakpin kayo’t uusigin. Kayo’y dadalhin sa mga sinagoga upang litisin at ipabilanggo. At dahil sa akin ay ihaharap kayo sa mga hari at mga gobernador. Ito ang pagkakataon ninyo upang magpatotoo tungkol sa akin. Ipanatag ninyo ang inyong kalooban, huwag kayong mababalisa tungkol sa pagtatanggol sa inyong sarili; sapagkat bibigyan ko kayo ng katalinuhan at ng pananalitang hindi kayang tutulan o pabulaanan ng sinuman sa inyong mga kaaway.
Ipagkakanulo kayo ng inyong mga magulang, mga kapatid, mga kamag-anak, at mga kaibigan. At ipapapatay ang ilan sa inyo. Kapopootan kayo ng lahat dahil sa akin, ngunit hindi mawawala ni isang hibla ng inyong buhok. Sa inyong pagtitiis ay tatamuhin ninyo ang buhay na walang hanggan.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Isang mapagpalang Miyerkules po sa ating lahat! Ngayon po ay tinaguriang “Red Wednesday”. Isang araw upang alalahanin at ipanalangin ang mga martir at mga inuusig na Kristiyano sa buong mundo. Kulay pula ang kalimitang sinusuot at kulay pula rin ang ilaw sa labas ng Simbahan matapos ang Misa. Ang mga ito’y paggunita sa mga Kristiyanong sumusunod sa yapak ni Kristo. Siya ang unang nag-alay ng dugo para sa ating lahat. Ang mga Kristiyanong ginugunita ngayon ay mga matatapang at pinipili naman ang magdusa at mamatay kaysa itatwa ang pananampalataya. Hindi ito para sa iilan lamang. Ang tawag na ito ay para sa ating lahat.
Bilang mga binyagang Katoliko, tayo’y bahagi ng Katawan ni Kristo. Kung ano ang Kanyang karanasan, iyon din ang sa atin. Kaya dapat lamang na tayo ay hindi magumon sa kalakaran ng mundo. Kapag ang Simbahan at pananampalataya ay tunay na bahagi ng iyong buhay, hindi maaring hindi ito maipakalat sa iba at magkaroon ng mga kaaway. Magkasalungat ang pamumuhay sa mundo at sa pananalig. Kailangan lamang mamili ng isa at hindi hati.
Kung ang pananalig mo ay maligamgam, puro dasal lang ngunit walang gawa, talagang magiging maayos lang ang lahat at wala kang pagsubok na kakaharapin sapagkat wala ka ring ginagawa.
Kung mayroon, at tayo’y nakikiisa sa pagpapahayag ng Mabuting Balita sa salita man o sa gawa partikular sa mga kawanggawa, maraming pagsubok ang kailangang harapin. Sa lahat ng ito, dapat lamang pakatandaan na ang gantimpala nati’y nasa Diyos. Kahit man makaranas ng maraming Krus dito sa mundo, ang ating kaligtasan ay sigurado sapagkat tayo’y nagsakripisyo alinsunod sa Diyos.
Kaysa sa nagpakasaya tayo’t lahat subalit nakalimutan natin ang pinakamahalaga – ang mabuhay sa walang hanggan kasama ng Diyos. Sa piling Niya ang tunay nating tahanan. Magkaroon nawa tayo ng lakas na loob na tumindig kapag kinakailangang ipagtanggol si Kristo, ang Kanyang Simbahan at mga nagsisilbi sa Kanya. Nawa’y paniwalaan at patuloy nating pagnilayan natin ito. Amen.
Patuloy po nating ipanalangin ang mga kaluluwa sa purgatoryo ngayong buwan ng Nobyembre:
V. Kapayapaan kailan man ang igawad ng Maykapal sa yumaong ating mahal.
R. Sila nawa ay silayan ng ilaw na walang hanggan.
Mapanatag nawa sila sa kapayapaan. Amen. +
Pagpalain po tayong lahat ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos, at ipagsanggalang nawa Niya tayo laban sa tukso at masasama ngayon at magpakailanman. Amen. +
Pagninilay ni: F.M.M.J.
Pinagmulan ng Pagbasa: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications

